ChapterTwelve"YOU MEAN virgin ka pa rin?"
"Ano ka ba? Hinaan mo nga ang boses mo," saway ni Majoyce kay Kimi. Naroon sila sa silid ni Faye. Off-duty si Kimi sa ospital. Dinalaw siya ng kaibigan sa mansiyon.
Kasalukuyang pinapakain niya si Faye noon. Muli na naman niyang sinamahan ng dinurog na dahon ng malunggay ang meal ng bata. Umaasa siya na mapapabilis niyon ang pagbawi ni Faye sa nawalang timbang nito.
Natatawang hininaan nga ni Kimi ang boses. "Pero bakit wala pa ring nangyayari sa inyo ni Sir Luis?"
"Kimi, pareho kaming stressed-out sa kalagayan ni Faye. Alam mo namang naospital siya at kagagaling lang niya sa sakit na pneumonia. Akala nga namin ay mawawala na si Faye sa amin."
"Paano na 'yan? Eh, di matagal nang bitin na bitin sa iyo si Sir Luis?" sabi nitong nanunukso.
"'Yan na ang huling bagay na maiisip ko pagkatapos ng nangyari kay Faye."
"Ang corny naman nito. Don't tell me na hindi man lang sumasagi sa isip mo ang honeymoon, eh, kakakasal n'yo lang?"
Buntong-hininga ang isinagot ni Majoyce kay Kimi. Aaminin niya kahit sa sarili na naiisip niya iyon. Mula nang maospital si Faye ay hindi na sila nagsasabay sa pagtulog ni Luis. Kadalasang natutulog siya sa hapon hanggang bagong gabi. Gumigising siya sa hatinggabi para may makasamang magbantay kay Faye ang bagong yaya na kinuha ng asawa niya. Si Luis naman ang nagbabantay kapag bagong gabi at hatinggabi na itong natutulog. Mahigpit pa rin nilang mino-monitor ang kalagayan ni Faye. Ayaw na nilang mangyari na muli na namang magkasakit ito.
Pati ang gayak nilang pagha-honeymoon sa Baguio ay naipagpaliban muna. Iniisip na lang niya na hindi naman talaga ang bagong status nila ni Luis ang priyoridad nila. Nangunguna pa rin sa lahat ang kapakanan at kalusugan ni Faye.
"Bitin na bitin ka na, ano? Aminin mo na," dagdag pa ni Kimi.
"Ang totoo, Kimi, nagpapasalamat ako na wala pang nangyayari sa amin ng asawa ko."
Tinapunan siya nito ng tinging hindi naniniwala. "Sa guwapong 'yan ni Sir Luis, nari-resist mo ang charm niya? Kaipokritahan na 'yan."
Binale-wala ni Majoyce ang pangangantiyaw ni Kimi. "Kahit paano naman naiisip ko pa rin na bago mamatay si Adam, kami ang mag-boyfriend. Kami ang may relasyon. At pagkatapos, ngayon, ama pa niya ang naging asawa ko."
"Nagi-guilty ka, gano'n?"
"Hindi naman sa gano'n. After all, matagal na rin naman ang dalawang taon mula nang mamatay siya. I could say na matagal na akong naka-recover sa kanya. Parang naaasiwa lang ako."
"Ano ka ba? Huwag ka ngang ganyan. Girl, umuusad ang buhay. Hindi ka dapat mapag-iwanan. Kayo ni Sir Luis. Maiksi lang ang buhay ng tao rito sa mundo. At sa life span natin ngayon, kokonting araw lang 'yong nagiging masaya tayo. Bakit mo naman palalampasin ang opportunity na maging masaya?"
"Eh, kasi..."
"Majoyce, matagal nang nawala sa uso ang mga martir. Noon pa 'yong nineteenth century. Na ang mga tao umaabot pa ng hundred years ang buhay. Nasa twenty-first century na tayo ngayon, na sixty years lang ang life span. At kung mamalasin ka, one-thirds of that life might be wasted with illness. Kaya kung may pagkakataon kang lumigaya, go. Sige lang nang sige dahil hindi mo alam kung kailan ka na naman magiging malungkot. Gaya ko ngayon."
Natawa siya. "Malungkot ka pa ng lagay na 'yan?"
"Paano naman, napag-iinitan ako n'ong head nurse namin. Mainit ang dugo sa akin ng old maid na 'yon."
"Bakit, ano ba ang ginawa niya sa iyo?"
"Noong isang linggo kasi, iniwan niya sa shift namin lahat ng pagpapaligo sa mga pasyente sa section namin. Eh, dapat sa shift niya sa umaga ginagawa 'yon. Inilagay ko nga sa report sa inis ko. 'Ayun, mula noon pinag-initan na niya ako. Alam niyang hate ko ang panggabi pero doon niya ako ini-assign buong month. Nang may makipagpalit sa akin ng shift, hindi niya in-approve. At kung ano-ano ang hinahanap niya sa akin pati na 'yong mga bagay sa station namin na hindi ako ang nagtatago."
"Naku, paano na 'yong kinokompleto mong two years na experience sa ospital?"
"'Yon na nga, eh. Ilang tumbling na lang sana kompleto na at puwede ko nang karirin ang pag-a-apply sa abroad nang bonggang-bongga. Pero okay lang na hindi ko muna makompleto. Kasi kung magtatagal pa ako sa ospital na 'yon baka mai-set up niya pa ako sa bulilyaso. Lalo lang lalabo ang pangarap kong mag-abroad kapag may bad record na ako sa ospital."
"Kung seryoso ka diyan, puwede kitang i-recommend sa asawa ko. Gusto kasi niya na gawing three shifts ang magpapalitang mga bantay sa pag-aalaga kay Faye ngayong napapadalas ang seizures ng bata. Isa pa, nagpaalam na sa amin si Nancy na magpa-process na raw ito ng mga papeles para sa pag-a-apply sa abroad. Panahon na lang ang hinihintay at iiwan din niya si Faye. Eh, siyempre gusto naming competent din at may malasakit kay Faye ang magiging kapalit niya."
Namilog ang mga mata nito. "Totoo ba? Naku, gusto ko 'yan, bru. Bukas na bukas din, ibibigay ko sa chief nurse ang resignation ko."
"Hindi mo na pag-iisipan?"
"Napag-isipan ko na. Malilipatan lang ang hinihintay ko. Kung sigurado 'yang sinasabi mo, magre-resign na talaga ako."
"Oo, sigurado 'to."
"Great!"