"If you tremble with indignation with every injustice, then you are a comrade of mine." -Che Guevara
May dalawang bagay na parating sumasagi sa isip ng mga mga tao tuwing naririnig ang salitang manunulat: una ay aliw, dahil ang mga manunulat, lalo na ang mga nagsusulat ng fiksyon, ay inaasahang magdadala ng aliw sa kanilang mga mambabasa.
Ang ikalawa naman ay katotohanan-sapagkat ang manunulat ay inaasahang mas maalam sa nakararami, sapagkat ginawa na niyang mundo ang mga salita, at ang kalakhang deposito ng karunungan ng mundo't sibilisasyon ay nakatatak sa papel at sa rekord na elektronika, salamat din sa mga manunulat.
Ngunit saan nga ba poposisyon ang manunulat sa mga panahon na hindi na payapa ang paligid, at nahihirapan na ang kapwa-tao?
Ang sagot sa tanong na ito'y hindi komplikado, sapagkat ang manunulat ay tao lamang din, at kapwa ring ituturing ng ibang tao.
Kumbaga, we are all in the same pot of boiling oil.
Na gustuhin man natin o hindi, ang pagsusulat ay isang aktibidad na nangangailangan ng oras at enerhiya, at hindi ito biro sa pag-ubos lalo na ng oras ng isang tao, kaya dapat ang paglalaan ng oras para rito ay may katuturan, at may tunay na patutunguhan.
Ang mga batang manunulat, tulad nang inaasahan ay HINDI inaasahan na maging bahagi ng pagpupursigi ng lipunan upang ayusin ang mga sakit nito't problema.
Ngunit, sino ba ang nagsasabing ang mga bata'y 'masiyado pang bata' para mag-isip tungkol sa kapwa at bayan? At kung totoo nga ito, bakit milyun-milyong mga bata ang nakararanas ng pagdarahop at paghihirap sa kasalukuyan?
Mga kabataang walang makain, walang uniform pagpasok sa eskwela, walang baon, walang makain na matino sa maghapon-sila ba ay kasama sa naratibong ito o hindi?
Na kung susumahin, isang ilusyon lamang ang tinatawag na fragility ng kabataang may kakayahan nang mag-isip at magsulat; at malamang ay nakadidiring fantasya lamang ito ng middle class o gitnang uri, na nais i-isolate ang kani-kanilang mga anak sa represibong mukha ng kasalukuyan.
Kamakailan lamang ay may isang post sa Facebook na nag-viral; may isang binatang nag-picture sa may bintana ng building na kaniyang pinagtatrabahuhan.
May mobilization na nagaganap sa kalsada malapit sa kanilang building, at ang kaniyang opinyon ay "may hiring" naman daw sa kanilang kumpanya, kaya puwede mag-apply ang mga rallyista sa kalsada na humihingi ng trabaho at dagdag-sahod mula sa gobyerno.
Bagama't maraming natuwa sa paskil ng binata, ang hindi naunawaan ng mga mambabasa na karamihan ay kabataan ay ang mobilization o rally na ito ay hindi para sa mga rallyista mismo, ngunit para sa kabuuan ng bansa.
At kung titingnan natin ang kalagayan ng mga empleyado sa bansa, ang sinasabing oportunidad sa paskil ng binatang humakot ng maraming likes at shares ay exception, at hindi norm o karaniwang kondisyon ng manggagawa sa ating bansa.
Bakit nangyayari ang ganitong mga travesty sa ating bansa? Bakit may mga taong hindi mahagip ang mga simpleng mensaheng politikal?
Bakit maraming politically ignorant?
Dahil ang mga kabataan ay pinipigil pagdating sa kanilang political development at consciousness bilang mga political beings.
At ang political development, makukuha lamang yan sa pakikisalimuha sa kapwa at bayan, at sa pagiging gising ang kamalayan sa danas ng ating mga mamamayan. At bakit mahalaga ito? Dahil ang bata ngayon, bigyan mo lamang yan ng isang dekada mahigit, ADULT na yan.
Hindi na siya maikukubli sa realidad ng ating bansa. Bakit kailangan na laging RUDE AWAKENING ang mangyayari, kung sa mas batang edad pa lamang ay maaari nang hamigin at gising ang kamalayan ng batang Pilipino, at lalong lalo na ang batang manunulat?
At dito papasok ang posisyon ng manunulat sa panahon ng krisis at sakuna.
Ang ating bansa ay nasa permanenteng estado ng krisis kultural at politikal. Kung anong sakit na dala ng free market economy ng bansa, siyang ring taglay na sakit ng ating kultura, lalo na ng kulturang popular.
Masasabi nating may dalawang hanay lamang ng mga manggagawang kultural (cultural workers) sa ating bansa: ang mga nasa empleyo ng malalaking korporasyon tulad ng ABS-CBN at GMA, na nakatali ang mga kamay at bisig sa pagsusulat at pagbuo sa paraang malikhain dahil sila'y inaasahan na magsulat at lumikha na naaayon sa pangangailangan ng kumpanyang nagpapasuweldo sa kanila at ang ikalawa, ang independent writers, na hindi man malaki ang kinikita sa kanilang pagsusulat ay nakatutok sa pagpapamulat ng kapwa, at hindi nagiging hadlang ang anomang bagay sa kanilang misyon na manggising at mambulabog ng mga taong dapat nang magising at maging mas maalam sa mga panahon ngayon.
Bagama't may dibisyon ang mga creatives dahil sa presensiya ng kapital, hindi rin dapat maging hadlang ang pagiging empleyado ng malalaking kumpanya upang isakatuparan ang mahalagang obligasyon ng manunulat sa kapwa at bayan.
We write to serve. We do not write just for ourselves.
Dapat ikintal sa kamalayan ang dalawang linyang ito, sapagkat ito ang magiging gabay ng manunulat sa kaniyang buhay bilang manggagawang kultural.
Na kung ang bawat manunulat ay may sariling konsensiya, at ang konsensiya ay nakatuon sa kung anong mabuti, natural na magiging konklusyon ng isang manunulat na ang dapat na tungo ng kaniyang pagpapagod sa pagsusulat ay pagsisilbi sa kapwa sa larangan ng kultura at ideyolohiya, at pagpapalaya sa mga taong ginapos ng dominanteng ideyolohiyang idinadagan lamang sa atin ng estado at ng mga uring dominante.
At sa huli, ang trabaho ng manunulat ay magsilbing tulay rin para ang mga nasa hanay ng hindi mulat ay makatawid na patungo sa hanay ng gising at nakauunawa sa mga tunay na nangyayari sa ating lipunan.
At ito ang tunay at karapat-dapat na posisyon ng manunulat sa panahon ng krisis at sakuna.
|| Ang nasabing kolumn ay para sa "HAMIG" ni Marius Carlos, Jr.-isa sa mga kolumnista ng Katipunan ng Alternatibong Dibuho, Liriko, at Titik.
BINABASA MO ANG
Kadlit Kolum: Koleksiyon ng mga Kolum
NonfiksiKoleksiyon ng mga kolum mula sa iba't ibang kolumnista ng Katipunan ng Alternatibong Dibuho, Liriko, at Titik.