Aitakatta!, River, Heavy Rotation at Sugar Rush - ito ang mga kantang pinasikat ng Japanese girl group na AKB48, na kilala na ngayon hindi lang sa Japan, ngunit sa buong mundo.
Ang grupo na ito ay binubuo ng 48 na kababaihang nasa edad na early teens hanggang mid-twenties. Ang kanilang genre ay bubblegum pop, na isang uri ng pop na upbeat at iminamarket sa mga kabataang babae't lalaki. Sila ay nagpeperform ng synchronized dancing habang pineperform ang kanilang mga kanta.
Paano ba nagsimula at nagtagumpay ang AKB48 kahit napakarami nilang miyembro at paano lumawak ang kanilang konsepto ng ganitong musical group sa iba't-ibang panig ng Asya at mundo?
MGA SISTEMA NG GRUPONG AKB48
Ang pangalan ng AKB48 ay ibinase Akihabara o Akiba area sa Tokyo, kung saan Itinayo ang teatro kung saan nagtatangahal ang grupo. Binuo ni Yasushi Akimoto ang grupo noong 2005. Si Akimoto ay isang tanyag na producer ng mga kilalang Japanese idols sa Japan.
Binuo niya ang kanyang konsepto ng "idols you can meet." Maaari mong makasalimuha at mapanood mo ang iyong oshi o idolo nang harap-harapan at araw-araw, at mayroon din silang sariling teatro kung saan sila nagtatanghal para ipakita sa madla ang kanilang kakayanan sa pagsayaw at pagkanta.
Kasama rin sa konsepto ng grupo ang pagbubuo ng mga team, at nagpapalitan ang mga team na ito sa pagtatanghal tuwing panahon ng performance. Halimbawa, sa 48 na members ay may apat na team - Team A, Team K, Team B at Kenkyuusei. Nagkakaroon din ng "handshake events" kung saan maaari mong makadaupang-palad ang iyong napupusuang oshi o idol sa grupo.
Ginaganap naman ang General Elections kung saan boboto ang madla kung sino ang magiging "center girl" para sa susunod na album.
Kung sino ang may pinakamataas ang boto ay siyang tatanghaling center girl ng ilalabas na album. Bawat album, may ibang center girl na lumalabas. Sa ibang baryasyon ng orihinal na konsepto, nagkakaroon ng dalawang center girl ("W Center") na nangyari na sa dalawang sister group ng AKB48 - ang SKE48 at NMB48.
Mayroong graduation system din kung saan may mga miyembrong umaalis dahil sa iba't ibang dahilan, tulad ng pagpapatuloy ng pag-aaral, pagkakasakit, pagpasok sa showbiz, at iba pang personal na kadahilanan.
Mayroong seremonya kung saan magtatanghal ang "graduate" ng grupo sa huling pagkakataon at tatanggalin na ang kanyang litrato sa portrait wall ng teatro.
ANG PAMAMAYAGPAG NG AKB48
Naging mabenta ang grupo sa kanilang bansa at sila ay kabilang sa tinaguriang "highest earning musicians" lalo na noong 2013 kung saan umabot ang sales nila ng 13.25 billion yen.
Pagdating naman sa kanilang mga kanta'y umabot ng 35 ang naging top hit sa Oricon Weekly Singles Chart. 30 sa kanilang singles ay may isang milyong units ang benta kada isa. Kasama na sa mga top earning singles ng grupo ang kantang Heavy Rotation, Beginner, at ang pinakamabenta sa lahat - ang Tsubasa wa Iranai na umabot ng 2.5 milyon na sold units noong 2016, ayon sa Billboard Japan.
Dahil sa kasikatang tinamasa ng grupo sa Japan, nag-expand sila at nagkaroon ng mga sister groups sa loob at labas ng Japan. Sa global stage, nabuo na rin ang mga sumusunod: Thailand (BNK48), Indonesia (JKT48), Taiwan (TPE48) at dito sa atin sa Pilipinas, ang MNL48. Mayroon ding mga grupo na upcoming, tulad ng sa India (MUM48) at Viet Nam (SGO48).
SA PAGBUO NG MNL 48
Ang MNL48 ay isa sa mga sister group ng AKB48 dito sa Pilipinas na pinamamahalaan ng Hallo Hallo Enterntainment, in partnership with ABS-CBN.
Ito ang panlimang sister group na inilusad noong 2016 sa labas ng Japan, na kasabay ng BNK48 ng Thailand at TPE48 ng Taiwan. Nagkaroon ng auditions sa buong Pilipinas noong 2017 at inilunsad ngayong taon ang unang henerasyon ng grupo noong Abril sa pamamagitan General Elections.
BINABASA MO ANG
Kadlit Kolum: Koleksiyon ng mga Kolum
Non-FictionKoleksiyon ng mga kolum mula sa iba't ibang kolumnista ng Katipunan ng Alternatibong Dibuho, Liriko, at Titik.