#9 (Tula)

35 0 0
                                    

May nagbago.

Bihira ko nang kausapin ang ulan at tanungin ang mga tala sa kalangitan.

At oo, palaging may espasyo sa tabi ko pero hindi na pagbabalik mo ang hinihintay kong magpupuno nito.

Maligaya kong sinasalubong ang lahat ng araw na walang bakas ng dalamhati.
At hindi ako nagsisinungaling nang sabihin kong 'malaya ka na.'

Hindi na kita dapat panghawakan pa dahil katumbas ng hardin sa kung saan ka man naroon ang ligaya ng paglaya.

Makakapagpahinga na rin ako sa wakas. Tayo.
Dahil sa walang patid na pagpapaanod ko sa sarili kong luha sa gabi, nagsimula akong manlamig.

Hindi pa naman pala ako manhid.
May ilang pahina na lang ang hindi pa nasusulatan ng luha.

Hindi ko na muli pang aaksayahin ang huling mga dahon nito.
Dahil nais ko, kung magkita man tayo't magsamang muli, isusulat ko ang panibagong yugto at panibagong berso natin diyan sa Paraiso.

Susunod ako, mahal.
Susunod ako.
-

Mga Pinilas na PahinaTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon