MEANT TO BE
NAWALAN na ng gana si Geneva. Pinigilan niya ang sarili kahit gustong tawagan si Robin para kumustahin at alamin kung anong oras ito uuwi. Hindi na talaga siya naghanda ng pagkain para sa binata. Pinigilan pa rin niya ang sarili na mag-effort na bumili sa malapit na restaurant ng pagkain upang may mapagsaluhan sila pagdating nito.
Nawalan siya ng ganang kumain.
Pagka-shower ay tinuyo na lang niya ang buhok at nahiga na. Ngunit kahit anong pilit na ipikit ang mga mata ay napakailap ng antok sa kanya. Hindi maalis sa kanyang isip si Maricar. Lalo itong gumanda kung ang pagbabasehan ang hitsura nito ngayon sa larawan.
Anong kaugnayan ni Maricar ngayon kay Robin?
Tinatanong pa ba iyon? Naging sila noon at base sa dedication sa likod ng picture ay mukhang naging sila uli, anang namumuskang tinig sa loob ng kanyang isip.
Naramdaman ni Geneva ang pag-iinit ng sulok ng kanyang mga mata. Hindi na niya napigilan ang pagpatak ng mga luha. Hindi man niya gusto ay apektado siya. Hindi niya gustong isipin ang nakaraan ngunit tila multong ayaw siyang patahimikin niyon. Lalo pa at tila nagkaroon uli ng ugnayan sa isa't isa sina Robin at Maricar. Bakit ba hindi niya magawang kalimutan ang nakaraan?
HALOS paliparin ni Robin ang sportscar. Nais na niyang makauwi sa bahay. Kanina pa siya nasasabik sa kanyang "wifey". Nasasabik at matinding nag-aalala. Nababahala na baka kung napaano na ito. Ang huling message ni Geneva sa kanya ay pauwi na ito, hindi na nasundan pa.
Naging abala lang sila ng mga brod niya sa pakikipagnegosasyon sa mga alkalde ng Siniloan at Paete. Kada nagkakaroon siya ng pagkakataon na komontak sa kanyang wifey ay ginagawa niya. Subalit kanina pa niya tinatawagan ang cell phone ni Geneva ay hindi nito sinasagot ang kanyang tawag. Kung ano-ano na tuloy ang pumapasok sa isip niya na hindi magandang senaryo. Bagaman alam niyang safe naman sa inuupahan niyang pad ay hindi pa rin niya maiwasang mabahala. Na-traffic pa siya sa Pasig. Kaya lalo na siyang hindi mapakali. Pasado alas-diyes na ngunit hindi pa rin niya makontak si Geneva.
Gusto na niyang tawagan ang mga magulang nito, iniisip na baka naisipang umuwi muna ng dalaga sa bahay ng mga magulang. Subalit naisip niyang hindi naman siguro gagawin iyon ni Geneva nang hindi nagsasabi o nagpapaalam sa kanya.
Nang sa wakas ay narating niya ang Sta. Mesa ay halos patakbo niyang inakyat ang second floor para lang makarating sa inuupahan pad. Kinabahan siya nang mapansing madilim ang buong kabahayan.
"Gen!" Mabilis na kinapa ni Geneva ang switch ng ilaw at bumaha ang liwanag sa buong pad. Nakita niya itong nakahiga sa kama, nakatagilid. Agad niyang nilapitan at niyakap ang dalaga, na mainit ang katawan. Siniil niya ito ng halik sa mga labi. Ramdam niyang nagising na ito, kumilos na ang mga kamay at itinutulak siya palayo. Nabaghan siya sa kakatwang reaksiyon ni Geneva. Hindi ito tumugon sa halik niya at wari ay naiinis pa na naistorbo ang tulog.
Tila dinaklot ang puso ni Robin. Rejection, iyon ang ayaw niya sa lahat. Gayunman, hindi na lang niya pinansin. Bumangon si Geneva at naupo pasandal sa kama . Napansin kaagad niya ang pamumugto ng mga mata nito.
"You scared the hell out me. Gen! Kanina pa ako tumatawag sa cell phone mo. May problema ba?"
Hind ito sumagot, nanatili lang nakatitig sa kanya.
"Sweetheart..."
"Gusto ko nang matulog..." matamlay nitong sabi.
"May sakit ka ba? Masama ba ang pakiramdam mo?" Sinalat ni Robin ang leeg at noo nito.
BINABASA MO ANG
MR.FASTERTHANABULLET (published under PHR5511-book content only chap 1 to 9 )
RomanceGeneva caught Robin in a compromising situation. Kaya mula noon ay natatak na sa isip niya ang pagiging maloko sa babae ng binata. Pagkaraan ng mahigit isang dekada ay muling nagkrus ang mga landas nila ni Robin. Hindi na siya nagtaka na nanatili it...