#8 Anino Sa Dilim (Tula)

25 0 0
                                    

ANINO SA DILIM
08/21/17
Ang iyong ngiti'y tila pahina ng isang libro
kung saan ang bawat letra'y may baong kuwento
ngunit ang mga salita'y parang karagatan
na kailangan munang sisirin ang kailaliman
para maihayag ang misteryong kinapapalooban.
Ang iyong mga mata'y tila isang balon
na ang tubig ay dumudumi sa paglipas ng panahon-
ang lalim ay hindi na maaabot;
ang tanging sinasalamin ay dilim at lungkot.
Ang luhang kumikislap na dulot ng sakit
ay binabalot ng poot at galit.
Tila isang malayong tanawin ang kapatawaran
sapagkat sa iyong bawat pagdungaw,
pagkamuhi ang nasisilayan.
Niyayanig ang iyong buong katawan
ng mga hikbing pumapalahaw
at ang maalat na likido'y hindi na sasapat
para puksain ang apoy na umuupos sa iyong pagkatao
‛pagkat sa mga araw na lumilipas,
mas lalong umiigting ang pagnanais na maghiganti.
Hinihila ka pailalim ng nakaraan;
nilulunod ka ng iyong kahinaan;
nawalan ng direksyon ang iyong bawat hakbang-
at ang paglalakbay nang walang patutunguhan
ay tila daan tungo sa kamatayan
ngunit. . . hindi na rin mahalaga
dahil noon pa man ay pumanaw na
ang tao sa iyong kalooban.

Mga Pinilas na PahinaTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon