#12 Part 1 (Maikling Kwento)

24 0 0
                                    

"Ano na naman iniisip mo? Nako ha, bumalik ka dito sa Earth huy! Kailangan natin matapos to.."

Natawa na lang ako kay Shai no'ng pinitik pitik pa nya sa harap ng mukha ko 'yong mga daliri nya. Inayos ko ang suot kong salamin at tiningan ang mga nakakalat na papel sa lamesa.

"Sorry, may ano..iniisip lang kasi ako."

Bumuntong hininga sya tapos binaba nya yung hawak nyang ballpen. Sinara rin ang laptop sa harap nya.

"Sige mare, pagusapan natin yan," di ko mapigilan mapangiti kasi sinabi nya yon sa tono ni Boy Abunda.

"Sira! Ano kasi, iniisip ko kung naliligaw ba ako...tapos baka inip na inip na yong soulmate ko kakaintay sa'kin.."

"Tinamaan naman! Akala ko kung ano na dahil sa lalim ng kunot noo mo, lovelife pala!" nakasimangot nyang sabi. "Pero alam mo baka hindi rin mare, baka yong soulmate mo ang naliligaw at hilong hilo na kakahanap sayo, e pano ka ba naman nya matatagpuan teh e lagi ka lang na sa bahay. Ano, kailangan muna nya maging delivery boy ng Jollibee at makisama ang tadhana na ma-assign sa kanya order mo para magtagpo kayo?"

"Hahahahahaha! Baliw ka Shai!"

"Hindi ako baliw nagsasabi lang ako ng totoo," nakataas ang kilay na sabi nya. "Teka alam ko na sagot, akin na cellphone mo may ido-download akong app."

Inabot ko sa kanya yung cellphone ko para lang sakyan ang kalokohan nya. "Ano ido-download mo for me, Waze? Para mahanap ko na ang direksyon ganon?"

"HA HA HA, ayan tinawanan kita mare ha," nakasimangot sya habang tutok na tutok sa cellphone ko. Tinuloy ko ang pagsusulat sa tinatapos kong document.

"Ayan!" sabi nya, ngiting ngiti habang inaabot sakin pabalik yung cellphone ko. "Ikaw na magfill-up ng profile mo ha."

"Ano 'tong Tinder????"

------
Paulit ulit kong gustong kurutin si Shai sa utak ko habang kabadong naghihintay dito sa restaurant. Ayon sa kausap ko 30 minutes ago, on the way na raw sya.

Bukas naman ang aircon pero pawis na pawis ako kaya pagkatapos kong magiwan ng message sa ka-date ko, dumiretso ako sa restroom para mag-ayos ulit ng sarili. Tinitigan ko ang sarili ko sa salamin, hindi ako gano'n kakumportable sa make-up ko pero sabi kasi ni Shai baka ma-offend yong ka-date ko kung sa unang beses nya akong makita e parang pupunta lang ako sa kapitbahay para bumili. Nilabas ko sa bag ang mga pabaong make-up ni Shai para mag-apply ulit kahit hindi ako sigurado kung tama ba ang gagawin ko.

"Ay shit!" dumulas sa kamay ko ang hawak kong lipstick, dumaan saglit sa suot kong damit, bago dumire-diretso sa lababo. Pinagmasdan ko ang hindi kalakihan pero pulang pulang marka sa tapat dibdib ko.

----
"Ano? Bakit ka uuwi?"

"E namantsahan nga yung suot ko."

"Ng ano? Sino nakatapon sayo?"

"Hindi, nagli-lipstick kasi ako tapos nadulas sa kamay ko tapos..tapos ayun..tumama sa damit ko bago ano..

"Hay naku! Kung kasama kita ngayon mare naku--

"I know, I know, kaya nga uuwi na ako--

"Hindi ka uuwi!" mariing sabi nya. "Hubarin mo yang damit mo--

"Shai?!!!"

"Teka lang kasi di pa ako tapos," nakikini-kinita ko na ang simangot nya. "Baliktarin mo na lang. Tapos lumabas ka na dyan sa CR kasi baka kanina pa naghihintay yung ka-date mo sa labas."

"Babaliktarin ko?"

"Mahahalata ba?"

"Hindi naman..wala namang print to pero--

"Yun naman pala mare eh, dali na. Sige na, balitaan mo ko."
----

Minasdan ko ang sarili ko paglabas sa isa sa mga cubicles. Nakahinga ako ng maluwag kahit papano dahil hindi nga masyado halata ang pagkakabaliktad ng damit ko. Buti na lang may suot akong cardigan para mas matago pa. Prinactice ko ang ngiti ko ng isang beses pa bago ako lumabas ng restroom.

Nasa lamesa na ulit ako nang matanggap ko ang message ng ka-date ko. Napatingin na lang ako sa labas at napabuntong hininga.

Hindi raw ito makakarating dahil may emergency sa bahay nila.

------
Nauwi ako sa paborito kong coffee shop para magtanggal ng sama ng loob. Hindi naman Friday the 13th pero gano'n ang pakiramdam ko buong araw. Nagtaka siguro yong barista no'ng umorder ako dahil sa tindi ng pagiging seryoso ng mukha ko. Madalas kasi nakikipagbiruan pa ako sa crew habang hinihintay ang kape ko.

Lumipas ang ilang minuto na nakatingin lang ako sa labas ng salamin na dingding. Pinatay ko na ang cellphone ko dahil baka ako pang mensahe ang mapadala ko sa ka-date ko dapat kanina. Malay ko ba kung totoo naman yung dahilan nya? Hindi ako dapat nagpapadala sa emosyon.

"Hi, gagamitin mo ba yung outlet mo?"

Kunot noo kong nilingon ang nagtanong. Naglaho ang ngiti nya nang magtama ang mga mata namin.

"Ah, di bale na." sabi nya, binigyan nya ako ng tipid na ngiti. Sinasampal ko ang sarili ko sa utak ko dahil hindi ko dapat dinadamay ang ibang tao sa sama ng loob ko.

"Hindi, okay lang. I'm not using it." sinubukan kong ibigay sa kanya ang pinakamasayang ngiti na kaya kong ibigay sa araw na to.

Tinitigan nya ako, tapos ngumiti ulit sya. Hindi namin alam kung bakit pareho kaming natawa.

"Natakot ako sayo miss, ganyang ganyan ang kunot noo ng nanay ko pag sinasalubong ako sa gate namin pag late na ako umuwi eh," kwento nya habang sinasaksak ang charger sa outlet.

Pinapanood ko sya habang kinukuha ang laptop sa bag na dala nya nang mapansin ko ang tag ng damit sa bandang batok nya. Dumako ang mga mata ko sa damit nya.

Natawa ako nang tuluyan nang matantong baliktad din ang damit na suot nya, tulad ko.

****
"Anong sabi ng matatanda na gawin kapag naliligaw?"
IX. XXVIII

Mga Pinilas na PahinaTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon