Alegorya ng Kara-Krus: Paghahanap ng "Truth-Giver" sa Siglo ng Panonokhang

309 4 0
                                    

Nahilig sa pagsusugal ang aking mga kapatid nang ito'y ipasa ng aking tiyuhin. Nariyan ang maglaro sila ng pusuy, tong-its, at maging kara-krus. Sa aking mga nabanggit, paborito nila ang paglalaro ng kara-krus. Tuwing sasapit ang Sabado't tapos na sa kaniya-kaniyang gawain, maririnig ang kalansing ng nag-iikutang barya sa tapat ng tindahan ni Aling Elma-hudyat ng pagsisimula sa mahaba-habang prusisyon ng pagkakara-krus.

Hindi naiiba ang kara-krus sa konsepto ng toss coin, maliban nga lamang kung magkakaroon ng pustahan. Madalas, ang aking kuya ang nagiging bangka laban sa aking bunsong kapatid at mga kapitbahay. Nagsisimula ang laro sa oras na ilapag na ang kani-kaniyang pusta, at nagtatapos sa oras na maubos ang kani-kaniyang laman sa bulsa. Minsan tumatabla, madalas ang dalawang "kara" o dalawang "krus".

Sa ganitong pagkakataon, gumagawa ng paraan ang bangka upang makaahon sa pagkalugi. Dahil si kuya ang pinakamatanda sa kanilang tropa-na siya ring 'bosing' nila-maaaring ipagbawal ni kuya na ipakita kung ano ang resulta ng mga baryang tinutop sa kaniyang palad. Sa ganitong pagkakataon din naman, nagagawa ng kapatid ko na palabasin na siya: bilang bangka-ang nanalo. Ang nakaloloko, walang sinoman sa kaniyang mga kalaro ang umaapela. Buong pagtitiwala nilang tatanggapin ang inilalabas ni kuya sa resulta.

Kaya madalas, nanalo ang aking nakatatandang kapatid.

Hindi ko masabi na hindi nanloko si kuya-kaya niyang palitawin na ang kaniyang hatol sa nakatagong barya ay patas at totoo. Kung bakit nagkaganito; siguro ay pinagkakatiwalaan si kuya't mali ang hinuha ko, o sadyang may nakaambang na respeto sa kaniya bilang nakatatandang lalaki sa kanilang magtotropa-na animo'y ang kaniyang mga nakalaro ay mga nagsiluhurang tupa at siya ang dakilang pastol.

Ano't ano pa man, mananatiling nasa kamay ng bangka-kamay na inilagak at hinayaan lamang sa posisyon-ang kahihinatnan ng laro.

I. ALEGORYA NG KARA-KRUS: LARO NG KATOTOHANAN

Mula sa isang interbyu ("The Ethics of the concern of self as a practice of Freedom") kay Foucault noong 1984, inilahad niya ang relasyon ng paksa at ng "games of truth" sa puwersado (coercive) na moda tulad ng pagkabilanggo; at sa teoretikal-sayantipiko (theoretical-scientific) na moda tulad ng pag-aanalisa sa yaman, kaalaman, at wika. Ayon kay Foucault, ang games of truth ay hindi isang coercive practice, bagkus isang ascetic practice of self-formation-isang aplikasyon ng sarili para sa sarili upang mabuo at/o mabago ang sarili sa isang tiyak na katayuan o moda.

Ang anyo ng pagsasabi ng totoo o "truth-telling" ay kilala rin sa katawagan na parrhesia. Pinakawalan natin ang dalumat ng nakalap na katotohanan upang makawala sa hawlang binuo ng represyon-kung saan ang 'parrhesia' ay maituturing na kasangkapan (tool) at kaalaman (technology) ng nasusupil na naghiwalay, nagbilanggo, at nagkunlong sa mekanismo ng panunupil.

Maihahalintulad ito sa kondisyon ng manunupil at nasusupil na isinalarawan ni Paulo Freire sa "Pedagogy of the Oppressed". Alinsunod sa hinuha ni Freire: ang nasusupil, na nakondisyon sa imahen at tagubilin ng manunupil, ay naliligiran ng takot sa paglaya (47, 51). Dahil para sa kanila, ang paglaya ay pagtalikdan sa mga tagubilin-at ang pagbuo ng kasarinlan ay pagpapataw sa sarili ng responsibilidad. Sa madaling sabi, ang tao ay likas na palaasa't naka-depende. Hindi nila hahayaan ang sarili na mahirapan kung kaya't ipasasailalim nila ang sarili sa iba-para sa inaakalang pangkalahatang kapakanan.

At dito, napagsasamantalahan ng manunupil ang kahinaan ng kinasasakupan-sa pamamagitan ng pag-iibayo ng takot. Takot ang dahilan kung bakit hinayaan na lamang nila ang bangka na manalo, takot ang dahilan kung bakit sa pandadahas ay napatitikom ang mga bibig, takot ang dahilan kung bakit may ibang pinili na bumaligtad at pumanig na lamang sa manunupil, takot ang dahilan kung bakit nanatiling dahop ang bansa sa kaalamang politikal-at ang takot ang maituturing ko bilang pinakamatinding kaaway sa pakikibaka tungo sa pambansang kamalayan, kalayaan, at kasarinlan.

Kadlit Kolum: Koleksiyon ng mga KolumTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon