#13 (Tula)

28 0 0
                                    

Wala nang kwenta ang mga kandado.

Tinapon ko na lahat; yong nabili natin nong unang araw nating magsama sa bahay na 'to, yong binili natin para protektahan ang kahon ng mga sulat natin sa isa't isa, yong kinakalawang na para sa gate, yong pansara ng kulungan ng aso natin na pinamigay ko na

Kahapon, pinuntahan ako ng mga taga-barangay. Tinatanong nila ako kung bakit hindi ko na sinasara ang mga pinto, ang harang ng bakuran natin. Baka raw ako manakawan. Baka raw ako mapatay ng halang ang kaluluwa.

Sabi ko, ipagkalat nila na malaya ang lahat na nakawan ako
Aanhin ko ang mga tasa sa kusina, kung wala na ang timpa mo na gumigising sa'kin sa umaga?
Kunin na nila ang telebisyon, ang mga silya, ang mga sapin ng kama, lahat samsamin na nila
Umalis silang nag-iwan ng mga tingin na puno ng awa

Malas nila, hindi na kayang magproseso ng utak ko
abala lang itong gumana para dumilat ang mga mata ko sa umaga
para maghapon na maghintay sa tapat ng pinto
nagbabakasakali na sa wakas, naaalala mo na ang numero
ang pangalan ng kalye, ng siyudad..pati pangalan ko
hindi ko na rin alam kung sino sa ating dalawa ang mali;
ako ba na hintay nang hintay? O ikaw na ayaw umuwi?

At sa gabi,
ang kaya nalang gawin ng utak ko
ay utusan ang mga kamay kong punasan ang mga luha
dahil isang araw na naman akong nabigo
susubukan payapain ang dibdib kong
tila dinadaganan ng sako-sakong dahilan
para tigilan ko na umasa na babalik ka pa

Tsaka ako matutulog na ang mga kandado, nandoon pa rin sa basurahan,
nakaawang ang tarangkahan, bukas lahat ng pintuan
kulang nalang ay makiusap ako sa mga kriminal
na pumasok at ubusin na lahat ng bagay na magpapaalala sa'kin sayo

Wala nang kwenta ang mga kandado
dahil nawalan na ako ng kakayahan na manghinayang

simula nang nakawin ka sa'kin ng mundo

----

Mga Pinilas na PahinaTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon