11

148 31 0
                                        

"Takbo, Lucy." Mahinahong sabi ni Jesy, habang si Lucy ay namuo na naman ang takot.

Kahit ako ay hindi ko inaasahan ang ginawang iyon ni Jesy. Habang pinipilit ni Lucy na tumayo ay lumapit si Jesy sa shelf kung saan may iba't ibang klase ng baril.

Nang makatayo ay nanginginig na naglakad palayo si Lucy habang hawak ang magkabilang brasong may sugat. Humuhuni lang si Jesy na animo naghihintay lang ng tamang pagkakataon.

Kinuha ko ang pagkakataong iyon para kalasin ang tali ko, inunti-unti ko itong tanggalin upang hindi mahalata kung sakaling ito ay malaglag.

Pagbaling ni Jesy ay agad niyang kinasa ang baril, inasinta niya si Lucy na hanggang ngayon ay halos hindi umuusad sa kinaroroonan, at ilang saglit lang ay nakarinig ako ng putok ng baril na ikinatili ko kasabay ng pagtakip ng kamay ko sa aking tainga.

Sa puntong iyon ay agad kong sinugod si Jesy upang agawin sa kanya ang baril. Nakipag-agawan ako sa kanya, ni hindi iniinda ang sakit sa ilang pagsiko niya at paninikmura sa akin. Iniiwasan kong maiputok ang baril dahil baka matamaan ang nanghihinang si Brix.

Nagpatuloy kami sa ganoong sitwasyon hanggang sa mangyari ang bagay na hindi ko inaasahan. Sabay kaming napahinto ni Jesy at parehas kumalas sa pagkakahawak sa baril, napako lang ang tingin ko kay Brix na sumusuka na ng sariling dugo habang nag aagaw buhay.

Ang kaninang tapang ko ay biglang napalitan ng sobrang paghihinagpis, iyak ang naging daing ko at ganoon din si Jesy.

Iyak lang ako ng iyak hanggang sa tuluyang malagutan ng hininga si Brix. Tila nahinto naman si Jesy.

Ilang hikbi pa ang pinakawalan ko bago ko siya tinapunan ng tingin, nagkakasa ng baril habang ang tingin sa akin ay nagngangalit.

"Takbo, Tiara, takbo!" At pinakawalan niya ang isang putok.

Natataranta man ay binilisan ko ang takbo ko kahit pa halos hindi makahinga sa bigat ng dibdib ko dahil sa mga nangyari. Ni hindi ko akalain na aabot sa ganito ang lahat.

Nangangapa ako sa dilim, pero rinig ko ang marahang hakbang ni Jesy.

Takbo na ang ginawa ko dahil doon, hindi na inalintana kung ano ang maari kong matapakan sa daan, hanggang sa marating ko ang nakabukas na manhole.

Agad agad akong umakyat, pero nahinto dahil sa paghatak niya sa paa ko.

Pilit kong pinipiglas ang paa ko at inaahon ang sarili, naging matagumpay naman ito, pero laking dismaya ko nang matagpuan ang sarili sa gubat.

Hindi ito ang manhole na inaasahan ko.

Litong lito man ay pinilit kong hanapin ang daan palabas. Lalo lang lumakas ang ulan at binabalot na ng dilim ang gubat.

"Tiara!" Sinundan ito ng putok.

Wala akong magawa kundi umilag sa balang maaring tumama sa akin. Pero sa pag asinta ni Jesy ay tinamaan ako ng isa sa binti kaya naman nahinto ako sa pagtakbo, idagdag pa ang ilang sangang natatapakan ko.

Kitang kita ko kung paano maging klaro sa paningin ang pigura ni Jesy. Papalapit na siya sa akin, habang hawak ang isang kutsilyo at baril.

Akmang susugod siya palapit sa akin nang bigla siyang mapasigaw sa gulat.

Ang bilis ng mga pangyayari, namalayan ko na lang ang sarili ko na umiiyak habang nakadungaw sa balon na puno ng matutulis na sanga kung saan nalaglag si Jesy, na ngayon ay patay na.

Agad na kumuha ng panyo si Miss Dela Paz nang makita ang mga luha ko na hindi pa rin mahinto sa pag agos.

Nang mawalan ako ng malay ay nagising na lang ako sa isang kwarto rito sa hospital.

Pagkagising ay agad nila akong kinuwestyon tungkol sa nangyari, malaya ko namang nilahad ang lahat.

"Sa tingin mo, anong motibo ng kaibigan mo upang gawin ang mga nilahad mong pangyayari?"

Mukhang wala siyang balak na tantanan ako, dahil buhat kanina ay panay ang tanong niya sa kung anong motibo ni Jesy upang gumawa ng ganoong klaseng krimen.

Pero isa lang parati ang sagot ko, hindi ko alam.

Napabuntong hininga na lang siya tanda ng pagsuko, iniwan niya na rin agad ako at sinabihang maghanda dahil maari na akong lumabas, kaunti lang naman ang naging sugat ko, at hindi ganoon kalala.


Ginawa ko nga ang sinabi niya at nag ayos, may isang nurse pa na nag-assist sa akin, nilagyan ng proteksyon ang binti kong may tama ng baril at binigyan ako ng tungkod.

Inayos ko ang mga papeles na kailangang pirmahan sa hospital at nagbayad bago lisanin ang lugar.

Bago ako makaalis ay hindi nakatakas sa aking paningin ang tingin ni Miss Dela Paz na patuloy na sumusunod sa akin.

Halatang hindi siya naniniwala sa mga sinalaysay ko. Hindi ko rin naman siya masisisi kung hindi siya maniniwala. Dahil may hindi ako nasabi.

At hindi ko kailanman ipaaalam iyon sa kinauukulan.

Thirteen Fortunes [✓]Where stories live. Discover now