Chapter Eleven“ANO’NG iniisip mo?” tanong ni Jericho kay Hyacinth. Naroon sila sa silid ng Ate Majoyce niya. Doon sila natutulog kapag weekend na umuuwi sila nito sa bahay ng mga magulang niya. Bukas ay iiwan na nila ang bahay na iyon para lumipat sa bagong bahay na binili sa kanila ng napangasawa ng ate niya.
Ngumiti ito. “Ang ganda-ganda ng ate mo kanina. Bagay na bagay sa kanya ang simple but elegant wedding gown niya.”
Hindi kaagad siya nakasagot. Alam niya na gusto rin nito ng kasal.
“Sana, kahit hindi normal ang pag-aasawa niya, maging masaya siya. She deserves to be happy.”
Hindi pinansin ni Jericho ang huling sinabi nito. “Hyacinth, gustong-gusto na kitang pakasalan. Pero wala akong sapat na pera para gawin iyon ngayon. I’m sorry na hindi ko maibigay ang nararapat na ibigay ko sana sa iyo.”
Lumapit ito at yumapos sa isang braso niya. “Ano ka ba? Hindi naman kita pinaghahanapan ng kasal, ah.”
“Pero gusto kong ibigay 'yon sa iyo. Hindi lang kasal. Isang magandang buhay ang gusto kong ibigay sa iyo. Pero kahit ano’ng gawin ko ngayon, hindi talaga sapat ang kinikita ko kahit sa kakainin lang natin.”
“Jericho, may panahon para diyan. Sa ngayon, magsikap muna tayo. Ikaw, sa pag-aaral mo, at ako sa trabaho ko. Kaya ko namang buhayin ang mga sarili natin. At alam kong kapag nakatapos ka at nagkatrabaho ka na, magiging dalawa na tayong kikita para sa ikabubuhay natin.”
“'Yon na nga ang nakakahiya. Ako itong lalaki, ako pa itong binubuhay mo. Lalo lang tuloy liliit ang tingin sa akin ng mommy mo.” Napagsabihan na siya ng ginang ng maaanghang na salita nang minsang madatnan sila ng ina nito sa condo unit ng kapatid nitong si Moira. Galit na galit ito at sinabing kailanman ay hindi raw siya matatanggap nito sa pamilya ng mga ito.
Hanggang ngayon nga, hindi pa sila nakakaakyat sa bahay ng mga ito. Hindi pa niya nakikita ang ama nito liban sa mga larawang ipinakita sa kanya ni Hyacinth. Gaputok may ay wala siyang sinabi noon sa ginang matapos niyang tangkaing magmano at iiwas lang nito ang kamay.
“Huwag mo na lang siyang pansinin. Hindi naman tayo nakatira sa kanila.”
“Pero siyempre nag-e-expect sila ng daddy mo na pakakasalan kita.”
“Sshh…” Idinikit nito ang hintuturo sa bibig niya. “Enough. Matulog na tayo.”
Kinuha ni Jericho ang kamay ni Hyacinth at idinikit ang likod ng palad nito sa pisngi niya. “Hanggang ngayon, hindi ko alam kung ano ang nagawa ko para mahalin din ng isang kagaya mo. Hamak na estudyante lang ako, mahirap ang buhay, hindi kaguwapuhan.”
Lumitaw ang matamis na ngiti nito. Kapag ngumingiti ito nang ganoon, lalong gumaganda ito sa paningin niya. Mas maganda pa ito sa pinakamagagandang beauty queen na nakita niya. “Nasabi mo na,” anito.
“Ang ano?”
“Mahal mo ako. At sapat na iyon para mahalin din kita.”
Dinampian niya ng halik ang tungki ng ilong nito.
“And you’re wrong. Guwapo ka. Kaguwapuhan na nagpapakita ng sincerity, ng kabutihan ng loob. Lalo kang nagiging guwapo kapag ngumingiti ka. At sasapakin ko ang magsasabing hindi ka kaguwapuhan.”
Napahalakhak siya. Lumuhod naman siya pagkatapos, niyakap ang baywang nito at hinagkan ang pipis pang tiyan nito. “I love you…” Sana pagdating ng araw, maipagmalaki n’yo ako ng magiging anak natin.”
“Ipagmamalaki ka namin ng mga magiging anak natin kahit ano pa ang maabot mo.”
“Magiging mga anak natin, ha?” napapangiting pag-uulit niya. Tumayo na siya at niyakap ito.
“Aba, hindi ako papayag na isa lang ang magiging anak natin. Gusto ko ganito.” Itinaas nito ang isang palad nang nakalahad ang limang daliri.
Natawa na naman siya. Masuwerte pa rin siya. Sa kabila ng mga alalahanin niya sa buhay ay may isang Hyacinth na nagpapasaya sa kanya. Ngunit hanggang sa mahiga na sila para matulog ay nasa isip pa rin niya ang isang bagay—kailangan nilang makasal ni Hyacinth bago pa man lumaki ang tiyan nito.“GUSTO ko sanang magkuwentuhan muna tayo bago tayo matulog.”
May-pag-aalangang pumihit si Majoyce hanggang sa mapaharap siya kay Luis. Naka-cotton shirt at pajama pala ito. Mukha namang walang balak ito na igiit sa kanya na mag-honeymoon na sila ngayon. Kahit paano ay nakahinga siya. “Puwede bang…”
Biglang naging hopeful ang mga mata nito. “Puwedeng?”
Itinago niya sa pagngiti ang kaba. Mali yata ang hula niya. Hindi lang yata kuwentuhan ang gustong mangyari nito. “Ahm, puwedeng ‘Mon’ na lang po ang itawag ko sa inyo? Kasi talagang hindi ko kayang tawagin lang po kayo sa pangalan nang walang kasamang ‘Tito.’”
Kung na-disappoint man si Luis ay naitago nito agad. “Puwede siguro basta hindi mo na ako popopoin.”
“Sorry, n-nakalimutan ko lang.”
“Pero bakit ‘Mon’?”
“Shortcut ng Miramonte.”
Natawa ito. “I guess that’s… unique?”
“Mabuti ba 'yon?” sabi ni Majoyce na medyo nag-alala kung nagustuhan ba ni Luis ang pangalang naisip niya.
“Oo naman. I like it. Parang endearment lang, may-lambing.” Flirty ang kislap ng mga mata nito nang tumingin sa kanya.
Napalunok siya. Lalo na nang kunin ni Luis ang kamay niya. Tiningnan nito ang daliri niyang may suot na wedding band.
“Hindi pa nga pala kita nabibigyan ng engagement ring.”
“Hindi na kailangan. Hindi na mahalaga 'yon.”
“Pero mahalaga para sa akin. You deserve no less. Ganito na nga kasimple ang kasal natin, pati ba naman ang bagay na tulad ng engagement ring ipagkakait ko pa sa 'yo?”
Binawi na ni Majoyce ang kamay niya. Naramdaman na naman niya ang pag-alsahan ng mga balahibo niya dahil lang sa pagdidikit ng mga balat nila. Kailan kaya siya masasanay rito? Even the simplest innocent touch was like a prelude to a lovemaking. Mabuti na lang at pinabayaan nitong mabawi niya ang kanyang kamay.
“Naniniwala ka ba sa pamahiin na sukob sa taon?”
Hindi niya inaasahang iyon ang itatanong nito. Parang na-disappoint siya kahit dapat na mapanatag ang loob niya. “Sabi mo nga pamahiin lang 'yon. Kaya hindi dapat paniwalaan.”
“Pero sina Nanay Aurora naniniwala ba?”
“Hindi rin. Sa pagkakaalam ko, sukob sila sa taon ng uncle ko sa Negros. Pareho pa nga raw ng buwan at taon sila ikinasal noon.”
“Good.”
“Bakit mo naman naitanong?”
“Nakapag-usap kasi kami ni Jericho kahapon nang tumulong siya sa pagse-set up sa wedding venue ng kasal natin. Tinanong ko siya kung kailan sila magpapakasal ni Hyacinth. Ang sabi niya sa akin, hindi pa raw nila napapag-usapan. Pero sa pakiramdam ko sa kanya, parang gustong-gusto na niya. Naisip ko kung ano kaya kung regaluhan ko sila ng kasal?”
Napangiti si Majoyce. “That’s so sweet of you. Mahal na mahal niya si Hyacinth at tama ang pakiramdam mo. Gusto na niyang pakasalan ito. Pero sa pagkakakilala ko kay Jericho, sigurado akong hindi papayag 'yon na gastusan mo ang pagpapakasal nila.”
“Well, I can find ways to help him stage a wedding. Nasisiguro kong makukumbinsi ko siya.”
