#7 (Flash Fiction)

27 0 0
                                    

"Habang mas lumuluma ang mga ala-ala, mas tumatagos sa pusong balikan," sabi mo.

Minasdan lang kita habang hawak ang larawan n'ya, kinakabisado ko ang ngiti mong bihira ko lang makita; at 'yon ay kapag dumadalaw tayo sa kanya dito. Ginuhit ko sa utak ko, paulit-ulit, dahil kailangan ko magbaon ng marami bago tayo umalis dito.

Dumaan ang mahabang sandali na tunog lang ng bumubuhos na ulan ang naririnig nating dalawa. Pero mas may malungkot sa sementeryong 'to at 'yon ay ang puso mo. Ramdam ko, ramdam ko kahit maraming taon na ang lumipas.

"Tara na, tumila na yong ulan." sabi mo. Dahan-dahan mong nilapag ang larawan, buong pag-iingat na baka malaglag sa semento. Na para bang sinasabi mo na kahit man lang ang sa gano'ng paraan, nagawa mo s'yang ingatan.
Tumayo ka na at nagsimulang maglakad palayo.

Dumako ang mga mata ko sa puntod nya na iniwanan mo. Kinuha ko ang larawan n'ya. Tinitigan ko ang ngiti n'ya, ang hulma ng mukha, ang kislap ng mga mata..ang mukha ng katangi-tanging tao na kayang magpangiti sa'yo na para bang nasagot mo na ang lahat ng misteryo ng mundo mo.

Pinakawalan ko ang kanina pang tumatakas na hikbi sa loob ko. Lumabo ang pagtingin ko sa larawan habang binabalik ko ito sa dating pwesto.

"...tumila na yong ulan." ulit ng boses mo sa utak ko. Tiningala ko ang langit, maaliwalas na ito ngayon.

Nakakainggit.
---
JV

Mga Pinilas na PahinaTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon