Kabanata 30: Masayang Wakas

1.5K 9 0
                                    

393   Di pa napapatid itong pangungusap,
si Menandro'y siyang pagdating sa gubat;
dala'y ehersito't si Adolfo'y hanap,
nakita'y katoto ... laking tuwa't galak!

394   Yaong ehersitong mula sa Etolya,
ang unang nawika sa gayong ligaya:
Biba si Floranteng Hari sa Albanya!
Mabuhay, mabuhay ang Prinsesa Laura!

395   Dinala sa reynong ipinagdiriwang
sampu ni Aladi't ni Fleridang hirang,
kapuwa tumanggap na mangabinyagan;
magkakasing sinta'y naraos na kasal.

396   Namatay ang bunying Sultan Ali-Adab,
nuwi si Aladin sa Persiyang Siyudad;
ang Duke Florante sa trono'y naakyat,
sa piling ni Laurang minumutyang liyag.

397   Sa pamamahala nitong bagong hari,
sa kapayapaan ang reyno'y nauwi;
rito nakabangon ang nalulugami
at napasatuwa ang nagpipighati.

398   Kaya nga't nagtaas ang kamay sa langit,
sa pasasalamat ng bayang tangkilik;
ang hari't ang reyna'y walang iniisip
kundi ang magsabog ng awa sa kabig.

399   Nagsasama silang lubhang mahinusay
hanggang sa nasapit ang payapang bayan;
tigil aking Musa't kusa kung lumagay
sa yapak ni Selya't dalhin yaring ay, ay!

(Wakas ng Awit)

Habang nag-uusap ang magkakasintahang pinagtagpu-tagpo ng mahiwagang kapalaran, siya namang pagdating ng hukbo ni Menandro na ang hanap ay si Adolfo. Nangagsigawan sa tuwa ang hukbo nang makitang buhay si Florante at Laura. Nagsibalik ang lahat sa palasyo.

Hindi nagtagal at nakasal ang dalawa at naging hari at reyna ng Albanya. Samantala, sina Aladin at Flerida, matapos magpabinyag ay pinag-isang dibdib din at umuwi sa Persya upang doon mamuno sa sariling bayan dahil sa kumalat na balitang patay na si SultanAli-adab. Mula noon ay natigil na ang pagdirigmaan ng Albanya at Persya. Naging kapuwa matiwasay at maunlad ang kanilang nasasakupan.

Kredito
Kapitbisig.com

Florante at Laura ni Francisco BaltazarTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon