Kabanata 17: Kataksilan ni Adolfo

1.5K 9 0
                                    

215   Araw ay natakbo at ang kabataan
sa pag-aaral ko sa aki'y nananaw;
bait ko'y luminis at ang karunungan,
ang bulag kong isip ay kusang dinamtan.

216   Natarok ang lalim ng pilosopiya,
aking natutuhan ang astrolohiya,
natantong malinis ang kataka-taka
at mayamang dunong ng matematika.

217   Sa loob ng anim na taong lumakad
itong tatlong dunong ay aking nayakap;
tanang kasama ko'y nagsisipanggilas,
sampu ng maestrong tuwa'y dili hamak.

218   Ang pagkatuto ko'y anaki himala,
sampu ni Adolfo'y naiwan sa gitna,
maingay na lamang tagapamalita,
sa buong Atenas ay gumagala.

219   Kaya nga at ako ang naging hantungan,
tungo ng salita ng tao sa bayan;
mula bata't hanggang katanda-tandaan
ay nakatalastas ng aking pangalan.

220   Dito na nahubdan ang kababayan ko
ng hiram na bait na binalat-kayo;
kahinhinang-asal na pakitang-tao,
nakilalang hindi bukal kay Adolfo.

221   Natanto ng lahat na kaya nanamit
niyong kabaitang 'di taglay sa dibdib
ay nang maragdag pa sa talas ng isip
itong kapurihang mahinhi't mabait.

222   Ang lihim na ito'y kaya nahalata,
dumating ang araw ng pagkakatuwa;
kaming nag-aaral baguntao't bata,
sari-saring laro ang minunakala.

223   Minulan ang galing sa pagsasayawan,
ayon sa musika't awit na saliwan;
larong buno't arnis na kinakitaan
ng kani-kaniyang liksi't karunungan.

224   Saka inilabas namin ang trahedya
ng dalawang apo ng tunay na ina,
at mga kapatid ng nag-iwing amang
anak at esposo ng Reyna Yokasta.

225   Papel ni Eteokles ang naging tungkol ko
at si Polinise nama'y kay Adolfo;
isang kaesk'wela'y siyang nag-Adrasto
at ang nagYokasta'y bunying si Menandro.

226   Ano'y nang mumulang ang unang batalya
ay ang aming papel ang magkababaka,
nang dapat sabihing ako'y kumilala't
siya'y kapatid kong kay Edipong bunga.

227   Nanlisik ang mata't ang ipinagsaysay
ay hindi ang ditsong nasa-orihinal,
kundi ang winika'y Ikaw na umagaw
ng kapurihan ko'y dapat kang mamatay!

228   Hinandulong ako, sabay nitong wika,
ng patalim niyang pamatay na handa,
dangan nakaiwas ako'y nabulagta
sa tatlong mariing binitiwang taga.

229   Ako'y napahiga sa inilag-ilag,
sa sinabayang bigla ng tagang malakas;
(salamat sa iyo, o Menandrong liyag,
kundi sa liksi mo, buhay ko'y nautas!)

230   Nasalag ang dagok na kamatayan ko,
lumipad ang tangang kalis ni Adolfo;
siyang pagpagitna ng aming maestro
at nawalandiwa kasama't katoto.

231   Anupa't natapos yaong katuwaan
sa pangingilabot at kapighatian;
si Adolfo'y 'di naman nabukasan
noon di'y nahatid sa Albanyang bayan.

• Sa loob ng anim na taong pagkakapag-aral ni Florante ay nahigitan niya si Adolfo kaya’t lumabas ang tunay na pagkatao nito. Lalo itong nahalata nang minsang nagkaroon sila ng dula sa palatuntunan ng kanilang eskwela. Ito’y tungkol sa magkakapatid na sinaEtiocles (ginanap ni Florante) at Polinese (bahagi ni Adolfo) na naglaban ng espadahan upang mapasiyahan kung sino sa dalawang prinsipeng mga anak ni Reyna Yocasta (papel ni Menandro) ang papalit sa namatay nilang ama na si Haring Edipo. Sa kunwaring ispadahan na ito, talagang matitinding taga ang hinandulong kay Florante ng may masamang balak na si Adolfo. Mabuti na lamang at sa kaliksihan ni Menandro ay napailandang ang espada ni Adolfo at ang kataksilan niya’y nabigo. Kinabukasan ay lumisan sa Atenas at umuwi sa Albanya ang napahiyang si Adolfo. May hangad palaitong maagaw si Laura kay Florante na siyang iniibig ng dalaga upang maging hari kung maging reyna na si Prinsesa Laura, sakaling yumao o mamatay si Haring Linseo.

Florante at Laura ni Francisco BaltazarTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon