#14 (Dagli)

17 0 0
                                    

Nag-umpisa ang lahat nang minsang kulangin ang mga segundo para umabot ako sa pambabaeng sakayan. May bukas pang pinto ang tren pero halo ang lalaki at babae. Hindi ako sanay kaya ayoko na sanang sumakay. Pero kusang humakbang ang mga paa ko papasok, marahil dahil utos ng isip kong alam na nauubusan na ako ng oras para makarating sa pupuntahan.

At ikaw ang nasa tapat ko. Naka-itim ka no'n..o asul? Hindi ko matandaan. Basta ang alam ko nagbabasa ka noon ng libro, titig na titig ka sa mga letra habang ako naman, sayo. Nakababa na ako pero ni hindi ko nasilayan ang mga mata mo. No'ng gabi, pumunta ako sa book store para hanapin yong librong binabasa mo. Binili ko at umuwi akong nagtatanong sa sarili kung ano na naman ba tong ginagawa ko.

Unang kabanata pa lang, umiyak na ako. Ang sakit sa loob. Naisip ko, umiyak ka rin ba nong nabasa mo ang kaparehong mga salita?

Sumunod na araw, nakasabay ulit kita. Hindi ko alam kung pagkakataon pero sa tapat na naman kita nakaupo, hawak ang librong nagpaiyak sakin kagabi. Anong parte ka na kaya? Mukhang nasa kalagitnaan ka na. Sabi ko sa sarili ko, hahabulin kita.

Siguro pinaglalaruan tayo ng tadhana o baka sadyang kaunti lang ang tao pag sumasakay tayo pero araw-araw, magkatapat tayo ng upuan. Alam ng lahat na sardinas ang sitwasyon sa loob ng tren at hindi ko alam kung saan ako hahanap ng paliwanag kung bakit lagi tayong nagtatagpo, dito.

Hanggang sa tumigil na akong magtanong at nasanay na ako. Nasanay na rin yata ang sistema sa ating dalawa.

Nahabol kita, alam ko. Minsan bago ako bumaba, pinilit kong tingnan kung nasaang pahina ka na. Kinagabihan, habang nagbabasa ako, iniisip ko kung parehong pahina rin ba ang binabasa mo. Kung pareho ba tayong tumatawang naaawa sa kamiserablehan ng mga bida sa istorya.

Kinabukasan, wala ka. Babae ang nasa tapat ko at tila mainit ang ulo habang may kausap sa telepono. Hindi ako nagbasa noong gabi.
Kinabukasan, wala ka ulit.
At sa sumunod pang mga araw. Inubos ko ang mga gabi sa ibang bagay. Internet, dyaryo, at kung ano-ano.

Isang gabi, nahanap kita.
Nawawala ka pala.
Nakikiusap ang kapatid mo sa aming mga hindi nya kilala para tulungan ang pamilya mo na mahanap ka.

Sumunod na gabi, nahanap ka na nila.
Wala ka na talaga.
Katawan nalang ang naiwan sayo ayon sa balitang nabasa ko, kasama ang bag mo sa damuhan na wala nang laman kundi duguang libro.

Hindi ko na tinapos ang balita at agad kong kinuha ang libro ko na katulad ng nasa larawan. Ayokong umiyak pero katulad ng mga paa ko nong unang araw na nakita kita, kusang tumulo ang mga luha. Binuklat ko ang mga pahina, pero ayaw nang intindihin ng utak ko ang mga letra. Ayaw na magbasa ng mga mata kong nanghihinayang at nagtatanong at nagagalit.

Isang taon na ang nakakalipas pero may mga hapon otomatiko ka pa ring hinahanap ng mga mata ko pagpasok sa tren. May mga gabi na nagtatanong pa rin ako kung natapos mo kaya yong libro? Siguro oo, pero baka hindi.

Pero ako? Ayoko.
Hindi ko kaya.

-----
Malupit ang Mundo sa mga Di (na)tapos na Kwento
05.05

Mga Pinilas na PahinaTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon