Ang Amang Mapanupil: Si Duterte at ang Naratibo ng mga Pilipinong Paslit

194 2 0
                                    

Noong Mayo 2016, sa harap ng 300,000 na mga supporter sa Luneta, binitawan ng dati noong presidential candidate na si Rodrigo Duterte ang mga salitang "I'm ready to be your father... I promise you a comfortable life. Just give me time. Pag nagagalit ako sa mga 'to, papatayin ko talaga [ang mga] 'to. I am not your perfect option. But I am your last card. I promise you, I will get down and dirty just to get things done. I will get things done. I will do it for the Filipino people."

Mahigit dalawang taon na ang lumipas mula nang bitawan ng pangulo ang mga mala-propetikang pangako na ito sa kanyang miting de avance sa Luneta.

At sa loob ng dalawang taon, nagkaroon ng buong linaw na kristalisasyon ang Dutertismo, o ang grupo ng mga naratibo na siyang nagbibigay balat, dugo at buto sa pasismo sa bansa.

Ang konsepto ng "fatherland" na ginamit din ng Third Reich ni Adolf Hitler sa Germany, ang nakikitang dominanteng simbolisasyon at isa sa mga matibay na saligang kultural ng kasalukuyang administrasyon.

Ngunit ano nga ba ang mga implikasyon ng pagkakaroon ng 'father figure' sa estadong namamayani ang mahabang tradisyon at sakit - ang pasismo?

* * *

Ang isyu ng pagkakaroon ng "Ama" o patriarch ng isang bansa ay klasikal na paksa sa mga akademya sa Europa, dahil sa Europa nagmula ang konsepto ng monarkiya, parliyamento, at sa mga sumunod na ebolusyon ng gobyerno, ang tinatawag na demokrasya, kung saan ang representante ng taumbayan ang binibigyan ng kapangyarihan sa mga aparato ng estado.

Ang ugat ng usapin sa kaso ng Dutertismo at sa gobyernong namamayani sa ngayon ay kailangan nga ba ng bayan ng isang marahas na ama, upang yumabong at makapagpatuloy ito?

At kung magpapatuloy nga sa ganitong paraan ng pamumuno, saan nga ba tutungo ang ating nasyon?

Sa puntong ito, mainam siguro nating tandaan na ang nasyon ay hiwalay sa estado. Ang gobyerno ay hindi bayan. Ang klasikal na teorisasyon ng Pranses na si Louis Althusser ay ang estado ay ang makinaryang ipinapatong sa taumbayan, sa nasyon. Hinding-hindi magiging kapantay ng estado ang nasyon.

Ang bansa, bagamat pormalisado ito bilang national entity, ay pumapatungkol lamang sa mga taong nakapaloob sa teritoryo ngunit hindi kailanman magiging equivalent ang dalawang panig sa pormula.

Sa mahabang kasaysayan ng mga bansang pasista at diktador ang mga naging pinuno, iisa ang naging landas nilang lahat - na sa pamamayani ng isang marahas na Ama sa isang nasyunal na populasyon, na ginawang tila infantile o mga paslit na walang muwang at nalalaman, nauuwi lamang ang kanilang pagpapagal sa wala.

Ang pinakamalinaw na sigurong halimbawa ang nangyari sa Germany, sa panahon ni Hitler kung saan ang bansa ay isinailalim sa 'staat nation' o One Germany, at ito'y nangyari hindi lang dahil may politikal na makinarya si Hitler at ang Socialist Party, kundi dahil mayroong partisipasyon ang mga Germans sa sistematikong eksterminasyon ng buhay ng mga Jews. Ang tinatawag na anti-Semitic sentiment sa Germany, na nag-exist bago pa man din naging Fuhrer si Hitler, ang nagbigay ng motibasyon at dahilan upang mangyari ang Holocaust.

Ang buhay ng tao sa ilalim ng isang gobyerno, ayon sa Italyanong manunulat na si Giorgio Agamben, ay maaaring suriin gamit ang mga historico-politico-legal na mga kategorya na binubuo at ipinapataw ng gobyerno o estado sa mga tao.

Sa sitwasyon sa Pilipinas halimbawa na lamang, nagkakaroon ng mas mataas na pagpapahalaga ang estado sa mga kategoryang "adik" at "tambay," at ang pagpapahalagang ito ay nagkakaron ng pangil sapagkat ginagamit kaagad ang batas at ang aparato ng pulisya upang supilin ang mga taong ipinapasok sa mga kategoryang ito.

* * *

Noong panahon ng Martial Law kung saan namayagpag si Ferdinand Marcos at ang kanyang mga crony, maraming iba't ibang kategorya rin ang ginamit ng mga kasundaluhan at kapulisan upang magkaroon ng legalidad ang ginagawang panunupil sa taumbayan. Bukod sa 'tambay' at 'adik,' ang mga aktibista noon na lumalaban sa tumitinding pasismo ni Marcos ay hinuhuli, tinotortyur at pinapatay din, na walang kalaban-laban. At ginagawa ito ng gobyerno sapagkat kailangang gumawa ng paraan upang manatili ang mga kondisyong ideyal para sa produksyiong pang-ekonomiko isinusulong.

Samakatuwid, ang Pilipinas ay isinasailalim ng gobyerno sa isang superistruktural na proyekto kung saan ang ating relasyon o pakikitungo sa isa't isa, at ang ating kolektibong pamumuhay bilang mga mamamayan ay binabago at kinokondisyon, upang umayon sa mga kagustuhan ng estado at ang mga tinatawag na allies nito - ang mga burgesya komprador, mga uring maylupa, at mga accomplice ng mga uring panlipunan na ito.

Upang gawing kaaya-aya ang proyekto ng gobyerno na pagpapanatili ng mga kondisyong naaangkop lamang sa produksiyong umaayon at pabor sa mga uring namumuno tulad ng mga Sy at Ayala, ay binibigyang diin nito ang pagbibigay ng pabuya sa mga mamamayana at grupong pabor sa kasalakuyang porma nito.

Halimbawa na lamang ang paggawad ng parangal sa Duterte Youth, na isang grupo ng mga kalalakihan na alyado, na nangako ng suporta sa pangulo.

Ayon sa Italyanong Marxist na si Antonio Gramsci, "The 'prize giving' activities of individuals and groups, etc., must be incorporated in the conception of the law; praiseworthy and meritorious activity is rewarded, just as criminal actions are punished (and punished in original ways, bringing in "public opinion" as a form of sanction."

Ang tila 'radikal' na pamamaraan ng pangulo at ng administrasyon ay nakaugat pa rin sa imahen ng Mapanupil na Ama, kung saan ang sambayanan ay ginawa na lamang na paslit na dapat bigyan ng kendi kapag may ginawang mabuti, at sasaktan naman kapag hindi umaayon sa kagustuhan ng Ama ang porma at ginagawa.

Ngunit lagi at lagi, may mga crack o basag sa naratibo. Halimbawa na lamang dito ang pagbibitaw ng pangulo na mas gusto niya ang kalalakihan dahil siya ay palautos. Samakatuwid, hindi nakikita ni Duterte ang mga kababaihan bilang kaalyado ng umiiral na mga proyektong kultural at politikal. Marahil dahil karamihan dito'y nakaugat sa karahasan at pagkiling sa mga alyado lamang ng gobyerno, at hindi sa bayan mismo.

May mga nagtatanong - bakit ang simbahan ay madalas birahin ng pangulo? Ang ginagawang undermining ng pangulo sa simbahan ay bahagi pa rin ng proyekto, sapagkat ang simbahan ay masasabing isa ring uri ng estado na nanunulay sa pagitan ng estadong may mga represibong aparato at ang taumbayan. Na kailangang patuloy ang pag-undermine sa simbahang Romano Katolika, sapagkat may sarili itong impluwensiya sa taumbayan.

TALA:

Gramsci, Antonio. "State and Civil Society" in The Anthropology of the State: A Reader, A. Sharma & A. Gupta, eds. UK: Blackwell Publishing Ltd. 2006

"Duterte to Filipinos: I am ready to be PH father" Inquirer.Net Philippine Daily Inquirer. Http://newsinfo.inquirer.net/783935/duterte-to-filipinos-i-am-ready-to-be-ph-father/amp May 2016, 24 June 2018

"Duterte: I did not order 'tambay' arrests" Inquirer.Net Philippine Daily Inquirer. http://newsinfo.inquirer.net/1003377/anti-tambay-campaign-rodrigo-duterte 22 June 2018, 24 June 2018

|| Ang nasabing kolum ay para sa segment na "HAMIG" ni Marius Carlos, Jr. - isang kolumnista ng Katipunan ng Alternatibong Dibuho, Liriko, at Titik.

Kadlit Kolum: Koleksiyon ng mga KolumTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon