344 Sa pagkabilanggong labingwalong araw,
naiinip ako sa 'di pagkamatay;
gabi nang hangui't ipinagtuluyan
sa gubat na ito'y kusang ipinugal.345 Bilang makalawang maligid ni Pebo
ang sandaigdigan sa pagkagapos ko,
nang inaakalang nasa ibang mundo,
imulat ang mata'y nasa kandunganmo.346 Ito ang buhay kong silu-silong sakit
at hindi pa tanto ang huling sasapit...
Mahahabang salita ay dito napatid,
ang gerero naman ang siyang nagsulit.347 Ang pagkabuhay mo'y yamang natalastas,
tantuin mo naman ngayon ang kausap;
ako ang Aladin sa Persyang Siyudad,
anak ng balitang Sultang Ali-Adab.348 Sa pagbatis niring mapait na luha,
ang pagkabuhay ko'y sukat mahalata ...
Ay, ama ko! Bakit? Ay Fleridang tuwa!
katoto'y bayaang ako'y mapayapa.349 Magsama na kitang sa luha'y maagnas,
yamang pinag-isa ng masamang-palad;
sa gubat na ito'y hintayin ang wakas
ng pagkabuhay tang nalipos ng hirap.350 Hindi na inulit ni Florante naman,
luha ni Aladi'y pinaibayuhan;
tumahan sa gubat na may limang buwan,
nang isang umaga'y naganyak maglibang.351 Kanilang nilibot ang loob ng gubat,
kahit bahagya na makakitang-landas;
dito sinalita ni Alading hayag
ang kanyang buhay na kahabag-habag.352 Aniya'y Sa madlang gerang dinaanan,
'di ako naghirap ng pakikilaban
para nang bakahin ang pusong matibay
ni Fleridang irog na tinatangisan.353 Kung nakikiumpok sa madlang prinsesa'y
si Diana'y sa gitna ng maraming nimpa,
kaya at kung tawagin sa Reynong Persya,
isa si Houries ng mga propeta.354 Anupa't pinalad na aking dinaig
sa katiyagaan ang pusong matipid;
at pagkakaisa ng dalawang dibdib,
pagsinta ni ama'y nabuyong gumiit.355 Dito na minulan ang pagpapahirap
sa aki't ninasang buhay ko'y mautas;
at nang magbiktorya sa Albanyang S'yudad,
pagdating sa Persya ay binilanggo agad.356 At ang ibinuhat na kasalanan ko,
'di pa utos niya'y iniwan ang hukbo;
at nang mabalitang reyno'y nabawi mo,
noo'y hinatulang pugutan ng ulo.357 Nang gabing malungkot na kinabukasan,
wakas na tadhanang ako'y pupugutan,
sa karsel ay nasok ang isang heneral,
dala ang patawad na lalong pamatay.358 Tadhanang mahigpit ay malispagdaka,
huwag mabukasan sa Reyno ng Pers’ya;
sa munting pagsuway buhay ko ang dusa
sinunod ko't utos ng hari ko't ama.359 Ngunit sa puso ko'y matamis pang lubha
na tuloy nakitil ang hiningang aba,
huwag ang may buhay na nagugunita
iba ang may kandong sa langit ko't tuwa.360 May anim na ngayong taong walang likat
nang nilibut-libot na kasama'y hirap,
napatigil dito't sila'y may namatyag,
nagsasalitaan sa loob ng gubat.• Nabilanggo si Florante ng labingwalong araw at saka dinala siya sa nakalulunos na gubat at iginapos sa punong kinatagpuan sa kanya ng Morong si Aladin. (Dito nagwakas ang salaysay ni Florante.)
Pagkatapos ni Florante sa kanyang kuwento ay si Aladin naman ang nagsalaysay ng kaniyang naging karanasan sa buhay. Anak siya ni SultanAli-adab ng Persya, at siya ang namuno sa hukbong Persyano na kumupkop sa Albanya. Ngunit pagkatapos ay nilisan niya ang bayan ni Florante upang umuwi sa kaharian ng kanyang ama.
Ipinakulong siya sa karsel ng palasyo nang malamang siya’y lumisan sa kanyang hukbo. Nang mabalitaan sa Persya na nailigtas ni Florante ang Albanya, ay isinisi ito sa kanyang pagkakalisan sa kanyang hukbo, kaya’t hinatulan siyang papugutan ng ulo ng kanyang sariling ama. Nguni’t isang heneral ang nagdala ng patawad kay Aladin pero may pasubaling siya’y umalis na sa Persya kung hindi siya susunod sa bagong utos na ito, buhay niya ang magiging kapalit.
Mabigat ang loob na tumupad si Aladin sa pagpapalisang ipinarusa sa kanya. May anim na taon na siyang naglalagalag sa iba’t-ibang lugar. Hanggang sa masapit ang gubat na kinasasapitan ni Florante at siya’y iniligtas sa dalawang leon na sa kanya’y sasagpang.
Sa kanilang paglalakad papalabas ng gubat ay may nadinig silang dalawang tinig ng babaeng nagsasalaysay.
BINABASA MO ANG
Florante at Laura ni Francisco Baltazar
Ficção HistóricaFlorante at Laura ni Francisco Baltazar (Complete Modern Tagalog Version)