Chapter Nine
NASALUBONG nina Eman, Berling, at JR ang isang grupo ng mga bakasyunista sa beach sa bahagi ng Nagsasa na ipinagagamit ng pamahalaan doon para sa mga camper. Karamihan ng mga nagtutungo roon ay kabataan, lalo na kapag ganitong weekend. Kadalasang may dalang mga tent na tulugan. Walang kuryente roon. Ang tanging akomodasyon lamang doon ay ang palikuran na ipinatayo ng kanilang barangay, na sa palagay niya ay ginawa lamang para magkaroon ng dahilan ang pamahalaan doon na sumingil ng isandaang piso bawat camper sa mga mag-o-overnight stay sa beach.
Napatitig si Eman sa suot na T-shirt ng isa sa nasa grupo. May tatak iyon ng UST na napakapamilyar sa kanya. Pakiramdam niya ay mayroon din siyang ganoong damit kahit parang napakaimposible. Sa San Felipe siya nag-aral ng high school ayon sa papang niya. Napakalayo ng UST sa Zambales. At batay sa suot ng camper, pangkolehiyo ang tatak ng T-shirt nito.
Nagulat siya nang sikuhin siya ni Berling.
“Hindi mo ba nakita kung paano ka titigan ng mga chicks na kalalampas lang sa 'tin?” tanong nitong malakas lang ng bahagya sa bulong. “Mukhang sina-sight ka.” “Sina-sight” ang usong termino roon sa binibistahan. “Makipagkilala tayo.”
“Hindi tayo papansinin ng mga 'yan,” sabi ni JR. “Nakita mo naman, ang puputi, ang kikinis. Parang mga anak-mayaman.”
“Taga-Manila lang ang mga 'yan kaya mapuputi. Dahil lang 'yon sa chemicals na ginagamit na pang-treat sa tubig ng Maynilad Water.”
Napatingin kay Eman ang dalawa. “Teka,” sabi ni Berling, “paano mo nalaman 'yon?”
“Sinabi sa amin ng prof ko noon.”
“Prof?!” chorus ng mga ito na nagpakislot sa kanya. “Paano ka nagkaroon ng prof, eh, 'di ba high school graduate ka lang?”
Napakamot siya sa ulo. Paano nga ba?
Hanggang sa makauwi siya sa kanila ay iniisip niya ang tungkol doon. Tinanong niya tuloy ang papang niya. “Noon po bang nakatapos na ako ng high school, pinag-enroll n’yo po ba ako sa UST, Papang?”
“Bakit mo naman naitanong?” Abala ito sa paghahayuma ng lambat kaya hindi tumitingin sa kanya.
“Kasi po pakiramdam ko parang nakapasok na ako ng college dati.”
Natigil ang ama sa ginagawa at nag-angat ng tingin. Parang bigla itong nag-alala, ngunit saglit lang. Bumalik agad ang pansin nito sa paghahayuma. “Sinamahan nga kita roon noon. N-napakag-enroll ka rin. Pero hindi ka nagtagal doon dahil nangyari na ang aksidente.”
Hindi na nag-usisa pa si Eman. Bumalik na naman ang malalim na lungkot sa mukha ng kanyang ama. Nagsisi tuloy siya kung bakit naungkat pa niya ang tungkol sa nakaraan.HINDI agad makasagot si Majoyce nang tanungin siya ni Luis kung ano ang ginawa ni Anette sa kanila. Nakita rin sa ospital na naglilihi na nga ito gaya ng palagay niya. Kaya hindi nagtagal ay pinalabas na ito.
Sumeryoso si Luis. “Come on, Joyce, huwag ka nang mag-isip kung paano pagtatakpan ang anak ko. Sabihin mo lahat sa akin kung ano ang pakay niya at kung ano-ano ang mga sinabi niya sa 'yo.”
Mind reader ba ito? Nahuhulaan kung ano ang iniisip niya. Nagbuntong-hininga siya. “Tito kasi… ano lang po, ahm…”
“Tell me. Tell me everything she said.”
Napasagap na naman siya ng hininga. Ayaw sana niyang sabihin kahit kanino ang mga pinagsasabi sa kanya kanina ni Anette. Ngunit ayaw rin niyang maglihim dito. “Tinanong lang po niya ako kung ano ang puwede niyang ibigay kapalit ng pag-urong ko sa kasal natin.”
Nagtiim-bagang si Luis. “Sinasabi na nga ba. Sigurado ako na pinagsalitaan ka niya ng masasakit. Ano pa ang mga sinabi niya sa 'yo?”
“Ayoko na pong ulitin, Tito. Salita lang naman po 'yon na nasabi dahil sa matinding emosyon. Hindi na rin po mahalaga. Makikiusap din po ako sa inyo na huwag n’yo na rin siyang tanungin tungkol doon. Baka maka-stress lang sa kanya. Para na rin po sa kaligtasan nila ng ipinagbubuntis niya.”
Pumihit ito patalikod. Napabuga ng hininga, umiling-iling bago bumaling uli sa kanya. “Ako na ang humihingi ng dispensa sa lahat ng masasakit na salitang nasabi niya sa 'yo, Joyce.”
“Kalimutan na lang po natin 'yon, Tito.”
Nahaplos ni Luis ang batok. “Ayokong isipin mo na kapag nakasal na tayo, mauulit pa ang pananakit ni Anette sa damdamin mo. Kaya hindi ako mangangakong hindi ko siya pagsasabihan dahil sa ginawa niya.”
“Ayoko lang pong lumaki ang issue.”
“May issue talaga sa kanya ang pagpapakasal kong ito kaya hindi natin 'yon maiiwasan. At dahil doon, dapat na siguro nating madaliin ang kasal.”
“Puwede po bang… sa huwes na lang tayo magpakasal?”
Hindi kaagad sumagot si Luis. Nakatitig lang ito sa kanya na para bang inaarok kung ano ang nasa likod ng sinabi niya. “Bakit sa huwes lang? I want to give you a big white wedding. Ganoon ang pangarap ng bawat babae, 'di ba?”
Pangarap nga iyon ni Majoyce. Kung normal lang sana ang kanilang sitwasyon. “Mas gusto ko pong maging simple lang ang kasal. At kaunting tao lang ang iimbitahan. Kung puwede nga po sana na tayo-tayo na lang.”
“Bakit?”
“Para po pagtsismisan man tayo ng mga tao, kaunti lang sila.”
Napaisip si Luis. “At least allow me a garden wedding.”
“Na tayo-tayo lang,” giit pa rin niya.
Ngumiti na ito. “Deal.”