“Sigurado ako, kapag nalaman 'yan ni Anette, sasabihin na naman niyang gold digger ang pamilya ko.”
Bumuntong-hininga si Luis. “Si Anette… Nakita kong kinausap ka niya kanina bago magsimula ang kasal natin. Ano na naman bang masasakit na salita ang sinabi niya sa 'yo?”
“Kalimutan na lang natin 'yon. Hindi na 'yon importante.”
Bumuntong-hininga ito, itinaas ang isang kamay at iniunan doon ang ulo. “Sa sobrang kaabalahan ko noon, hindi ko alam na nagkaroon siya ng prejudiced na ugali. She was greedy, too. At masakit sa akin 'yon bilang magulang. Matanda na siya para baguhin pa ang pangit na ugali niyang 'yon.”
“Dala lang siguro 'yon ng selos. Matagal na panahong nasa kanila lang na magkakapatid ang pansin at pagmamahal mo. Hindi siya nasanay ng may kahati. At ngayon, biglang may kaagaw na siya sa atensiyon mo.”
Tumingin si Luis kay Majoyce. “I wish I hadn’t brought that up.”
“Bakit?”
“Kasi nawala na ang ngiti mo.”
Napangiti tuloy siya dahil parang nagpapa-cute ito.
“That’s more like it.” Inalis nito ang palad sa pagkakaunan sa ulo. Bahagyang umisod ito palapit sa kanya at muntik na siyang mapaatras. “Gustong-gusto kong tingnan ka kapag ngumingiti ka. Parang nagiging tama ang lahat sa mundo.”
Nag-init ang mukha niya hindi lang sa papuri ni Luis kundi pati na sa paraan ng pagtitig sa kanya.
“Sana, Joyce, lagi ka lang nariyan. Dati kasi parang may malaking kulang sa akin, parang may nawawalang parte ng sarili ko na hindi ko mahanap. Pero ngayon, buo na ako. At dahil lang 'yon sa 'eto ka, kasama ko.”
Nag-init ang sulok ng mga mata niya sa sinseridad na nasa mga mata nito. Hindi niya nagawang umiwas nang lumapit pa nang husto ang mukha ni Luis. Pumaypay sa mukha niya ang mainit at mabangong hininga nito. Napalunok siya. Iyon lang ang kilos na nagawa niya habang hinihintay ang paglapat ng mga labi nito sa mga labi niya.
Para siyang hihimatayin sa kilabot at kakaibang pakiramdam na lumukob sa kanya nang sa wakas ay lumapat sa labi niya ang halik ni Luis. Ngayon pa lang niya naramdaman ang ganoong luwalhati.
Ibang-iba ang halik nito. Dampi lang iyon ngunit parang naging pinakamasarap na pagkaing natikman niya sa buong buhay niya. It had left her tingly and wanting. Malayong-malayo iyon sa pakiramdam ng first kiss niya noon.
Bahagyang lumayo ito at tinitigan siya. Desire was evident in his eyes.
Nang muling bumaba ang ulo ni Luis ay kusa nang pumikit si Majoyce. Umawang ang mga labi niya sa tahimik na pag-iimbita sa halik na mas malalim pa.
Ngunit hindi pa man nadadaiti ang mga labi nito sa mga labi niya nang makarinig sila ng mga katok sa pinto. Napadilat siya. Nasa pinto na ang tingin nito. Frustrated na nakagat na lang niya ang ibabang labi.
Si Luis na ang bumangon upang tingnan kung sino ang kumakatok.
Si Manang Loida pala ang nasa labas ng pinto. “Sir Luis, pasensiya na kung nagambala ko kayo. Tinawag kasi ako ni Nancy. Mataas daw ang lagnat ni Faye. Gusto niyang dalhin na ito sa ospital.”“DOC, ANO po ba’ng sakit ng anak ko?”
Nasa tabi si Majoyce ng kanyang asawa habang hinihintay ang isasagot ng doktor. Umaga na noon. Kagabi pa sila naroon sa ospital. Bumaba lang nang kaunti ang lagnat ni Faye ngayong umaga. Ngunit hanggang ngayon ay nilalagnat pa rin ang bata. Kaya nga kagabi pa lang ay sa ICU na agad ito ini-admit.
“May impeksiyon sa dugo niya, Mr. Miramonte. Nag-develop siya ng pneumonia. Nagpa-administer na ako sa staff ng antibiotics sa IV drip niya. Let’s hope and pray na mag-react agad ang katawan niya sa antibiotics para maging mabilis ang paggaling niya.”
“Hindi po ba delikado 'yon sa kalagayan ng pasyente?” tanong ni Majoyce. Ingat na ingat sila sa pag-aalaga kay Faye sa takot na mag-develop ito ng sakit. Aware siya na nakamamatay ang pneumonia.
“Sa kalagayan ng anak ninyo, lahat ng sakit ay delikado. Let’s just hope and pray na malampasan niya ito.”
Nagkatinginan sila ni Luis. Kapwa may takot sa kanilang mga mata.
Mayamaya pa ay dumating naman si Anette kasama si Donnie. Hindi man lang siya nito tinapunan ng sulyap. Mabuti pa si Donnie, bumati sa kanila at nagmano. Nag-alangan nga lang siyang iabot ang kamay niya dahil alam niyang mas matanda pa ito sa kanya.
Sinubukan ni Majoyce na kausapin si Anette ngunit para lang siyang nagsalita sa hangin. Lantaran na ang pambabale-wala nito sa kanya kahit naroroon at nakikita ng ama nito.
Hindi niya masisisi si Luis kung bakit hindi umalis sa tabi niya ang kanyang asawa. Nanatili ito roon hangga’t hindi umaalis sina Anette at Donnie.
“I’m sorry about that,” sabi ni Luis. “Anette, as usual, is being herself today,” anitong napapailing.
“Huwag na lang nating intindihin 'yon.” Masakit sa kanya ang bastusin at bale-walain. Pero matitiis niya iyon para kay Luis at para sa kapakanan ng kanyang pamilya.
“I’m worried about Faye. Alam kong nag-aalala ka rin. Naalala mo noong unang taon mo sa company bilang secretary? Nagkasakit din siya noon ng pneumonia.”
“Pero naka-survive siya. Iyon na lang ang isipin natin. Hindi siya makatatagal ng sampung taon sa ganyang kalagayan kung mahina siya. Lumalaban ang anak mo. Gusto niyang mabuhay.”
Inakbayan si Majoyce ni Luis at hinapit. “Ayokong mawala ang anak ko. Kahit ganyan ang kalagayan niya, hindi pa ako handang kunin siya sa akin ng kamatayan.”
“Huwag mong isipin ang kamatayan. Kahit kailan, hindi tayo magiging handang mawala sa atin ang mga taong mahal natin. Basta magdasal lang tayo na makaligtas dito si Faye. Magtiwala tayo na may awa ang Diyos.”
Labing-isang araw silang nanatili sa ospital bago pinayagan ng mga doktor na makalabas si Faye. Lalong namayat ang bata. Hindi niya maiwasang hindi mapaluha sa awa tuwing ipinipihit niya ito o pinapalitan ng diaper. Parang buto’t balat na lang ito ngayon. Pati ang seizures ni Faye ay naging malimit na.
Madalas, kapag nasa bahay ang asawa niya, magkatulong nilang nilalampinan o pinaliliguan si Faye, bagay na hindi nito dating ginagawa sa anak.
Minsan, napasukan niyang nagpapahid ng luha si Luis. Nilapitan niya ito, ipinalibot ang isang braso niya sa baywang nito. Sa mga ganoong pagkakataon lang niya nakakayang boluntaryong lapitan at hawakan ang asawa. “Bakit?”
Sumagap si Luis ng hangin at ipinatong sa balikat niya ang isang braso. Dama niya ang bigat niyon. “It was so hard for a father to see his daughter waste away. Para na rin akong unti-unting pinapatay.”
“Kaya ba dati, ayaw mong tumulong sa pagpapaligo niya at sa pagpapalit ng diaper?”
“Oo… Pero naisip ko rin, kung mawawala na si Faye, tiyak na pagsisisihan kong hindi ko ginawa sa kanya ang mga dapat na ginagawa ko tulad ng ngayon.”
Pinisil ni Majoyce ang braso ni Luis. “Huwag mong sabihin 'yan. Hindi pa kukunin sa atin si Faye. Aalagaan natin siyang mabuti. Alam ko, makaka-recover muli ang katawan niya.”
Tiningnan siya nito. “Napakapositibo mo, Joyce.”
“Dahil iyon ang tama. Buhay pa si Faye, Mon. Tulungan natin siyang lumaban pa. Hindi tayo dapat mawalan ng pag-asa na malalampasan niya ito.”