TINAWAG NI Jazzy ang crew ng Sweet Sage na dumaan sa table niya. "Excuse me. Puwedeng makahingi ng extra sugar? Kulang kasi sa tamis itong juice na in-order ko."
"Ah..."
"May problema ba?" nakangiting tanong ng lalaking lumapit sa kanila. Nakasalamin ito at may kipkip na clipboard. "Can I help you with anything, Miss?"
"No need. I'm already talking to him." Itinuro niya ang crew na biglang namula.
Tila hindi naman ito naapektuhan dahil nakangiti pa rin ito nang magpakilala sa kanya. "I'm Sage Madridejos I'm the owner of this bakeshop. Kung meron ka mang tanong o problema sa kahit na anong may kinalaman sa products and services ng Sweet Sage, ako na lang ang kausapin mo tutal wala naman akong ginagawa ngayon."
"Okay." Nagkibit lang siya ng balikat. "Medyo matabang kasi itong juice na in-order ko kaya ako humihingi ng extra sugar. At may tanong din ako. Bakit kailangang lagyan ng straw ang iniinom sa isang baso? Straw should only be used for takeout orders of drinks."
"I'll take a note on that." Simple lang nitong dinampot ang straw sa kanyang inumin saka inutusan ang crew. "Ikuha mo siya ng extra pack ng sugar, Marco. Would that be all, Miss?"
"Sa ngayon, oo. Tatawagin ko na lang uli kayo kapag nagkaroon pa ako ng problema." Binalikan na lang uli niya ang binabasang magazine. "Salamat."
Nag-init na naman ang ulo niya nang makita ang larawang iyon sa magazine. Napilitan siyang bumili kanina dahil sa naging eksenang iyon kahapon sa grocery store. At habang patuloy niyang binabasa ang kung ano-anong mga articles patungkol sa mga larawan nilang iyon ni Waki sa ospital, parang mas lalong tumitindi ang kagustuhan niyang pumatay ng tao. At iisang tao lang dahilan ng lahat ng iyon.
Ang lalaking iyon na kapapasok pa lang ng naturang bakeshop.
Mukhang kakilala nito ang may-ari ng lugar na iyon dahil nag-usap pa sandali ang mga ito. Nagsalubong na naman ang mga kilay niya nang makita niyang napatingin na sa direksyon niya ang pansin ni Waki ngunit nanatiling nakikipag-usap ito kay Sage. Na tila ba wala silang importanteng pag-uusapan nang sandaling iyon.
Pinaghihintay pa talaga siya ng hudyo!
She was trying to get his attention by giving him a stern look. But the guy just smiled at her! Ewan naman niya kung bakit parang natigilan siya sa ginawa nito. At natagpuan na lang niya ang sariling pinagmamasdan ito. Sige, guwapo na ito kung guwapo. Maganda ang pangangatawan at matikas ang tindig. Gaya ng kausap nito, matangkad din ito na kung tatantiyahin niya ay lalagpas sa anim na talampakan. Just like Bucho. Bigla siyang napakunot-noo.
Bakit niya ikinukumpara ang lalaking iyon sa kanyang kuya? Her older brother was the best. And that Waki guy was just...an actor. A regular guy. Walang dapat na ipagkumpara. Binalikan na lang niya ang iniinom pati na ang magazine sa kanyang harapan. Ngunit nakaplastada naman doon ang guwapong mukha ni Waki na nakangiti sa kanya. Kinuha niya ang straw na inayawan niya kanina at itinapik-tapik ang dulo niyon sa larawan.
"Malaki ang atraso mo sa akin at hindi mo ako makukuha sa pagngiti-ngiti mong iyan," wika niya sa larawan. "Lumapit ka lang dito at makikita mo—"
"Ang alin?" Naupo na sa bakanteng silya sa table niya si Waki. Ngiting-ngiti ito, as if he was really happy to see her. Tiningnan nito ang magazine sa harap niya. "Uy, may kopya ka na rin pala nito. Wait." May kinuha ito sa likod ng bulsa ng pantalon nito. Isang ballpen. At basta na lang nito pinirmahan ang cover ng magazine. "There. Ingatan mo iyan. Alam mo bang kikita ka ng limpak-limpak na salapi sa pirma ko lang? Maraming babae ang siguradong maiinggit sa iyo dahil minsan lang ako mamigay ng autograph ko sa mga fans."
BINABASA MO ANG
CALLE POGI #3: WAKI (completed)
RomanceLumaki si Jazzy na tinitingala ang kanyang Kuya Bucho. Lahat na kasi ay narito. Galing, talino, may itsura at napakabait. Isang perpektong role model. Ni minsan ay hindi niya ito nakitaan ng kahit na anong mali. Kaya laking disappointment niya...