#3 The Red String Of Fate (dagli)

44 2 0
                                    

"Ate, naniniwala ka ba do'n sa sinasabi nilang Red String of Fate?"

Napalingon s'ya ng mabilis sa bunsong kapatid na nagbabasa ng libro sa kama n'ya. Tila nagulat ito sa kanya at binaba nito ang binabasa. Agad din s'yang tumalikod rito at walang imik na humarap ulit sa monitor ng laptop n'ya.

"Alam mo?" ulit nito maya-maya.
"Hindi,"tipid n'yang sagot.
"Ano ba 'yon?"

"Yon daw yung invisible na pulang tali na nagdurugtong sa dalawang tao na tinadhana para sa isa't isa," kwento nito. "Lalayo, lalapit, pero hinding hindi daw 'yon mapuputol. Ang cool no?" may halong pag-asam sa boses nito.

"Huwag ka magpapaniwala sa mga gano'n. Gawa-gawang kwento lang ng tao 'yon para lokohin ang sarili nila." sagot n'ya rito, diretso lang ang tingin sa ginagawa.

"Kahit kailan napaka-bitter mo, ate!" natatawang sabi nito.


Nilingon n'ya muli ito, at hindi n'ya napigilan ang sariling tingnan ang kaliwang pulso nito. Kitang kita n'yang pulang tali nito, nanunulay palabas ng kwarto nila, palabas ng bahay, at sa lahat ng panahon na kasama n'ya ito, hindi pa n'ya nakikita ang kabilang dulo ng taling iyon.

****

Hindi lang ang sa kapatid n'ya ang nakikita n'yang tali. Pati ang taling nagdurugtong sa mga pulso ng tatay at nanay n'ya. Ng mga taong nakakasalubong n'ya sa daan. Lahat, nakikita n'ya. May mga batang maagang nahanap ang kabilang dulo ng tali nila, may iilang matanda na hanggang ngayon ay naghahanap pa rin. May ilan s'yang nakikita na magkadugtong, magkalapit lang, ngunit hindi pa rin natutunton ang isa't isa.

Naging malaking palaisipan sa kan'ya kung bakit may kakayahan s'yang makita ang mga 'yon. Hanggang sa nasanay na s'yang mabuhay sa mundong puno ng mga taling pula. Nabuhay s'yang saksi sa mga sandaling unti-unting naglalapit ang magkabilang dulo ng mga ito, sa mga taong ilang libong beses nang dinaanan ang nakatadhana sa kanila; naglalapit ang mga tali ngunit agad din namang maglalayo at sa mga sandaling unti-unting nagbubuhol ang ilan, at nagiging masalimuot. Saksi s'ya sa saya at pait ng nasabing pulang simbolo.

***

Agad na ngumiti sa kan'ya ang lalaking kausap ng mga magulang n'ya sa parking lot. Kakatapos lang nila magsimba at nahuli s'ya ng kaunti sa paglabas dahil may kinausap pa s'yang kakilala. Lumapit s'ya dito at nagmano. Natawa ang lalaki.

"Hindi pa rin ako sanay na nagmamano ka sa'kin, Via." sabi nito. Nginitian n'ya ito ng matipid.

"Sige Father, mauna na kami." Paalam ng nanay n'ya. Sumakay na rin s'ya ng kotse.

Nakangiti itong kumaway sa kanila.

"Ingat po kayo, at Godbless. Via, magkita nalang ulit tayo sa high school reunion." pahabol nito.

Tumango lang s'ya dito.

Minasdan n'ya ang pulang tali sa pulso n'ya.

Sa paglayo ng kotse nila sa lalaki, unti-unti na ring lumalayo ang kabilang dulo nito.

Mga Pinilas na PahinaTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon