Rape Culture: Mula Reyalidad Patungong Wattpad

260 3 0
                                    

Maraming maseselang usapin ang sa halip na bigyang pansin ay naisasawalang bahala, naisasantabi o nagiging katatawanan na lamang sa marami: mga sensitibong isyu ng lipunan-katulad na lamang ng rape.

Ang rape o panggagahasa ay ang sapilitang pakikipagtalik o paggawa ng malalaswang bagay sa isang indibiduwal. Ang dalawa o higit pang tao ay maaaring gumawa nito sa iisang indibiduwal. Maaari rin itong mangyari sa dalawang taong magkapareho ng kasarian (babae sa babae, lalaki sa lalaki).

Ayon sa mga tala, mas madalas itong mangyari sa mga kababaihan. Wala rin itong pinipiling edad; maaaring magahasa mapa-bata man, o matanda.

Ito ay isa sa mga nangungunang kaso ng krimen hindi lamang sa Pilipinas kung pati na rin sa ibang panig ng mundo. Ayon kay Amber Gilbert sa website na Elist10 noong 2014, pang-siyam ang rape sa sampung pinakakaraniwang krimen sa buong mundo.

Ayon naman sa CNN Philippines noong 2017, isang babae o bata ang nagagahasa kada oras sa Pilipinas.

Sa isinagawang ulat naman ng Philippines Statistics Authority, lumalabas na mayroon nang naitalang 4,605 na kaso ng panggagahasa, acts of lasciviousness, attempted rape at incestuous rape noong 2016. Lahat ng ito'y idinulot sa mga biktimang babae. Ang report ng PSA ay talang nasyunal, at sumasalamin sa buong bansa.

Ang usaping ito ay masyadong sensitibo lalong lalo na sa mga naging biktima nito.

Nakababahala na sa kabila ng libo-libong buhay na nawala dahil dito ay nagawa pa ring umusbong ng "rape culture" sa ating bansa.

Pero ano nga ba ang tinaguriang "rape culture?"

Ang rape culture ay pumapatungkol sa nangingibabaw na mga paniniwala kung saan ang panggagahasa ay tinatanggap at inaangkop sa mga usaping mababaw at di-kritikal.

Ito rin ay ang pagtingin sa seksuwal na karahasan laban sa isang indibiduwal bilang karaniwan, at bagkus, hindi dapat gaanong pagtuunan ng pansin. Kabilang din sa grupo ng mga paniniwalang ito ang paninisi sa mga biktima ng rape, sa halip na sila'y bigyan ng proteksiyon mula sa rapist at mapanghusgang lipunan, ay sila pa ang pinapalitaw na pangunahing may kasalanan.

Ngunit bakit nga ba ito umuusbong? Ano nga ba ang mga posibleng dahilan?

Mayroong dalawang posibleng dahilan: (1) ang kasalatan sa kaalaman at; (2) ang kawalan ng pakikisimpatya.

Dumarami na ang mga bagong-silang na mga manunulat mula nang inilunsad ang writing app na Wattpad. Ngunit alam naman natin na hindi lahat ng mga manunulat na sa platform na ito ay may sapat na kaalaman tungkol sa maayos at kritikal na pagsusulat.

Maaring sumusulat lamang sila dahil nakikigaya, nababagot, o sumusubok ng bago. Marami rin sa mga nagsusulat sa Wattpad ang naeengganyo ng kapwa-batang writers na sumubok magsulat ukol sa mga sensitibong paksa-tulad na lamang din ng sex at rape.

Kung susubukang libutin ang mga akdang nakapaloob sa Wattpad na may temang rape o forced sex, makikita na karamihan dito ay sadyang mababaw ang pagkakaunawa sa rape. Ginamit lamang ang konsepto ng rape upang mapunan ang ilang eksena ng kanilang akda sa maling paraan.

May isa akong nabasa mula sa Wattpad, ginahasa ang bidang babae ng kaniyang kaklaseng lalaki. Makalipas ang dalawang chapter pagkatapos maganap ang panggagahasa, kinikilig na ang bidang babae sa taong gumahasa sa kanya. Hindi dapat ganito ang konsepto ng rape!

Hindi ko malaman kung saan nila napanood o nabasa ang kanilang mga depinisyon sa rape. Mapapanood naman siguro sa telebisyon ang takot na nararanasan ng mga napapabalitang biktima. Mababasa naman sa mga diyayro ang mga kahindik-hindik na sinapit ng mga biktima sa kamay ng mga rapist nila. Ngunit wala pa akong nakikitang biktima na nakaramdam pa ng kilig nang gahasain siya.

Nakalulungkot isipin na ganito ang konsepto ng rape sa mata at isipan ng ilang manunulat sa Wattpad. Para bang kaydali na lamang sa kanila na isulat ito. Hindi nila alam na ang mga akdang may ganitong konsepto ay kumplikado at may masamang ripple effect sa komunidad ng mga mambabasa.

Mawawaring hindi muna sila nagbasa, nag-aral, at nag-ipon ng sapat na impormasyon tungkol sa aktuwal na epekto ng rape sa isang tao. Lumilitaw na purong fantasya lamang ang kanilang mga akda, at 'di nababahiran man lang ng reyalidad. Kahit nga yata ang isang manunulat na may sapat ng kaalaman ay mahihirapan pa ring magsulat ng akdang may ganitong tema.

Ang mga bagay na natatanggap ng mga mambabasa- piksyunal man o hindi- ay maaring mag-iwan ng malalim na epekto sa kanilang kaisipan, opinyon at pagtingin sa mga bagay-bagay.

Ang nasabing epekto ay pananagutan ng manunulat. Kaya dapat maging maingat at responsable sa mga isusulat.

Dapat sana ay hindi lang ang mga kuwentong puno ng karahasan at seksuwalidad ang paghipitan ng Wattpad. Pati rin sana ang mga ganito kasensitbong usapin ay bigyan din nila ng pansin.

Kung ang ilang manunulat sa Wattpad ay kulang sa kaalaman, ang mga mambabasa naman ay kulang sa pakikisimpatya.

Nakababahalang makakita ng mga mambabasang ginagamit ang rape para sa pansariling pagpapantasya. Halimbawa na lamang ang mga mambabasang nagsasabing handa umano silang magpagahasa sa mga paboritong nilang piksyunal na karakter mapunan lang ang imahinasyon nila.

Hindi man lang naisip ng mga taong ito ang mararamdaman ng mga tunay na biktima ng rape. Kung ang mga biktima ay nais takasan o makalimutan ang marahas na sinapit, ang mga taong ito naman ay nais pang maranasan na magahasa.

Nang minsang pagsabihan ko ang isa sa mga gumawa nito, idinahilan lamang sa akin na piksyon lang naman daw ito. Huwag daw masyadong seryosohin.

Nakalulungkot isipin na ginagamit pa nila ang salitang piksyon upang pagtakpan ang kanilang maling kaisipan. Nagiging sarado ang kanilang kaisipan sa mga bagay na mula sa reyalidad dahil sa lubos na pagyakap sa imahinasyon at pantasya.

Ang mga taong biktima ng panggagahasa ay madalas nakararanas ng problemang sikolohikal dulot ng kanilang sinapit. Kaya't masakit para sa kanila na ang kanilang malagim na karanasan ay ginagawang kababawan at pantasya ng ibang tao.

Kaya nararapat na maging mas maingat sa ganito kasensitibong bagay, kahit saan man dalhin ay dapat pa ring ituring na sensitibo.

Piksyon man o hindi, hindi pa rin dapat gawing pantasya o kababawan ang rape.

TALA:

• http://www.elist10.com/10-commonly-committed-crimes-around-world/
• http://cnnphilippines.com/news/2017/03/07/One-person-raped-per-hour-in-PH.html
• https://www.lib.latrobe.edu.au/ojs/index.php/tlg/article/view/545/487

|| Ang nasabing kolumn ay para sa "AESTHETICA" ni Patrisha Badalo-isa sa mga kolumnista ng Katipunan ng Alternatibong Dibuho, Liriko, at Titik.

Kadlit Kolum: Koleksiyon ng mga KolumTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon