American Dream at iba pang Pighati sa Pilipinas

508 1 0
                                    

Ayon sa tala ng Migrante International, taong 2015 pa lamang ay 6,092 na Pilipino na ang umaalis araw-araw patungo sa ibang bansa upang humanap ng mapagkakakitaan. Ayon ito mismo sa report ng DOLE. Ang istatistika ay  nagsimula sa 4,018 (taong 2010) at halos magdoble na matapos lamang ng ilang taon. Ang 5,000+ mark ay na-attain noong taong 2013.

Ang penomena ng pag-alis ng mga tao mula sa kanilang bayang sinilangan upang maghanap ng kapalaran sa ibang bayan ay tinatawag na diaspora. Hango ang salitang ito sa Greek na salita na ang ibig namang sabihin ay "to spread/to scatter."

Tila mga butong isinasabog ang mga Pilipino sa iba't ibang panig ng mundo, sa rate na mahigit na anim na libong katao, araw-araw. Kaniya-kaniyang paraan upang makaalis. Karamihan ay nangungutang, nakikipagsapalaran sa mga trabahong hindi talaga gamay o sigurado.

Ang mahalaga, magkaroon ng regular na buwanang sahod, nang may maipadala sa pamilya sa Pilipinas. Lagi't lagi, ang iniisip ay kapakapanan ng mga batang nag-aaral at mga nakatatandang kapamilya na matanda na o may sakit. Ang OCW ay nagiging makina at tulay patungo sa kaginhawaan. Kung patas nga ba ang ganitong kaayusan, ay madalas hindi na tinitingnan ng mga kaanak na nakikinabang sa pagpapagod ng trabahador na OCW. Ang mahalaga, "noble" o kahanga-hanga ang paghahanapbuhay at pagsasakripisyo sa ibang bansa.

KANINONG PANGARAP?

Mula pagkabata, aware na ako na maraming Pilipino ang may tinatawag na "American dream."

Ano ba ang American dream?

Ito ay isang habambuhay na fantasya at pananalig na ang ginhawa at sarap ng buhay ay matatagpuan lamang sa Amerika.

Palitan lamang ang unang bahagi ng termino at lalabas ang mga baryason - UK dream, Saudi Arabia dream, Japan dream, Hong Kong dream, New Zealand dream, atbp. Napakaraming baryason. Ang bawat isa'y may kaakibat na pait-tamis ng  pangungulila sa bansang hindi pa nakikita, hindi pa nakikilala. Ngunit ang pagkatao ng nangangarap ay hindi maihiwalay sa banyagang bansang nais puntahan at pag-alayan ng lakas-katawan at mga nalalabing taon ng buhay.

Ngunit dahil neocolony pa rin ang Pilipinas ng Estados Unidos, maraming-marami pa ring mga Pilipino ang tumitingala sa mga indibiduwal at pamilyang nakalusot na sa masalimuot na migration process ng Amerika. Kumbaga, ang mga Pilipinong malaya nang nakaaalis at nakababalik ng Amerika ay mas garantisado nang mas mataas ang antas ng pamumuhay, at sila na ang nagsisilbing role model ng iba pang taong may American dream.

THIRD WORLD DREAMS

Hindi na bago ang fantasyang ito sa ating bayan, sapagkat tayo ay nasa isang Third World country. Ayon sa mga depinisyon ng terminong ito, ang Pilipinas ay nasa bingit ng industriyalisasyon (dapat, siguro), ngunit ang totoo niyan ay malayong-malayo pa tayo sa pagiging industrialized state. May mga uring maylupa pa rin sa Pilipinas, at walang ngipin ang gobyerno pagdating sa regulasyon ng iba't ibang component o bahagi ng ekonomiya. Ang resulta: tayo'y tangay-tangay lamang ng free market economy ng mundo, kahit maaari namang gumawa ng mga hakbang ang gobyerno upang hindi tayo paulit-ulit na maging biktima ng kapital.

Kaya siguro sa personal na antas, hindi ko masisi ang masa sa pagnanais na kumawala sa teritoryo  ng Pilipinas. Sabihin mang primitibo ang tugon na ito, nauunawaan ko ang kagustuhang makaahon sa gutom at sa kondisyon ng kasalatan. Sagad sa butong paghihirap ang nagtutulak sa isang ama o ina upang lumisan ng bayan upang sumahod lamang ng sampu hanggang labinlimang libong piso kada buwan sa ibang bansa.

Maituturing mang cultural excess ang fantasyang magkaroon ng "white picket fence house" sa isang "pleasant suburb in America," ay repleksiyon pa rin ito ng kakulangan ng ating gobyerno sa talino at konsensiya sa maayos at makataong pagpapatakbo ng lokal na ekonomiya.

Habang nananatiling anti-labour ang tindig ng gobyerno, at walang ngipin ang ating mga batas sa pagpapatupad ng regularisasyon at maayos na pagpapasahod ng mga korporasyon tulad na lamang ng dambuhalang Jollibee Foods Corporation, NutriAsia, at Coca Cola, ay patuloy na sasabog na tila mga buto ng mustasa ang mga Pilipino sa mga lupaing 'di nila kilala o kabisado.

Tandaan na lamang natin na ang mga Pilipino ang parating talo sa sitwasyon na ito, gaano man magpasahod ang mga banyaga sa mga OCW. Dahil sa proseso ng migrasyon at global na diaspora ng mga Pilipino, ang nangyayari ay umaasa na lamang tayo sa mga 'cracks and fissures' na pinapayagang pasukin ng mga Pilipino sa ibang bansa.

Ang pigura ng migrant ay parating outsider, parati siyang nasa labas ng istruktura ng bansang nilikasan. Kaya talamak ang pang-aabuso at mas karaniwan pa sa sushi sa Japan ang iba't ibang uri ng diskriminasyon sa mga Pilipino, kahit saang panig pa ng mundo sila  mapadpad.

Panahon na sigurong bawiin natin ang ating bayan sa mga gahamang korporasyon, at ang unang hakbang sa pagbabagong kailangan nating lahat ay ang sama-samang pagtuligsa sa mga kontra-manggagawang mga polisiya at batas sa Pilipinas.

Tala:

SONA 2015: NUMBER OF OFWS LEAVING DAILY ROSE FROM 2,500 IN 2009 TO 6,092 IN 2015. Migrante International. https://migranteinternational.org/tag/overseas-filipino-workers/ 2 July 2018

|| Ang nasabing kolum ay para sa segment na "HAMIG" ni Marius Carlos, Jr. — isang kolumnista ng Katipunan ng Alternatibong Dibuho, Liriko, at Titik.

Kadlit Kolum: Koleksiyon ng mga KolumTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon