#10 Bilangan (Spoken Word Poetry)

34 0 0
                                    

BILANGAN

May mga pagkakataong nais kong patigilin ang oras--
hilahin pabalik.
May mga pagkakataong nais kong patagalin ang oras--
matagal na halos tila walang pag-usad.
May mga pagkakataong nais kong walang oras.
Hindi oras.
Sana walang oras.
Sana wala nalang.

'Pagkat ang oras ay binubuo ng naghahariang numero.
'Pagkat ang numero ay binibilang.
Bilang mula sa isa.
Kasunod ang dalawa.
Mahuhuli ang tatlo--kung hanggang tatlo lang ang bibilangin mo
pero dudugtungan ko ng apat--
dahil ayokong hanggang tatlo lang.
Gusto ko may kasunod pa.
Ayokong tumigil sa isang numero lang.
Gusto ko may kadugtong pa.

Ayokong magtatapos sa ika-animnapong minuto ang oras.
Pipilitin kong magbilang ng animnapo't isa--dalawa--tatlo.
Maging apat pa.
Ayokong ang oras ay bubuoin ng minuto o ng segundo
sapagkat ang minuto at segundo ay pawang panandalian--
mabilisan--
at nalilipasan.
At ang natitira ay naiiwan.
Ayokong ang nagmamadaling segundo ay tila kidlat na dadaan Lang sa aking paningin.
Ayoko sa minutong hirap na hirap patagalin dahil nakatakdang hihimlay ang kasunod na ilang patak ng kamay ng orasan.

Purong mapanlinlang na laro ng panahon ang oras.
Isa itong alaala na nagpapaalala na mayroong wakas--
na maaaring mamaya o bukas ay lilipas
ang pag-ibig na inaakala mong hanggang sa huli ay aawas.
Pero iyong maaalala na ang lahat ng bagay na umaawas ay nauubos.
Kagaya na lamang ng tubig na walang tigil sa pagdaloy
kasabay ang pagtakas sa gripo o sa balon o sa kung anomang sisidlan
na sa huli ay titigil--
matutuyo--sapagkat nasayang.
Iyong maaalala na ang mga bagay na umaawas kapag hindi sinasalo--
kapag nasasayang--
ay nauubos at hindi na nasusundan.
Mauubusan ng laman.
Maiiwan ang patanong na "kawalan".
Maiiwan kang nanghihinayang
kasabay ang mga katagang "Sana hindi ko pinakawalan"

Sadyang ganoon nga ang oras--
ang numero--
ang lahat ng bagay na binibilang.
Nagtatapos--may katapusan.

At ngayon lang...

Umaawit na naman ang orasan.
Dinig na dinig ko ang pag-abante ng bilangan
hindi dahil sa tunog ng pasipang kamay--
kundi dahil sa 'yo na nagsisimula magbilang.
Napansin kong wala nang isang oras.
Malaki na pala ang nabawas sa kanina'y buo pang minuto.
Malaki na pala ang nabawas.
Hindi lang sa oras
kundi sa iyong lakas.
Kaya ka siguro nagsisimulang magpalakad ng panahon.
Nais mo na itong itakbo.
Mas mabilis ka pa sa minuto.
Mas mabilis ka pa sa segundo.
Kaya siguro sa t'wing ikaw ang nagbibilang ay may numerong nauunang iiwanan.
At kasama ng mga minuto't segundong naiwan
ang ilang bahagi kong nais mong ilipat sa nakaraan.
Kaya ka nagbibilang.
Gusto mo nang abutin ang katapusan--
katapusan nitong panaginip ko.

Pero hihilingin na sana h'wag muna--
dahil tanging sa panaginip lamang kita nakakasama.
Tanging sa panaginip ako nakakaramdam ng totoong saya--
dahil nandoon ka--
umaawit ng musikang ako ang letra at ikaw ang nota.
Sa panaginip. Doon lang.

Tatlong minuto.
Dalawang minuto.
Isang minuto.
Isa nalang ang natira.
Hahabol ako!
Makinig kang mabuti.
Bibigkasin ko 'to ng sobrang bilis na maaari kong lamunin ang ilang salita
pero ipapahayag ko parin nang buo ang talata.
Wala akong lalampasang kataga.
Bawat letra ay mahalaga--lalo na't ikaw--
ikaw ang pinahahandugan.
Makinig ka! Buksan ang tainga.
Lalamunin ma'y susubukan ko paring linawin.

Heto na... heto na... sampung segundo.
"Nagpapasalamat ako sa iyo!"
Siyam na segundo--
"Sana mananatili ang ikaw at ako!"
Walong segundo--
"Kahit pa wala pang tayo!"
Pitong segundo--
Teka! Teka!
Nag-aalangan ako.
Anim... lima... apat...
Sasabihin ko pa ba?
Huling kataga na sana.
Tatlo... dalawa... isa...
Oo na! Sasabihin ko na!
Heto na! Makinig ka!
"Mahal ki--"

Wala na.
Hindi na umabot. Masyado nga palang mabilis ang segundo.
Hindi ko na naihabol.
Natapos na ang oras.
Bakit kasi isang oras lang?
O, bakit kasi oras pa ang ginawang basehan?
Dapat wala. Dapat hindi.
Mali--
Dapat binilisan ko.
Dapat sa pagpatak ng huling sampung segundo
sinabi ko na agad.
An'dami ko pa kasing satsat.
'Di ko naihabol.
'Di ko naihabol.
Nahuli ako.
Nahuli.
Naiwan.
Nawalan.
Hindi nabilang.

Sa numero--
ako pala ang wala.
Numero bago ang isa.
Pumapagitna sa positibo at negatibo.
Sa numero--
ako pala ang wala.
Walang halaga.
Hindi kabilang--
kaya hindi nabilang.

Wala ako sa bilangan.

Mga Pinilas na PahinaTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon