DI INAASAHAN

9 0 0
                                    

DI INAASAHAN

Sa sobrang pagkahumaling ko sa langit
Kasama ang buwan at mga bituin
Tuluyan na ata akong nahulog sa ganda nitong kay lalim
Hindi lang dahil maganda sa paningin
Kung hindi dahil sa pagpapagaan nito sa aking damdamin

Katulad ngayong gabi
Hindi kalakasan ang ihip ng hangin
Pero ramdam ko ang malamig na simoy na sa balat ko'y dumadampi
Kanina'y medyo maulap pero ilang sandali lamang ang inilabi
Ang ulap ay tumabi
At nagbigay daan sa buwan at nga bituin

Sabi nila'y malungkot daw kapag mag isa
Sabi ko nama'y hindi lahat dahil doon ako mas masaya
Nasanay ako na walang kasama
Oo, marami akong kaibigan at buo ang aking pamilya
Pero ang ginhawa't katahimikan ay nararanasan ko lamang sa tuwing ako'y mag isa

Idagdag mo pa ang ganda ng tanawin
Kumikislap na ilaw sa mga gusali
Kumikinang na mga bituin
At ang buwan na tila gusto akong kunin
"O ang puso ko'y iyo pang amuhin"
Minsa'y Gusto ko na lang sabihin
Lalo na kapag ako'y nalulunod na sa ingay ng aking paligid

Ang tunog ng ihip ng hangin
At ang ingay ng mga kuliglig
Dito sa labas ng balkonaheng paborito kong parte ng bahay namin
Kasama ang kapeng paborito kong inumin
Ay sumabay ang mga yapak sa kalsadang nasa harap ng tahanan namin

Di ko inaasahan
Na gugustuhin ko ring marinig ang mga yapak na iyan gabi-gabi
Tila ito ata ang babago sa aking nakahiligan
Tila gusto ko siyang umakyat dito para aking makatabi

Pero baliktad kami
Katahimikan ang aking pangpakalma
At musika ang kaniya

Nakatingala siya sa akin
Na para bang ako'y isang bituin
Tinanggal niya ang musika sa tainga
At pinakabog ang aking dibdib sa mga binitiwan niyang salita
"Maaari ba kitang tabihan?"

Muli ay hindi ko ito inaasahan
Sa ilang taong kami'y nagkakasalubong at nagkikita sa daanan
Ni minsa'y di tumawid sa isip ko na ako pala'y kaniya pang maaalala
Kilala ko siya't nasusundan ang buhay niya
Napapag aralan ang bawat kilos na kaniyang ginagawa
At alam kong hindi niya alam o ramdam ang lahat ng kilos ng aking mga mata

Hindi ko inaasahan na sa unang beses niyang muli akong kakausapin
Ay papayag akong guluhin niya ang nananahimik kong gabi
Na ang ingay niya ang gugustuhin kong marinig bago mahimbing
At oo, pina akyat ko siya ng tahimik para di marinig ng aking pamilya na may bisita akong dumating

Hindi ko inaasahan na sa pag kakaharap naming muli
Ay sa akin na siya diretsong nakatingin
At mas lalong hindi ko inaasahan na sasamahan niya ako sa katahimikan na gusto ko sanang panatilihin
Buong gabi
Buong gabi kaming magkatabi
Ramdam ko ang lamig ng bakal na upuan na aming inuupuan
Pero sapat naman ang init ng kaniyang katawan upang tapatan ang lamig na dulot nito sa aking katawan

Hindi ko inaasahan na sa unang pagkakataon ay gusto kong magsalita
Ibahagi sakaniya ang ganda ng mga nakikita
Tumingala ako sa langit
At sinubukang magsalita
"Ang ganda ng langit noh? para bang kabaligtaran ng lahat ng pangit dito sa ibaba, ang galing Niya para ipakita ito palagi sa atin"
Mula sa gilid ng aking mata ay nakita ko ang kaniyang pag ngiti
Nakatingin siya sa akin buong oras na sinasabi ko ang maikling pangungusap
Tila namamangha dahil ngayon niya lang ulit ako narinig mag salita
"Wow, marunong ka pala magsalita
Bakit ba ngayon lang kita inistorbo e gabi gabi akong nagtataka sa gabi gabi mo ring pag tingala?
Ngayon ay alam ko na"

Natahimik muli ako sa kaniyang mga binitiwang salita
Nangangalay na ang batok ko pero natatakot akong tumingin sakaniya
Ngayong malapit na siya
Ayoko naman na makita niya ang gustong sabihin ng aking mga mata
Ayokong malaman niyang may kung anong dilim rito't baka mahila ko lamang siya

At sa pang ilang beses, hindi ko ulit inaasahan, na kinaya kong tumingin sa kaniyang mga mata't ngumiti
Natural at hindi pilit
Tila nahawa ako sa gandang ngiti niya sa akin
Takot ako pero ayokong bitawan ang pagkakataon na matagal nang ipinagkait sa akin
"so tinitignan mo pala ako mula sa malayo?
Hindi kalayuan ang bahay niyo sa amin pero napapansin mo pala ang mga pag tingala ko? "
Pilit tinatakpan ang nagkakagulong sistema na baka mabasa niya sa mga mata ko

"Mahilig ako maglakad lakad sa gabi habang nakikinig ng mga paboritong banda ko
Maputi ka kaya pansin agad ang pagkislap ng kutis mo kapag natatapat sa liwanag ng buwan na tinititigan mo
Di mo ata napapansin ang pag daan ko"

Kung alam mo lang

Bulong ko sa aking isipan
Pero nangingibabaw pa rin ang nagkakagulo kong sistema't isipan
Mula sa mga salita na kaniyang binitiwan
"Ngayon mo lang ako ulit kinausap, hindi ko alam na mapapansin mo ako gayong nananahimik ako"
At sinundan ko ng isang pekeng tawa para magmukhang biro ang binitiwan kong linya

"Pero ang ingay ng mga mata mo,
Hindi ko lang mahuli ang gusto nitong sabihin pero rinig na rinig ko ang ingay nito"

Tumigil ang mundo ko
Hindi ko inaasahan na ang dating kalaro ko
Ay makikita ang parteng ikinatago tago ko
Makalipas ang labing dalawang taon
Ang hirap paniwalaan pero nakikita ko sa mata niya ang pagiging sinsero't tila gustong sagutin ang mga tanong sa kaniyang ulo

"Mahabang kuwento, ang hirap ipaliwanag
Masyadong madilim
Di ko alam na makikita mo pala"
Tumingala ulit ako sa langit para umiwas ulit sa kaniyang mga mata
Gusto ko siyang kausap
Pero di ko kayang tanggapin ang ingay na ito mula sakanya
Hindi ako handang ibahagi sakanya
Pero ang presensya niya'y malaking tulong para makaramdam ako ng ginhawa

"Hihintayin kong magliwanag"

Di ko naintindihan
Di ko maintindihan

Mag bubukang liwayway na't katahimikan pa rin ang nakabalot sa aming dalawa
Di na siya muling nagsalita mula noong binitawan niya ang huling pangungusap

Patulog na ang buwan at ang mga bituin
Kita ko na ang pag sikat ng araw at tila ako ay nabitin
Maya't maya ang pag lingon niya sa akin
At ako'y hindi makatingin

"mamaya ulit, hihintayin kong magliwanag
Magpapa alam na ako kina Tito at Tita para hindi sila magulat
Pag nalaman nilang sinasamahan kita dito sainyo ng walang paalam"

Nagulat ako sa gusto niyang mangyari
Ibig sabihin ba nito'y gabi gabi niya na akong sasamahan?
Gusto ko pero handa ba ako?

At sa mas lalong hindi ko inaasahan
Bago siya makababa sa aming balkonahe ay hinalikan niya ako ng di inaasahan
Sa noo at sinabing
"matulog ka na't babalikan kita mamaya
Pag aralan mo pa ang magsalita para di na ako mahiyang kausapin ka
Magandang Umaga"

Kalabog ng puso ko lamang ang aking narinig mula pag dating niya hanggang sa mawala ang likod niya sa aking paningin pag liko niya sa kanila

Ang ingay nito ay di mahinto
ilang oras na
Pero hindi ko maipagkakaila na ito ang ingay na gusto kong marinig araw araw.

Hindi ko talaga inaasahan na siya ang magbabago sa isang bagay na nagagawa ko para sa sarili ko
Dahil hindi ko kailanman inasahan na ang ingay na ito ang pinakamagugustuhan ko
Ang ritmo ng pagtibok ng puso ko para sa lalaking nakakita ng totoong nararamdaman ko mula sa mga mata kong ito.

Untold TruthTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon