(5/28/18)
***
Nakatitig sa blangkong papel na nilaan para sa mga salita
Iniisip, dinadama, paano kung kadalisaya'y mawala?
Dito sa mundong laganap ang kasalanan,
Makaiiwas kaya sa paggawa ng kasamaan?
Huy, tara dito tayo, dito sa madilim na eskinita
Magsaya tayo sa gitna ng kadiliman, walang iniisip na iba
Tamang tama, may dala akong gamot na may mabangong halimuyak
Matutulungan tayo nitong humalakhak
Huy, tara dito tayo, dito sa gusaling maraming ginto
Pasok tayo sa loob, magmina tayo sa sahig na semento
Ang daming papel, papel na napakahalaga
Sa atin na ito, wala nang makakapigil pa
Huy, tara dito tayo, dito sa lugar na maraming tao
Ang nagtatanghal sa harapan ay tignan mo
Minsan ba'y naisip mong gayahin siya?
Minsan ba'y naisip mo kung bakit hindi ka kasing galing niya?
Huy, tara dito tayo, dito sa lugar na tahimik at payapa
Magpahinga ka, magpahinga dahil maaga pa
Huy, teka, wag ka munang tumayo
Alam kong gusto mong magpahinga, magpahinga hangga't gusto mo
Huy, tara dito tayo, dito muli sa maraming tao
Napagtanto mo na bang mas magaling siya sa'yo?
Alam kong galit ka, kaya tara
Gumawa ka ng ikasasama niya
Huy, tara dito tayo, dito sa hapag na maraming grasya
Para sa iyo lahat yan, ubusin mo't wag bigyan ang iba
Alam kong gutom ka, sige lang kumain ka
Ang mamigay ay wag nang isipin pa
Huy, tara dito tayo, dito sa mataas na trono
Nahila mo na pababa ang taong mas mataas sa'yo
Nasa iyo na ang korona, wag ka nang tumingin sa ibaba
Ang tumingin sa ibaba ay isang mahina
Huy, tara dito tayo, dito sa mapulang kwarto
Gumawa tayo ng bagay na walang nakaaalam ni sino
Ako at ikaw, tayong dalawa'y mag-iisa
Magsasaya't walang iisiping iba pa
Ang blangkong papel, pagmasdan mo
Ngayo'y puno ng pulang tintang dulot mo mismo
Napagtanto mo na bang mas maganda ang blangko?
Blangko, at walang bahid ng sama ng mundo?
Napagtanto mo na ba? Namulat ka na ba?
Kung gayon, may tanong muli ako sa'yo
Nagsisisi ka na ba?
At kung nagsisisi ka, gagawin mo pa ba?
BINABASA MO ANG
Lawa Ng Salita
ŞiirSa karagatan ng sakit na nadarama na sumasabay sa agos ng luha, may nakakubling lawa ng salita. || Isang tipon ng mga tulang Tagalog.