#19

13 1 0
                                    

Lumaki akong gabi-gabi pinapanood
magkaroon ng wala halos salita pero nakakabinging tensyon sa pagitan ni nanay at ni kuya.

Mangyayari ang lahat sa hapag-kainan, oras ng hapunan. Mag-aantanda si nanay bilang senyales ng simula ng panalangin bago kumain pero hihinto rin dahil si kuya, sa pinto pa rin nakatingin. Lagi-lagi, kakalampag ang kutsara't tinidor. Lagi-lagi, tatawagin ni nanay ang pansin ni kuya; madalas pabulong, minsan ay may lakas, parating may halong galit.

"Kakain na tayo." matipid pero puno ng kahulugan na sasabihin ni nanay.

"Mamaya na." malamig na igigiit ni kuya.

"Ngayon na. Wala na tayong hinihintay. Meron ba?"

At lagi-lagi, tila sa tanong na iyon natatauhan si kuya. Tahimik na kukunin ang bandehado ng kanin, sasandok ng ulam, magsasalin ng tubig sa baso. Wala nang iimik hanggang matapos kaming tatlo.

Lagi-lagi, si kuya ang unang aalis sa lamesa papunta sa kwarto. Maiiwan kami ni nanay, na otomatiko ang paghaplos at paggulo sa buhok ko at pagsasabing maglinis na ako ng katawan bago kami sabay na matulog. Bibigyan nya ako ng tipid na ngiti habang hinahatid sa puno ng hagdanan.

Pero hindi naman ako umaakyat agad, tahimik ko syang pinapanood tumalikod pabalik sa lamesa para ligpitin ang pinagkainan namin. Ilalagay n'ya lahat ng madumi sa lababo, walang imik na huhugasan. Pagkatapos, bago umakyat ay ilalabas ang hinandang malinis na plato, isang pares ng kutsara at tinidor, at baso. Lalagyan nya ng laman lahat bago iwanan sa lamesa.

Ang mga pagkain.
Si nanay.
Buong magdamag na tahimik aasa sa lahat ng hindi pa dumarating. Sa lahat ng hindi na yata darating kahit kailan.

Lagi-lagi, gabi-gabi, pinapanood ko kung gaano kalupit ang tunay ngunit masakit na pag-ibig.

---
I.IV
'18

Mga Pinilas na PahinaTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon