Kabanata 1: Ang Gubat

5.4K 36 3
                                    

1   Sa isang madilim, gubat na mapanglaw,
dawag na matinik ay walang pagitan,
halos naghihirap ang kay Pebong silang
dumalaw sa loob na lubhang masukal.

2   Malalaking kahoy ang inihahandog,
pawang dalamhati, kahapisa't lungkot;
huni pa ng ibon ay nakalulunos
sa lalong matimpi't nagsasayang loob.

3   Tanang mga baging na namimilipit
sa sanga ng kahoy ay balot ng tinik;
may bulo ang bunga't nagbibigay-sakit
sa kanino pa mang sumagi't malapit.

4   Ang mga bulaklak ng nagtayong kahoy,
pinakapamuting nag-ungos sa dahon;
pawang kulay-luksa at nakikiayon
sa nakaliliyong masangsang na amoy.

5   Karamiha'y Sipres at Higerang kutad
na ang lihim niyon ay nakakasindak;
ito'y walang bunga't daho'y malalapad
na nakadidilim sa loob ng gubat.

6   Ang mga hayop pang dito'y gumagala,
karamiha'y S'yerpe't Basilisko'y madla
Hayena't Tigreng ganid na nagsisila
ng buhay ng tao't daiging kapuwa.

7   Ito'y gubat manding sa pinto'y malapit
ng Avernong Reyno ni Plutong masungit;
ang nasasakupang lupa'y dinidilig
ng Ilog Kositong kamandag ang tubig.

• Sa labas ng Reynong Albanya, may isang gubat na madilim at masukal, dahil sa malalaking punongkahoy at makapal, na dawag ng araw ay di makasikat, kaya ang kapanglawan ay laganap sa loob ng gubat, ang mga hayop na dito ay gumagala, karamiha’y sierpe, hyena, leon at tigre. Sa gitna nitong mapanglaw na gubat may isang punong higera na ang dahon ay malalapad, dito nakagapos ang isang binata na pinag-uusig ng masamang palad. Sa kabila ng kanyang kalungkutan mababakas pa rin ang kanyang kagandahan kaya masasabing isa siyang tunay na Adonis.

Florante at Laura ni Francisco BaltazarTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon