EDITORYAL: Posisyon ng Pampaaralang Pahayagan sa Malayang Panulatan

4.6K 4 0
                                    

Bilang mga representate ng katotohanan at kalayaang demokratiko, masasabi na isa ang pampaaralang pahayagan bilang tagapaghatid-impormasyon sa publiko. Hindi kamali-maliit ang bawat makinarya ng pahayagan lalo na't napananatili nito ang karapatan ng ilang bahagi ng mamamayan upang tumayo na "watchdogs" ng estado-kaya nga ba't tinaguriang "fourth estate" ang mga ito.

Maituturing din ang pakikilahok sa pampaaralang pahayagan bilang pagsasanay sa industriya ng pampublikong pamamahayag. Maliban sa nakapagbubukas ng kaisipan ng mga mag-aaral hindi lamang akademikal, bagkus pati na rin sa sistematikal at radikal na usapin; ang pampaaralang pahayagan ay nagbibigay-espasyo sa karapatang makapagsalita (speech) at makapagpahayag (expression)-na nakabatay sa Artikulo III, Seksyon 4¹ ng Konstitusyon.

Sa madaling sabi, malaki ang tungkulin ng katipunan ng editoryal ng bawat paaralan sa pagbabahagi ng impormasyon-mapa-paaralan man o mapa-lipunan.

Dahan-dahang lumalawak ang midya kung saan maaaring magbahagi ang mga pampaaralang mamahayag sa paglipas ng panahon. Kung noo'y nailalapat lamang ng mga koponan ng pahayagan ang kanilang karapatan upang makapaglimbag; ngayo'y maaari na rin silang mag-broadcast ng awdyo at/o biswal, maging ang pagbuo ng social media sites upang makapagpaskil online.

Ngunit tila paurong ang paglawig ng kaalamang politikal at naikakahon ang pampaaralang pamamahayag bilang isang dekorasyon-o mas masama, bilang isang taunang patimpalak na pagkatapos salihan ay maaari nang kalimutan.

Sa ilang nakapanayam ng mga kolumnista ng Kadlit Press, may ilang nakapagbahagi ng kanilang saloobin hinggil sa limitasyon ng pampaaralang pahayagan. May ilang nakapagbahagi na may ilang institusyong akademikal ang hindi nagbibigay-pansin upang mapunan ang pangangailangan sa paglilimbag ng pampaaralang pahayagan. Ilan sa kanila ay nakapagbahagi ng danas sa kakulangan ng suporta't pondo sa grupo-na posibleng dahilan sa mahina o kawalan ng interes sa pagpuno ng pahayagan.

Ayon kay Danilo Arao, propesor ng Unibersidad ng Pilipinas, ang kalayaan upang makapagpahayag ay nalilimitahan dahil sa kakulangan ng pondo-dahil na nga rin sa kakulangan ng kondisyon sa Section 5 (Funding of Student Publication) ng Republic Act No. 7079 o ang Campus Journalism Act of 1991. Nagkakaroon ng paglilimita o pagtanggal ng pondo ng administrasyon ng paaralan o ng gobyerno dahil walang matibay na kondisyon upang gawing mandatory o sapilitan ang alokasyon para sa campus paper fee. 'Optional' lamang ang paglalagak ng pampaaralang institusyon ng pondo-alinsunod sa nakasaad sa Campus Journalism Act na "maaaring kabilang ang alokasyon mula sa institusyon" ("may include the savings of the respective schools' appropriations").

Nakararanas din ng kakulangan sa sapat na kaalaman ang mismong institusyon-na siyang kapansin-pansin sa mga nagdaang press conference. Mula sa "NSPC Analysis of Winning Regions" ng Assortedge² noong Enero 2017; nagtala ng 19 porsiyento ang Rehiyon IV-A, na sinundan ng parehas na 17 porsiyento ng Rehiyon II at Rehiyon XII. Ang mga nasabing rehiyon na 'to ay kilala rin sa pagkakaroon ng matinding training, cliniquing, at iba pang suporta upang mas mahasa ang mga kalahok.

Bagama't nakapagtatampok ang mga patimpalak na ito ng mga natatanging mag-aaral at guro sa bawat rehiyon, tumataliwas ito sa pinakapundasyon ng isang pahayagan bilang "isang mapagpalayang espasyo ng karapatang makapagsalita't makapagpahayag." Ang mga patimpalak ay nagsisilbing-piring sa mga kalahok-na sa halip na pagtuunan ang pansin upang maging tagapagbigay-impormasyon ay mas natutuon sila upang makabuo ng mga natatanging mag-aaral at guro na gamay ang teknikalidad ng pagsusulat/pagkuha ng larawan/pagguhit/pagwawasto.

Ang mga limitasyong natatanggap sa pampaaralang pahayagan ay dahil na rin sa pagbabatay sa sariling pang-unawa ng mga akademikong institusyon sa Campus Journalism Act; at kung paano sa "pag-unawa't hindi pag-unawa" rito ay nagkakaroon ng iba't ibang interpretasyon na siyang nakaaapekto sa kondisyon ng pampaaralang pahayagan, hindi pa kasama rito ang pagkakaroon ng magkasalungat na konotasyon ng iba't ibang seksyon ng mismong panukala. Dagdag pa sa isinaad ni Arao, ang "pag-unawa't hindi pag-unawa" ang nagkokompromiso sa 'editorial independence' ng pampaaralang pahayagan.

Halimbawa na lamang nito ay ang ginagawang delegasyon ng itinalagang school paper adviser sa editorial board (Editorial Policies) na tumataliwas sa tungkulin at pribilehiyo ng mga estudyante (Student Publication, Student Journalist). Dahil sa hindi malinaw na kaganapan ng isang school paper adviser bilang "technical guidance", nagkakaroon ng limitasyon ang mga estudyante sa kanilang sulatin, maging sa alokasyon ng kanilang pondo. Laganap ang "kulturang minimal" o ang pang-iipit ng pansariling opinyon ng mga estudyante; dahil sa misrepresentasyon ng "technical guidance" bilang tagapagbawal sa halip na tagapagbigay-gabay sa teknikalidad (retorika, balarila, layout) ng pahayagan.

Limitado na ang pampaaralang pahayagan sa iba't ibang salik nito: sa mismong institusyon, mismong mga estudyante na bumubuo nito. Patuloy na bumubuktot at humihina ang kabuuan ng pahayagan; lalo na ngayon at hinahamak ang kredibilidad ng ikaapat na estado bilang "purveyors of truth".

Ngunit paano nga ba hahakbang sa espasyo ng pampublikong pamamahayag, kung sa mismong pampaaralang pahayagan ay nasusudlok at nalilimitahan?

Mas kinakailangang maging daynamiko ang bumubuo sa pampaaralang pahayagn. Dahil ang totoo, hindi nakukulong sa apat na sulok ng paaralan at unibersidad ang kaganapan ng isang mamamahayag. Bilang isang mamamahayag, kailangang mas magpursigi sa paghahatid ng tunay na impormasyon lalo na't napaliligiran ng nakalalasong impormasyon ang paligid-isang konotasyon ni Sheila Coronel hinggil sa kasalukuyang media landscape.

Responsibilidad na maituturing ang paghahayag ng katotohanan; lalo na't humihina ang kultura ng pagbabasa sa ngayon. At ito'y matutugunan kung magkakaroon ng paninimbang sa kung ano ang dapat at hindi dapat malaman, o ang "right to know and not to know."

Matindi ang pangangailangan ngayon ng katotohanan sa impormasyon-at ito ay maaaring mapasimulan kahit sa labas ng paaralan. Kaakibat ng pagtatalaga bilang bahagi ng pampaaralang pahayagan ay ang palagiang pagkakabit ng kritikal at radikal na pagsusuri hindi lamang sa paaralan, pati na rin sa usaping lipunan.

Kung ano ang timbang ng dapat alamin, ay siyang higit sa hindi. Ngayong pinaliligiran ng ingay ng ibang isyu upang takpan ang mas mahalagang impormasyon, nararapat lamang na bigyan ng espasyo ang sarili upang mas mahagip ang dapat mahagip, at mahamig ang dapat mahamig. Katulad nga ng sinabi ng manunulat na si Alexander Solzhenitsyn, "People have a right not to know, and it is a much more valuable one. The right not to have their divine souls stuffed with gossip, nonsense, vain talk. A person who works, who leads a meaningful life, doesn't need this excessive flow of information."

Mararapat lamang bigyan ang isang mamahayag ng pampublikong espasyo-para sa tama, totoo, at sinserong paghahayag para sa mambabasang mamamayan.

TALA:

Arao, Danilo. Press Freedom, Governance, and Culture of Impunity: The Alarming Case of the Philippines. Quezon City: University of the Philippines Press, 2016.

Arao, Danilo. Campus journalism and the shaping of public opinion. Asian Correspondent. Web. 29 June 2018. https://asiancorrespondent.com/2010/08/campus-journalism-and-the-shaping-of-public-opinion/#mH4MucTcsjr1tu81.97.

Coronel, Sheila. A 'Fraught' Time For Press Freedom In The Philippines. NPR. Web. 29 June 2018. https://www.npr.org/sections/parallels/2018/01/17/578610243/a-fraught-time-for-press-freedom-in-the-philippines.

Gavilan, Jodesz. Why campus journalism should go beyond classrooms. Rappler. Web. 29 June 2018. https://www.rappler.com/newsbreak/iq/194941-campus-journalism-role-philippines.

Makabenta, Yen. What press freedom means, what it does not. The Manila Times. Web. 29 June 2018. http://www.manilatimes.net/press-freedom-means-not/382310/.

Tomacruz, Sofia. Does the Campus Journalism Act protect press freedom?. Rappler. Web. 29 June 2018. https://www.rappler.com/newsbreak/iq/194899-campus-journalism-act-philippines-press-freedom.

[1] Nakasaad sa Article III, Section 4 ang sumusunod: "No law shall be passed abridging the freedom of speech, of expression, of the press, or the right of the people peaceably to assemble and petition the government for redress of grievances."

[2] Ang Assortedge ay isang Facebook page na binubuo ng mga campus journalist mula sa iba't ibang rehiyon. Ang NSPC Analysis ng Assortedge ay ipinaskil noong ika-27 ng Enero, 2017 sa naturang page. Nakabatay ang kanilang percentage sa inilatag na pointing system na nakadepende sa ordinal ranking (1st place = 7 points, 2nd place = 6 points...7th place = 1 point).

|| Ang pangunahing tudling ay ang kolektibong representasyon ng mga kolumnista mula sa Katipunan ng Alternatibong Dibuho, Liriko, at Titik. Ang kartun ay mula sa interpretasyon ni Maria Kristelle Jimenez hinggil sa limitasyon ng campus journalism.

Kadlit Kolum: Koleksiyon ng mga KolumTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon