"Bago maniwala mag-isip-isip ka muna, marami ang namamatay sa maling akala." -Eraserheads
Noon pa man, napakahalaga na ng pagbabasa sa ating pagkatuto. Ito ang ugat ng karunungan. Sa pagbabasa nalilinang at nahahasa ang galing at pag-iisip ng tao. Dito nagsisimula ang lahat. Mula sa pagtukoy ng mga numero na ginagamit bilang pamilang, hanggang sa pagbibigay kahulugan sa mga salita, sa pagbabasa natin nakuha.
Lalo pa ngayon na pinadali ito dahil sa mga naglipana na reading app tulad ng Wattpad at iba't ibang pdf files ng mga librong nabibili lamang sa mga bookstores.
Ang pagbabasa na siguro ang masasabi natin na isa sa mga kuwalipikasyon ng pagiging tao.Sa pambansang pagsusuri ng National Book Development Board sa mga Pilipinong may edad 18 taong gulang pataas noong 2003, lumalabas na 94% sa atin ang may kakayahang magbasa ng mga simpleng salita, 90% ang nakakapagbasa ng mga libro o modules at 68% ang nakakapagbasa na ng mga librong walang kinalaman sa eskwelahan.
Lumalabas na literado ang mga Pinoy noong 2003-paano na kaya makalipas ang 15 taon?
Sa panahon ngayon, napakadali nang mauto ng mga Pilipino. Mula sa mga gamot na nakakagamot ng cancer kuno, pang-nth time na kamatayan ni Mr. Bean, pati sa mga balita na may mali-maling headline, nauuto tayo. Ang madaling pagkauto ng mga Pilipino ay dahil siguro sa tamad na pagbabasa at umintindi.
Ang fake news na siguro ang isa sa mga solid na ebidensya ng madaling pagkauto ng Pinoy. Ito ay isang estilo na kung saan ay kinukuha ng "host" ang isang larawan mula sa isang legit news at saka lalapatan ng balita na may mali-maling impormasyon. Karaniwang ginagawa na nakakaintriga ang headline nito at kontrobersiyal upang maengganyo basahin ng mga tao ito. Ang mga "viewers" naman ay magre-react o mati-trigger lalo na kung kinaayawan nila ang tao o personalidad na dawit dito, bigla silang magbabato ng mga "opinyon" na hango lang din naman sa nabasa o narinig nila. Sa madaling salita, ito ay pinasosyal na tsismis-o kaya uri ng tsimis, tsismax, chukchak, at kung ano pang tawag.
Para sa mga gumagawa nito, ito'y isang uri ng simbolismo na maituturing. Kahit na sila mismo ay hindi alam ang totoong gamit ng salitang iyon.
May tatlong dahilan kung bakit madaling mauto ang mga tao rito. Una, umaasa na sa mga nakikita sa internet, walang paki kung totoo o hindi, walang research na ginagawa at tamad bumili ng diyaryo. Ikalawa, madaling mabihag sa headline, at hindi na babasahin ang laman ng balitang ito. At panghuli, illiterate. Walang sapat na source upang lumakap ng impormasyon. Dumedepende sa nababalitaan.
Napakalawak na ng sakop ng internet. Pumapantay na ito sa sakop ng pagbabasa. Maraming mga babasahin ang makikita sa social media, mabuting maglaan ng oras upang saliksikin ang nilalaman nito. Dahil sabi nga nila, uso ang pagihing tanga. At ikaw bilang Pilipino na may sapat na binabayarang buwis sa Pilipinas, karapatan mong malaman ang lahat. Huwag magpasakop sa kamangmangan. Ibahagi din ang nalalaman na totoo sa iba, nang sa gayon ay mabawasan ang kamangmangan. Hindi man biglaan, ngunit madadaan sa pakurot-kurot na pagbabawas.
|| Ang nasabing kolumn ay para sa "TALAARAWJUAN" ni John Kenneth Bea-isa sa mga kolumnista ng Katipunan ng Alternatibong Dibuho, Liriko, at Titik.
BINABASA MO ANG
Kadlit Kolum: Koleksiyon ng mga Kolum
Non-FictionKoleksiyon ng mga kolum mula sa iba't ibang kolumnista ng Katipunan ng Alternatibong Dibuho, Liriko, at Titik.