Naaalala ko pa rin noong na-tag ako upang sumagot ng isang tanong:
“Ano ang kahalagahan ng paggamit ng wikang Filipino sa social media?”
Hindi ko na matandaan kung ano ang naging sagot ko. Isa lang ang sigurado. Nais kong bigyan ng lalim ang paggamit ng ating wika dahil may isang sumagot sa tanong na iyon na walang namang “depth” o kalaliman ang wikang Filipino.
Sa puntong iyon ay nagpanting man ang aking tainga, hindi ko rin naman maitatanggi na isa rin ako sa mga namuhi noon sa ating wika.
Maraming nagsasabi na tunog “jologs” o “cheap” ang ating wika.
Nakakarinig pa ako ng mga magulang na pinagsasalitaan ang anak kapag nagsasalita ng Tagalog o Bisaya. Sa lungsod na aking kinalakihan, hindi ko rin matatago na ako ay nadala na rin ng pragmatismo na dulot ng wikang Inglés.Minsan na rin akong nahumaling sa Nihongo at Koreano. At doon ko napagtanto na dahil sa pagkahumaling natin sa ibang mga wika ay hindi na natin napagbigyan ang pagpapalalim ng sariling atin.
PAANO NGA BA NATIN MABIBIGYANG-LALIM ANG ATING WIKA SA SOCIAL MEDIA?
GAMITIN NANG MAAYOS. Alam kong maraming sasalungat dito. Ngunit kung ating papansinin, ang wikang Filipino ay hindi lamang naglalaman ng kakaunting mga bahagi sa balarila nito.
Hindi lang sa kaalaman sa paggamit ng mga salitang “daw” at “raw” o “nang” at “ng” nasusukat ang pagiging matatas sa ating wika.
Dapat na pag-ibayuhin ang paggamit sa dalawang uri ng pangungusap: pangkaraniwan at ‘di pangkaraniwan. Sa ganoong paraan ay mapapalalim pa natin ang wika sa pamamagitan nito.
IPARATING ANG MENSAHE GAMIT ANG ATING WIKA. Sa paraang ito, kahit na Tagalog, Cebuano, Hiligaynon, o kung ano-ano pang mga wika ang nais mong gamitin, huwag matatakot na gamitin ang mga ito.
Tandaan natin na karamihan din naman ay hindi talaga nakauunawa ng ibang wika tulad ng Ingles o Espanyol. Bawat wika ay may natatanging pagtingin sa kaniyang kapaligiran, sabi nga ng isang sikat na dalubwika.
Kaya naman ipahiwatig natin ang ating mga saloobin gamit ang ating wika.
HIGIT NA KILALANIN ANG ATING WIKA. Bawat salita ay may kahulugan. May gamit. Kaya maganda na ating buklatin ang ating mga diksyunaryo upang alamin na rin ang tamang gamit ng mga mga salita.
Sa paraang ito, mapalalawig natin ang ating katatasan sa wika, at maipararating pa natin ang ating mensahe, ang ating mga nais sabihin sa iba. Sa ganitong paraan ko nakanasayan ang pag-aaral sa wikang Tagalog, bilang ako ay lumaki na ang nanay at tiya ay Kavitenya.
Kung susumahin, ako man ay liliko pakaliwa sa usaping ito. Bakit? Maraming magsasabi na mali ang ganitong pag-iisip, lalo na at ramdam kong manggagaling ito sa mga dalubwika sa wikang Filipino.
Ngunit nais nating bigyan ng lalim ang paggamit ng wikang ito. Bakit hindi natin simulan sa pinakapayak na paraan, gaya ng aking mga nabanggit?
Marami pa tayong kailangang ayusin sa paggamit natin ng ating wika. Ako man ay minsan na ring nagbigay ng ganoong hinuha; na ayaw ko lang talagang magsalita ng Tagalog kung minsan. Pero ang katotohanan ay tayo pa rin ang magbibigay ng lalim sa wikang ating sinasalita. Tutal naman, tayo ang gumagamit nito.
|| Ang kolum na ito ay para sa segment na “FLUMA” ni Basil Bacor, Jr., isang kolumnista ng Katipunan ng Alternatibong Dibuho, Lirikot, at Titik.
BINABASA MO ANG
Kadlit Kolum: Koleksiyon ng mga Kolum
Non-FictionKoleksiyon ng mga kolum mula sa iba't ibang kolumnista ng Katipunan ng Alternatibong Dibuho, Liriko, at Titik.