Kahapon lamang ay nag-ikot sa social media ang rambol ng Gilas Pilipinas at Australia sa FIBA World Cup Asian qualifier, na ginanap sa Philippine Arena.
Ayon sa mga report, nagsimula ang basag-ulo nang ma-blindside ng Australyanong si Daniel Kickert si Roger Pogoy ng Gilas. Sumunod naman ay ang panununtok ni Jayson Castro at ang panunulak ni Andray Blatche.
Makikita sa maraming imahe sa Internet ngayon ang nagresultang kaguluhan, at maraming mga Pilipinong dumedepensa sa mga players ng Gilas.
"Tambak" man daw ang mga Pilipinong basketbolista ay may #Puso pa rin ang mga ito. Kasabay ng pag-circulate ng mga orihinal na imahe ng kaguluhan ay ang pagsabay ng mga memes sa Facebook kung saan ginawang katatawanan ang banggaan ng dalawang kuponan ng mga basketbolista.
* * *
Sa pinakasentro ng ingay na ito ay ang "damaged national pride" ng mga Pilipino, na tila lumalabas lamang tuwing may laban ang mga propesyunal na atleta ng bansa, tulad na lamang ng mga pinapadala sa Olympics, SEA Games, at syempre, huwag nating kakalimutan ang ating pambansang obsesyon sa basketbol at boksing.
Ang karaniwang paliwanag ng mga tao ay "nakaka-proud" ang ating mga atletang propesyunal at marapat lang na sila'y suportahan, sapagkat dala nila ang sagisag ng ating bansa.
Kumbaga, nabubuhay ang "lahing Pilipino" at ang mga ideals ng nasyon sa mga atletang palaban. Matagal na panahon na ring ginagawang special feature sa mga diyaryo at mga dokyumentari sa telebisyon ang mga buhay ng mga atletang kulang sa pondo ngunit patuloy pa rin sa pagsisigasig na makipag-compete sa mga propesyunal na events sa labas ng bansa.
NGUNIT ANG TANONG—hanggang dito na lamang ba talaga ang limitasyon ng ating tinatawag na nasyonalismo?
Na tayo'y tumitindig tuwing aawitin ang pambansang awit, at tayo'y may "feel good moments" kapag nanonood mga palabas sa telebisyon na mababanggit ang bansa?
Bakit ang babaw ng nasyonalismong ating tinatanggap at isinasabuhay?
Bakit buhay lamang ang pagka-Pilipino tuwing may Gilas Pinas, tuwing lalaban si Pacman?
Ilang linggo na rin ang nakaraan nang pumutok ang balitang dinadahas ng NutriAsia ang mga manggagawa nito. Kasabay naman nito ang terminasyon ng WALONG LIBONG kontraktuwal na manggagawa ng PLDT. Tumanggi umano ang PLDT sa order ng DOLE na gawing regular na mga empleyado ang mahigit pitong libong empleyado nito mula sa panahon na binaba ang order.
Bukod sa progresibong hanay, walang outrage, masasabing wala halos interes sa mga pangyayaring ito. Kaalinsabay din ng dalawang problema na ito ang patuloy na militarisasyon ng estado, ang mga patayan sa lansangan sa ngalan ng drug war, at ang culture of impunity na ipinapatupad at pinapalakas pang lalo ng administrasyon.
Saan ba talaga tayo nakatindig bilang mga Pilipino? Na sa dami ng ating mga interes at mga nais suportahan at gustong bigyan ng ingay, bakit wala sa listahang ito ang pagsulong ng mga demokratikong praktis sa gobyerno at pagsupil sa mga anti-labour na praktis ng mga dambuhalang korporasyon?
Bakit hindi natin magawang ipaglaban ang karapatan ng bawat isa? Pero kayang kaya nating ipaglaban ang mga kabuktutan, tulad na lamang ng mga hirit ng mga basketbolista sa Twitter at Facebook?
Sana'y magising na ang karamihan, at magsimula na ang ingay sa mga bagay na mas mahalaga sa kolektibong pamumuhay nating mga Pilipino.
Tama na ang ingay para sa mga taong umani na ng sobra-sobra, at sila-sila lang din naman ang nakikinabang sa proseso.
BINABASA MO ANG
Kadlit Kolum: Koleksiyon ng mga Kolum
Non-FictionKoleksiyon ng mga kolum mula sa iba't ibang kolumnista ng Katipunan ng Alternatibong Dibuho, Liriko, at Titik.