Chemistry

8K 145 13
                                    

ChapterThree

GABI, may binabasang performance report ng kompanya si Luis sa study nang biglang dumating si Anette. Humalik ang panganay sa kanya at naupo sa gilid ng desk.
“Napasyal ka. Gabi na, ah. Kasama mo ba si Donnie?” tukoy niya sa asawa ni Anette.
“No, Dad. Ako lang mag-isa. May gusto lang akong itanong sa inyo kaya ako nagpunta ngayon.”
Nakangiti ito at parang ang amo ng mukha. Bigla tuloy siyang kinabahan. “Itinawag mo na lang sana sa telepono. Ano ba ang itatanong mo?”
“Dad, 'di ba mahigit thirty hectares ang sukat ng tree farm natin sa Bataan? Hindi naman lahat ng area napataniman n’yo ng puno, 'di ba?”
“Oo. Bakit mo naman tinatanong?”
“Kasi, Dad, galing kami ng Subic ng mga tito ni Donnie nitong nagdaang weekend. Dumaan na tuloy kami sa tree farm kasi nga malapit lang doon. Nagandahan sila sa location. Nakita nila ang potential n’on na maging country club. Sigurado raw sila na maraming investors ang magiging interesadong mamuhunan para i-develop 'yon. And it also piqued my interest, Dad.”
“And?”
Lumapit ang anak at naglalambing na niyapos si Luis sa leeg. “Ibigay mo na lang sa akin ang property na 'yon, ha, Dad? Please?”
“Anette, you know I can’t do that.”
“But why not? Hindi naman kawalan sa 'yo ang property na 'yon. Nasa malayo 'yon at hindi mo pa napapakinabangan.”
“Para iyon kay Faye.”
Binitiwan siya ng anak at tumayo na. Sumama ang timpla ng mukha. “Hah! Ano naman ang gagawin doon ni Faye, eh, pareho naman nating alam na abnormal siya?”
Kumunot ang noo ni Luis. “Anette, ilang beses ko bang sasabihin sa 'yo na ayokong tinatawag mong abnormal ang kapatid mo!”
Sumimangot uli ito.
“Nakalagay sa testamento ko na kay Faye mapupunta ang property na 'yon. At wala akong balak na baguhin ang desisyon ko.”
“Dad, ang lakas-lakas mo pa pero nagpagawa ka na agad ng last will and testament mo?” anito na hindi makapaniwala.
“Pagkatapos ng nangyari kay Adam, naisip kong hindi pala nakasisiguro ang isang tao sa buhay niya. Pahiram lang ito sa atin ng Diyos. Kahit anong oras, maaari Niyang kunin. Who knows, baka pagkaraan ng ilang buwan, ng isang taon o ilang taon, sumunod na rin ako sa kapatid mo.”
“Dad, huwag ka namang magsalita ng ganyan. You’re not even fifty. Forty-three ka pa lang at napakalakas pa. Ni hindi ka pa nga nagkakaapo.”
“Walang pinipiling edad ang kamatayan, alam mo 'yan.”
“Okay, nando’n na 'ko. Pero sana, Dad, i-reconsider mo ang hinihingi ko. Useless na kay Faye mapunta ang property mo sa Bataan. In fact, useless na pamanahan mo pa siya at all. Dahil sino ba ang gumagaling sa cerebral palsy? So why don’t you just change your will, Dad? I promise you, mas mapapalago ko pa ang mga kabuhayan natin.”
Nag-init bigla ang ulo ni Luis sa mga sinabi ni Anette. Napatayo na rin siya. “Wala kang karapatang sabihin ang mga 'yan tungkol sa kapatid mo, as if you want her out of this family! Ano ba’ng nangyayari sa 'yo? Bakit ganyan kang mag-isip? Kahit minsan, wala akong natatandaang tinuruan namin kayo ng mommy mong mag-isip ng masama para sa ibang tao lalo na sa sarili mong pamilya.”
Namutla si Anette at biglang umamo ang mukha. “Dad, huwag ka namang magalit. I’m just stating facts here. Wala akong sinasabing gusto ko nang mawala sa pamilya natin si Faye.”
“Pero gano’n din ang kahulugan ng mga sinasabi mo. You want Faye out of my will. That’s extremely selfish of you.”
“Hindi n’yo ba naiintindihan ang punto ko, Dad? Hindi naman mainenegosyo ni Faye ang tree farm. Pareho nating alam na kahit ang magsulat lang ng pangalan niya ay hindi niya magawa. Ni hindi nga siya makapagsalita nang maayos. At magiging ganoon siya habang-buhay. But life has to go on. Kailangan nating mapalago ang mga kabuhayan natin to ensure stability in our future.”
Tiim-bagang na pinagmasdan ni Luis ang anak. Among his children, she had always been the driven one. Ginagawa ni Anette ang lahat ng paraan para makuha ang gusto. Ilayo naman sana ng Diyos na may mangyaring masama sa kanya at maiwan niya ang mga anak. Hindi siya nakasisigurong lilingapin ni Anette si Faye. “Buhay pa ako, at sabi mo nga, napakalakas pa. Kaya ko pang patakbuhin ang mga kabuhayan ng pamilya natin. Ako ang mamamahala ng mga kabuhayang paghahatian ninyong magkapatid balang-araw. At wala akong balak na ipa-develop at gawing country club ang tree farm. Patataniman ko pa nga 'yon ng dagdag na mga puno sa tag-ulan. Who knows, it might save the low lying areas there from floods.”
Hindi agad nakaimik si Anette. Ilang saglit munang natahimik ang anak bago nagsalita. “I’m sorry, Dad.”
Duda si Luis kung totoo ngang nagsisisi si Anette sa mga sinabi. Ngunit tinapik niya ang anak sa balikat. “Gabi na. Magpahatid ka na lang kay Oca.”
“Hindi na, Dad. Dala ko ang kotse ko.”
“Hayaan mo na lang palang pasundan kita ng sasakyan sa kanya.”
“Pero, Dad—”
“No buts.”
Bumuntong-hininga si Anette ngunit umayon din.
Nakasunod ang tingin niya sa anak habang palabas ng silid. Noong nabubuhay pa ang asawa niyang si Frances, pinagsikapan nilang palakihin nang tama ang mga anak nila. Iminulat nila sa mga ito ang pagbibigayan at ang iba pang mahahalagang values ng buhay. At mula nang mamatay ang asawa niya, wala na siyang ibang pinag-ukulan ng pagmamahal kundi ito, si Adam at si Faye. Ibinigay niya ang lahat ng panahon niya sa mga anak, at lahat ng mabubuting bagay. At kahit nawala si Frances nang isilang si Faye ay mas ibinuhos pa ni Luis ang kanyang makakaya para busugin sa pag-aaruga at pangaral ang kanyang mga anak. Kaya hindi niya alam kung saan siya nagkamali para maging ganito ngayon ang takbo ng isip ng kanyang panganay.
Tinawagan ni Luis ang driver na si Oca. “Pakihatid si Anette sa kanila. Sundan mo na lang ng sasakyan ang kotse niya hanggang makarating siya sa kanila.”

The Other Side Of Love COMPLETEDTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon