Bukod sa halos perpektong physique at 'di pangkaraniwang lakas, si Zsazsa Zaturnnah ay nangingibabaw sa maraming bidang tauhan sa panitikang Pilipino dahil sa gender niya - si Zsazsa Zaturnnah ay isang queer hero(ine), at taglay niya nang buong-buo ang katauhan ng mahiyaing hairdresser na si Ada.
Mapa-pelikula man o komix, naging katangi-tangi ang pagganap ng mga tauhan na ito sa tinatawag na cultural stage dahil sa obhektibong paraan ni Carlo Vergara sa paghihimay ng mga isyung pumapalibot sa pagiging queer, hindi lamang siguro sa Pilipinas, ngunit sa buong daigdig.
Mahalaga ang pagsusuri ng gender kasabay ng politikal na oryentasyon at ideyolohiya ng mga akdang pampanitikan, sapagkat ang gender ay may esensiyal na kapasidad na mag-deconstruct o magbaklas ng mga monolitikong konsepto at diskurso, upang ipakita ang kasaysayan at [i]lohika ng mga ito.
Ayon kay Russell West (quoting Peter Middleton sa "Inward Gaze,") - "because once made the subject of reflection upon itself, gender deconstructs almost all FOUNDING CONCEPTS upon which theories of language, culture, and self are based. Gender is a much more radically DESTABILIZING concept than most men theorists have recognized."(1) (emphasis mine)
ANG DALAWANG MUKHA NI ADA: HERO/INE AT BIKTIMA NG KARAHASANG DOMESTIK
Bagamat ang back story ni Ada ay nakakuwadro sa komedya at self-depracating humor, madilim, buntis sa karahasan at nakatatakot ang kaniyang mga dinanas bilang isang baklang nakipagrelasyon sa isang straight na lalaki.
Makikita sa mga eksena sa kanyang panaginip kung paano siya murahin at gulpihin ng kanyang dating kapareha, at paratangan ng kung ano-ano. Ginawa ring insulto ang pagiging bakla niya. Natapos ang nasabing panaginip sa pagsapak sa kanya, kung saan ang kanyang panga ay halos humiwalay na sa kanyang mukha.
Ang pagiging maluwag ng bibig ni Ada, bukad sa pagiging functional-practical sa konteksto ng kuwento at malaki ang batong Zaturnnah, ay isang paglalaro't metapora rin sa karaniwang pagtuya't insulto sa mga baklang lalaki - na dahil posible at karaniwan ang oral sex/fellatio sa pagitan ng dalawang lalaki anoman ang kanilang oryentasyong sekswal, na ang mga bibig ng bakla ay 'maluwag at malalim' at sila'y nakalulunok ng malalaking bagay na hindi naduduwal. Idagdag pa dito ang alusyon ni Ada sa batong Zaturnnah - na bagamat ito'y malaki at mahirap lunukin, ito nama'y matamis, na parang arnibal.
Ang pagtatapat ng tauhan ni Dodong at ni Ada ang nagsilbing epektibong contrast ng isa sa mga 'kakayahan' ng isang bakla at ng isang straight na lalaki. Si Dodong ay nahirapan lunukin ang batong Zaturnnah sapagkat ito'y malaki; si Ada nama'y tila nainip at ipinakita pa kay Dodong kung paano lunukin ang bato.
Bukod sa hayag na comedic relief na bahagi ng estilo ni Vergara, mahalagang coordinate ito sa talastasan sa pagitan ng mga gender, kung saan ipinapakita rin sa komix na ang pagkakaiba sa oryentasyon sa pakikipagtalik ay hindi relevant o mahalaga sa mas malaking tunggalian sa loob ng uniberso ni Zsazsa Zaturnnah. Isa itong malinaw na UNDERMINING o pagpapawalang-halaga sa dominanteng diskurso ukol sa sekswalidad ng mga queer na ginagawang pundasyon ng pagtuya't paninira ng mayorya sa komunidad ng LGBT.At kung titingnan ang primaryang tunggalian, hindi ang mga sexual preferences ni Ada o ibang mga bakla ang problema ngunit ang mga supernatural/'post-Earth' na tunggalian, tulad na lamang ng paglapag ng higanteng palaka (ang 'palaka' o 'frog' sa bokabularyo ng mga 'beki' ay isang taong madaldal/wala sa wisyo ang pagsasalita, at 'di kaaya-ayang kasama/kakilala) at ang pagdating ng mga 'toxic women' sa katauhan ng mga elyen na Womyn (Amazonista).
ANG UGAT NG TOXIC FEMININITY NG MGA AMAZONISTA
Sa unang lathala ng komix ni Zsazsa Zaturnnah, ang pangunahing kalaban ni Ada (Zsazsa) ay ang mga Amazonista - mga babaeng nagmula sa isang planeta kung saan ang mga kalalakihan ay nagmistula nang mga hayop at alipin, at ang mga kawal ng reyna ng Amazonista (na lahat babae) ang pumalit sa karaniwang lalaking 'perfect soldier.'
BINABASA MO ANG
Kadlit Kolum: Koleksiyon ng mga Kolum
Non-fictieKoleksiyon ng mga kolum mula sa iba't ibang kolumnista ng Katipunan ng Alternatibong Dibuho, Liriko, at Titik.