Ako
ni Lana Pangilinan
...
Nahulog ako,
Nahulog ako ng tuloy-tuloy at walang preno.
Walang pasabi, bigla-bigla,
Iniwan mo akong nagtataka.
Nagtataka kung bakit wala ka na,
Sumama ka na ba sa iba? O nahulog nanaman akong mag-isa?
Hindi ko alam kung ano ang naging dahilan,
Pero sigurado ako, nahulog ako sa isang bagsakan.
Walang butal, pero eto ako nauutal sa isang tulang para sayo,
Hindi alam kung anong sasabihin ngayong siya na ang nginingitian mo.
Ako to.
Ako yung babaeng malapit na magpakamatay pero pinigilan mo.
Ako yung babaeng umasa ulit dahil sayo.
Yung babaeng nag-akalang ikaw ang dahilan para magpatuloy ako.
Kaso... mali.
Mali nanaman ako.
Hindi nanaman ako tama para sa taong mahal ko.
Hindi nanaman ako nagsakto, hindi nanaman ako yung nilaan para sa tulad mo.
Tulad mo na hinahangaan nang napakaraming tao.
Tulad mo na walang maipintas ang tao.
Tulad mo na nagpasaya sa tulad ko.
Tulad mo na hindi mamahalin ang tulad ko.
Hindi ko na mabilang kung pang-ilan na ba to,
Ilan na nga ba ang mga tulang naisulat ko para sayo?
Ilan na nga ba ang mga salitang inilaan ng puso ko para sayo?
Ilan na nga ba ang mga pagkakataong itinulak mo ako pero hindi mo naman ako sinalo?
Mula noon, hanggang ngayon,
Andito pa din ako.
Kung saan mo ako natagpuan,
Kung saan mo ako iniwan.