#2 (poetry)

48 4 1
                                    

Isusulat ko ang kwento natin sa mga bakal ng riles ng tren.

Lulusutan ko lahat ng bantay, isang madaling araw, at gamit ang matalas na bagay na ginamit nila para sugatan ka ng paulit ulit, iuukit ko sa mga metal ang pangalan nating dalawa.

Huhukay ako ng lupa, malalim, para sa mga bagay na iniwan mo. Botelya ng pabango, panyo, mga sulat. Ililibing ko, kasama ang isang bomba.

Ihuhulog ko sa pinakamalalim na parte ng dagat ang mga sikreto natin. Lahat ng mga pangarap na tinawanan ng mundo. Lahat ng hindi nila maiintindihan. Doon, sa pinakamadilim na parte, pero pinakaligtas sa mga matang nananakit gamit ang panghuhusga.

Pinatay ka nila.
Unti-unti, sa pinakamarahas na paraan. Inagaw nila sa'yo ang karapatan mong mahalin ng iba. Pinagkait nila sa akin ang kakayahang gawin 'yon.

Hindi na kita mahahanap. Kahit akyatin ko ang pinakamataas na bundok. O pasukin ko ang pinakamapanganib na gubat. Kahit libutin ko ang bawat sulok ng siyudad.

Pero hawak ko ang ala-ala mo.

Isusulat ko.
Iuukit ko.
Ibabaon ko.
Itatago ko.

Sa mga lugar,
kung saan kailangan pa nilang
pahintuin saglit ang pag-inog ng mundo,
o patayin ang mga sarili nila
para manakaw muli sa ating dalawa.
-------
jvasquina 6/7/17

Mga Pinilas na PahinaTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon