Tensiyonado

5.7K 140 6
                                    


Chapter Eight

“HINDI naman po—”
“Alam ko, Joyce,” agaw ni Luis sa awkward na pagsisikap niyang sagutin ito. “Gusto ko lang pagaanin ang pakiramdam mo.”
Pero hindi gumaan kundi naging tensiyonado pa nga ang pakiramdam ni Majoyce dahil sa sinabi ni Luis. Mukha nga ba siyang nagseselos o binibiro lang siya talaga ng lalaki? Hindi siya sigurado roon, dahil dati na siyang nakaramdam noon ng selos kay Miss Krissy.
“Hindi ko girlfriend si Krissy. Hindi nagtagumpay ang attempt niya na mapasagot ako.”
Natawa na siya dahil mukha nang nagbibiro ito. “Pero bakit po? Halata naman pong may gusto siya sa inyo.”
“Halata mo rin pala. 'Yon siguro ang dahilan. I don’t know. Maybe I don’t want a girl’s feelings for me to be so obvious?” Nakangiti at nakatitig na naman ito sa kanya. Nagpi-flirt ba ito?
Pasimpleng inihagod ni Majoyce ang mga palad sa suot niyang pantalon. Namamawis ang mga iyon. Sinubukan niyang ilihis nang kaunti ang paksa nila. “Problema pa rin po si Anette kung talagang tutol siya sa pagpapakasal natin.”
“I can handle her.” Muling sumeryoso si Luis. “Pag-usapan natin kung ano ang mangyayari kapag kasal na tayo. Siyempre, dito ka na titira.”
“Ako pa rin po ang mag-aalaga kay Faye,” singit niya.
“Pero hindi na ako papayag sa mahabang oras na pag-aalaga mo sa kanya. Magdaragdag ako ng kahit isa na magiging yaya niya in addition to the nurse. Mostly supervision na lang ang gagawin mo.”
“Ahm, Tito Luis, 'di ba po kaya nga tayo magpapakasal para makatiyak na may permanente nang mag-aalaga kay Faye?”
“No. Para may permanente nang titingin para sa kapakanan niya. Joyce, you will become my wife. Kasama ako sa magiging responsibilidad mo kapag nakasal na tayo. Ang kaibahan lang n’on sa ngayon, ano man ang mangyari sa akin, makasisiguro na ako na may magmamalasakit sa kapakanan ng anak ko. At hindi mo na matatanggihan ang mga tulong na ibibigay ko sa inyo ng pamilya mo.”
“Pero hindi po ang tulong na ibibigay ninyo sa amin ang dahilan kaya ako pumayag sa proposal ninyo.”
Ngumiti uli si Luis. “At sa palagay mo ba hindi ko alam 'yon? You’re so bent on refusing my help, when in fact, you deserve more than the things I want to give you. Kapag nakasal na tayo, solved na ang problema kong 'yon sa 'yo.”
Napaluha na si Majoyce sa puntong iyon. “Malaki ang isasakripisyo ninyo sa gagawin nating ito.”
Lumapit si Luis nang husto at sinahod ng daliri ang luhang gumulong sa pisngi niya. Marahang-marahan lang na dumaiti ang balat nito sa pisngi niya ngunit nag-alsahan yata lahat ng balahibo sa kanyang katawan. Napakarahan at napakasuyo rin nang magsalita ito. “Kasinlaki rin ng isasakripisyo mo. Don’t you ever forget that, Joyce.”
Lalo lang siyang napaiyak. Hindi pagsasakripisyo ang nararamdaman niya sa kanyang gagawin kundi pagtanggap sa kaligayahang inihahain sa kanya ng pagkakataon, at pagtuklas sa mga damdaming nakatago lang sa pinakamalalim na bahagi ng kanyang puso.

“TOTOO ba ang sinabi ni Nanay, Ate? Magpapakasal ka raw sa ama ni Adam?”
Marahang tango ang isinagot ni Majoyce kay Jericho. Mula nang magtanan ang kapatid ay hindi ito naglalalapit sa kanya. Ngayon lang. Siguro nahihiya ito sa kanya dahil sa ginawa.
“Pero bakit? 'Di ba masagwang tingnan 'yon? Tatay siya ng boyfriend mong namatay.”
“Hindi ba mas masagwang tingnan 'yong nambuntis ka ng babae kahit hindi pa kayo kasal?”
Napangibit ito na parang sinampal.
Nagsisi siya agad sa sarkasmong napawalan niya. “I’m sorry, Jericho. Pasensiya ka na sa akin. Stressed-out lang siguro ako ngayon. Hanggang ngayon malaki pa ang binabayaran kong utang dahil sa pagkakasangla ng lupa ni Lolo Tano, kaya hindi ko magawang tulungan sina Tatay at Nanay sa mga pangangailangan ng pamilya natin. Kailangan kong magpakasal kay Tito Luis para daw makatiyak siya na may mag-aalaga at magmamalasakit kay Faye kung sakaling mauna siyang mamatay rito. At para nga ma-satisfy ang magkabilang panig, nag-alok sa akin ng kasal si Tito Luis.”
Napaawang ang mga labi ni Jericho, namangha sa mga sinabi ni Majoyce. Nagbaba ito ng tingin pagkatapos. “Ako pala dapat ang nagso-sorry sa 'yo, Ate. I’m sorry na napasok ako sa sitwasyong ito. Na hindi nga direkta pero nagpalala siguro ng dahilan para mapasok ka rin sa sitwasyon mo ngayon. Natakot lang naman ako na mawala pa sa akin si Hyacinth. Mahal na mahal ko siya. Kaya gumawa ako ng paraan para makasigurong hindi siya mag-iisip na kumawala pa sa akin.”
“Pero kahit magkakaanak na kayo, hindi pa rin assurance 'yon na hindi na mawawala sa 'yo si Hyacinth. Paano kung hindi niya matagalan ang sitwasyon natin ngayon? Paano kung dahil doon pumusyaw ang feelings niya sa 'yo? Makasisiguro ka ba na hindi siya magtatangka na kumalas?”
Nahaplos nito ang batok at umiling-iling. “Napangunahan kasi ako ng takot na mawala siya sa akin, Ate. Nandito na 'to, pangangatawanan ko na lang. Magsisikap ako para sa kanila ng magiging anak namin. Dalawang linggo na nga akong naghahanap ng mapapasukang trabaho. Kaso mga part-time jobs lang ang nakikita ko.”
“Dahil nga hindi ka pa tapos sa college. Hindi ka pa handa, Jericho.” Pinagmasdan ni Majoyce ang kapatid. Determinado man ang hitsura ay alam niyang mahihirapan itong tuparin ang sinasabi sa dami ng mga unemployed professional ngayon. At hindi pa ito nakakatapos ng pag-aaral.
Sumagap ng hangin si Jericho. “Sana lang, hindi palaging nagpaparinig si Nanay sa amin ni Hyacinth. Ako, sanay na sa kanya. Pero si Hyacinth… nasasaktan siya kapag naglilitanya si Nanay ng mga bayarin, ng kapos na pera, ng hindi mabiling project ni Caloy, at kung ano-ano pa. Kung tutuusin naman, mas nakakatulong pa nga sa kanya si Hyacinth dahil siya pa ang inaabutan nito ng pera.”
Alam ni Majoyce na may trabaho si Hyacinth dahil professional na raw ang babae ayon sa kanyang kapatid. Pero iyon lang ang alam niya tungkol sa girlfriend nito. Hindi pa siya nagkaroon ng pagkakataon na makilala nang husto ang hipag niyang hilaw. “Pagpasensiyahan n’yo na lang si Nanay. Napakalaki kasi ng frustration niya sa pagtatanan mo ng babae.”
“Pero nahihiya talaga ako kay Hyacinth. Hindi niya deserve na maparinggan dahil ako naman talaga ang may kasalanan sa nangyari. Saka, Ate, hindi naman ako hihinto sa pag-aaral. Ayaw rin kasi ni Hyacinth. Kaya tutulungan daw niya ako na ituloy ang huling taon ko sa college.”
“Pero hindi ka dapat na umasa na lang sa kanya.”
“Alam ko naman 'yon, Ate. Kaya nga dodoblehin ko ang pagsisikap para sa magiging anak namin. Isa pa, medyo parang si Nanay din kasi ang mother ni Hyacinth.” Isinenyas nito ang kamay na ang ibig sabihin ay “madaldal.”
Naputol ang pag-uusap nila nang marinig ang malakas na pagtatawag ni Caloy sa ibaba. “Ate! Ate Majoyce, may naghahanap sa 'yo!”
Sumilip siya sa bintana. Nakita niya sa labas si Anette. Umiikot ang tingin nito sa paligid ng bahay nila. Kinabahan siya. Ilang pagsagap at pagbuga muna ng hangin ang ginawa niya bago siya bumaba ng bahay.
“Hindi ako magtatagal,” pormal na bungad ni Anette. “Gusto ko lang malaman kung ano ang puwede kong ibigay sa 'yo kapalit ng pag-urong mo sa kasal n’yo ng daddy ko.”
Napakagat-labi siya. May dahilan nga palang talaga para siya kabahan. Pero sinikap niyang hindi ipahalata kay Anette ang nararamdaman niyang kaba. Kahit paano ay kilala na niya ito mula sa mga kuwento sa kanya ni Luis. Hindi siya dapat magpasindak kay Anette. “Gusto mo talagang malaman?”
“Oo.” Medyo umangat ang baba nito. Mapangmata ang tinging ipinupukol sa kanya. “Pera ba? Sabihin mo lang kung magkano ang presyo mo.”
Napailing si Majoyce. Napakababa nga pala ng tingin nito sa kanya. “Hindi pera o kahit na anong kayamanang mayroon kayo, Anette.”
“Hah! Ano pa ba bukod sa pera ang kailangan ng isang kagaya mo?”
Tuwid niyang sinalubong ang tingin ni Anette sa kabila ng pang-iinsulto nito. “Kung magagawa mong maging isang normal na bata si Faye, kung magagawa mong makalakad siya at makapagsalita at magamit nang maayos ang mga kamay niya, ngayon din mismo, aatras ako sa kasal namin ng daddy mo.”
Bahagyang nanlaki ang mga mata ni Anette. “Ano’ng akala mo sa akin, Diyos?”
“Sinagot ko lang ang tanong mo.”
“Hindi ako naniniwalang hindi ang kayamanan namin ang interes mo kaya ka pumayag na magpakasal sa daddy ko,” sabi nitong lalo siyang pinanlakihan ng mga mata.
“Hindi naman kita pinipilit na maniwala.”
Nanggigigil na dinuro-duro siya nito. “My dad should see the way you talk to me. Sinasabi na nga ba’t nagtatago lang ang kamalditahan mo diyan sa pa-sweet mong image.”
“Dapat din sigurong marinig ng ama mo kung paano mo pagsalitaan at pakitunguhan ang isang kagaya ko.”
Nagtagis ang mga bagang nito at tila naubusan ng masasabi dahil sa panggigigil sa kanya. At bago pa makaisip ng panibagong pang-aalipusta ay bigla nitong nasapo ang noo. Gumiwang ang mga binti nito na parang matutumba.
Mabilis niyang sinalo si Anette bago pa bumagsak. “Caloy, tulungan mo ako!” sigaw niya sa kapatid na naroon lang sa di-kalayuan. Halos mag-panic siya. Hindi niya inaasahan na hihimatayin si Anette dahil sa sobrang galit sa kanya.

NAPASUNOD si Majoyce kina Jericho at Caloy sa pagpanhik sa bahay nila. Si Jericho ang nagbuhat sa hinimatay na si Anette. Inihiga nito ang babae sa sofa. “Ano ba’ng nangyari, Ate?” tanong ni Jericho.
“Hindi ko alam,” aniya. “Basta galit na galit siya. At pagkatapos, bigla na lang siyang matutumba kaya sinalo ko na.”
“Parang may sakit siya. Ang putla niya.”
Noon din ay tinawagan ni Majoyce si Luis. Sinabi niya rito ang nangyari kay Anette. Agad daw na magtutungo si Luis sa kanila.
Mabilis namang nagkamalay si Anette matapos niyang paamuyin ng spirit of ammonia. Nakatingin siya sa tapat ng lalamunan nito habang nakatunghay siya rito. Sa sofa ito inilagak ni Jericho. Maliwanag sa sala kaya napansin niya ang mabilis na pintig sa leeg ng babae.
“A-ano’ng nangyari?” nalilitong tanong ni Anette.
“Hinimatay ka,” sagot niya. “Tinawagan ko na ang daddy mo. Hindi ko kasi alam ang number ng asawa mo.”
Nasapo nito ang ulo. “Nahihilo ako.”
“Huwag kang mag-alala. Parating na ang daddy mo. May magdadala na sa 'yo sa ospital.”
Hindi na umimik si Anette, pumikit lang.
Limang minuto pa ang ipinaghintay nila bago dumating si Luis sakay ng SUV. Ito na at ang driver na si Mang Oca ang nagdala kay Anette sa ospital.
Sumama na rin si Majoyce sa mga ito. Hindi rin naman siya mapapakali sa bahay. Malakas ang kutob niya sa kung ano ang tunay na kondisyon ni Anette.
“Nag-aalala ako kay Anette,” sabi ni Luis. “Nabanggit sa akin ni Manang Loida na noon daw naaksidente ako, nahilo rin ang anak ko sa ospital habang nakabantay sa akin. At ngayon, nahilo na naman siya.”
“Huwag po kayong mag-alala, Tito. Normal lang 'yan sa kalagayan ni Anette.”
Kumunot ang noo nito. “Normal?”
Tumango si Majoyce. “May palagay akong magkakaapo na kayo.”
Nagliwanag ang mukha ni Luis. “Are you sure?”
“Opo, Tito. Magiging lolo na kayo.”
“Thank God!”
Nanlaki ang mga mata niya nang bigla siyang yakapin nito nang mahigpit. Saglit lang ang pagkabigla niya. Naramdaman niya agad ang masarap na pakiramdam habang nakapaloob sa matipuno nitong bisig at katawan. Langhap niya ang bango ng men’s soap at aftershave lotion na ginamit nito. Nanuot agad iyon sa ilong niya.
Nanlambot kaagad siya, nilipos ng pagnanais na hindi na kumawala sa matatag at solidong dibdib nito. Parang napakatama ng posisyon nila. Hindi siya nagtangka man lang na kumalas. Si Luis pa ang kumalas sa kanya pagkaraan ng ilang sandali.
Nagtama ang mga mata nila. For one fleeting second she thought he was going to kiss her. At nagpasindak sa kanya na inasahan niya iyon, dahilan para mapaatras siya.
Hindi siya makatingin dito. Kay lakas ng kabog ng kanyang dibdib. Nahalata ba ni Luis na sandaling nabaliw siya at umasang hahalikan nito?
“This is a good sign,” sabi nito, maluwang ang pagkakangiti.
Huh! Ano ba ang tinutukoy ni Luis na good sign? Ang balita na magiging lolo na ito o ang chemistry na marahil naramdaman nitong naramdaman niya?

The Other Side Of Love COMPLETEDTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon