Sumapit na naman ang buwan ng Hunyo, kung saan pinagdidiriwang ang buwan ng LGBT pride sa buong mundo.
Ang Pride Month ay nakaugat sa Stonewall Riots sa Estados Unidos, na nangyari noong ika-28 ng Hunyo, 1969. Naganap ito sa Stonewall Inn sa siyudad ng New York dahil sa police brutality na ipinamalas tuwing nire-raid ang mga gay bars. Noong 1969, nakasalig ang kapulisan ng New York sa sistemang legal ng state, at maraming batas na tahasang kontra-gay noong panahong ito.
Sa Pilipinas, ginanap ang kauna-unahang pride march noong 1996 na inorganisa ng ReachOut Foundation, isang international reproductive health service organization. Ayon sa artikulo ni Philip Tubeza noong 2013, ang Pilipinas ay kasama sa mga pinaka-friendly na bansa pagdating sa LGBT; ang datos ay mula sa Pew Research Center sa Estados Unidos noong 2002.
Ngunit kahit ganito ang mga talaga, marami pa ring hinaharap ang mga Pilipinong LGBT tulad ng lantarang diskriminasyon, ang kondisyong heteronormative ng mayorya, mga isyung moral, standardization ng identidad, at mga miskonsepsiyon ukol sa ating mga kapatid na LGBT.
KULTURANG HETERONORMATIVE SA PILIPINAS
Ang heteronormativity ay isang paniniwala na ang natural na sex ng isang tao ang primary determinant ng sexual orientation. Halimbawa, kung ika'y ipinanganak na lalaki, kahit anong mangyari'y ikaw ay isang lalaki, at sa babae ka lamang dapat magkagusto.
Ang sintomas ng heteronormative upbringing sa mga Pilipino ay madaling makita sa larangan ng kultura. Halimbawa na lamang ay ang mga kantang tulad ng "This Guys In Love With You, Pare" ng Parokya ni Edgar kung saan pinapakita na ang isang bakla ay tuluyang nahulog sa kanyang kaklaseng straight, at ginagawa niya ang lahat ng paraan para lang makasama ang kaklase niyang ito, kahit imposible na maging sila dahil nga heterosexual nga ito't at di ito mahuhulog sa kapareho nitong kasarian.
Ang kantang "Titibo-tibo" ni Moira dela Torre naman ay itinuturo sa madla na phase lang ang pagiging tibo o tomboy, at mawawala ang pagkatibo kapag ito'y nakahanap ng isang lalaking magpapatibok sa kanyang puso.
Ang isa sa mga mabigat na suliranin ng LGBT community sa bansa ay hindi pa gaanong naituturo sa mga klasrum ang konsepto ng SOGIE o sexual orientation, gender indentity and expression. Ang SOGIE paradigm ay tumutulong sa paghihiwalay ng kasarian, kung kanino naa-attract, at kung ano ang iyong galaw at porma.
Nakasasama ang kondisyon ng heteronormativity sa kawsa ng gender equality at LGBT rights dahil nire-recognize lamang nito ang mga straight na babae at lalaki, at wala nang iba. Inilalabas nito sa naratibo ng 'pagiging normal' maging ang mga taong intersexual, dahil iba ang genetics nila sa aktuwal nilang kaisipan, damdamin at pamumuhay.
Kailangan tahasang tuligsain ang ganitong paniniwala dahil iba't iba tayo ng SOGIE. May babae na kayang ma-attract sa kaparehong kasarian, may lalaki na babae talaga ang kanyang tingin at pakiramdam sa sarili noon pa man, at may mga tao rin na iba ang tintawag na gender identity sa sexual orientation.
Kailangan nating kilalanin at tanggapin ang ganitong mga bagong konsepto, kahit may mga tao sa Pilipinas na taliwas sa paniniwala dahil na rin sa kultura na rin ng bansa. Pero, kailangan nating ipaintindi nang mabuti sa mga tao ang SOGIE para mas lumawak pa ang kanilang pananaw sa konsepto ng gender, identity at sex.
MORALITY ISSUES
Maraming taliwas sa mga LGBT dahil naniwala pa rin ang karamihan ng Pilipino na ang lalaki ay para sa babae lamang, dahil na rin sa turo ng iba't ibang simbahan (lalong lalo na ang simbahang Romano Katolika) Ang turo ay ayos lang na maging parte ng LGBT basta huwag ka lang makipag-relasyon sa kaparehang kasarian.
May mga fundamentalista rin na ipinipilit na lifestyle lamang at phase ang pagging LGBT at mawawala lamang ito pag isinuko mo ang iyong sarili sa Diyos.
Pero may mga simbahan din naman na pro-LGBT kung saan suportado sila at naniniwala na hindi pinili ng isang tao na maging LGBT at nagkakasal rin sila katulad ng MCC at ECOG church.
Bilang mamamayan, kailangan nating ipaintindi sa mga tao na hindi pinipili ng isang tao na maging LGBT dahil kung pinili nga nila iyon, parang sinabi na kahit ang heterosexual ay pwedeng mahulog sa kapwa niya at kapag ayaw na niya ay mawawalan na ang attraction nang tuluyan.
QUEER STANDARDIZATION
Isyu rin sa LGBT ang standardisasyon o PAGKAKAHON, tulad na lamang ng mga gay pageants na karaniwang ginagawang katatawanan ng madla.
Nauuso rin sa mga kakalalakihan na attracted sa kanilang kaparehong kasarian ang "no to effem and no to chubs", tomboy na naka-mio at marami pang iba. Kailangan nating i-empower ang bawat LGBT sa iba't ibang paraan, hindi 'yong ginagawang katatawanan na lamang sila't sila'y nalalayo sa nakasanayan ng mayorya.
Kung mababago natin ang daloy ng kasaysayan ng mga LGBT sa Pilipinas, makaaasa ang mga taong bababa maging ang mga kaso ng diskriminasyon at bullying sa buong bansa.
MISREPRESENTATION NG LGBT
Talamak din ang misrepresentasyon ng LGBT sa Pilipinas - tulad na lang ng bakla na nahuhulog sa straight na kaibigan, tomboy na laging nakapanglalaki lang, pinapatay lang ang mga bakla sa mga horror movies, at marami pang iba.
Naging uso rin na kapag ang lalaking attracted sa kapwa lalaki ay laging malamya o kaya tago ang pagiging malamya. Hindi lahat ay ganito dahil kailangan nating i-consider ang SOGIE dahil 'di naman lahat ng bakla ay parang babae kung kumilos.
Minsan, pinapakita rin sa midya na ang bakla ay hayok sa init ng laman na malayo rin sa katotohanan. Ang mga bakla, tulad ng mga straight na lalaki at babae, ay may iba't ibang preferences o kagustuhan pagdating sa pakikipagtalik.
Kahit sinasabi ng iba na mas nagiging empowered na ang mga LGBT ngayon, marami pa ring negatibong danas ang ating mga kapatid sa komunidad.
Kailangan nating intindihin ang kanilang mga karanasan at pagsubok sa buhay at intindihin pa lalo ang kanilang pagkatao para mas lumawak ang ating isipan na hindi lang naka-focus heterosekswal na lalaki at babae lamang ang mayroon. Sana'y dumating ang araw na maging ganap na ang pagtanggap sa mga LGBT, at hindi lamang tolerated dahil tao rin ang mga LGBT, at sila'y karapat dapat lang na igalang at tratuhing kapantay ng kanilang kapwa tao, ano pa man ang oryentasyon at gender ng mga ito.
|| Ang pangunahing tudling ay ang kolektibong representasyon ng mga kolumnista mula sa Katipunan ng Alternatibong Dibuho, Liriko, at Titik.
BINABASA MO ANG
Kadlit Kolum: Koleksiyon ng mga Kolum
Não FicçãoKoleksiyon ng mga kolum mula sa iba't ibang kolumnista ng Katipunan ng Alternatibong Dibuho, Liriko, at Titik.