CHAPTER TWENTY TWO

7.7K 191 33
                                    


 MARUPOK

DAIG pa ni  Robin ang babaeng manganganak na hindi malaman kung  paano ang gagawin para lang maibsan  o mabawasan man lang ang sakit na kanyang nararamdaman. Kumikirot ang kanyang  dibdib, na  sinasabayan pa ng matinding pagpintig ng mga ugat  sa kanyang sintido na para bang ano mang sandali ay puputok iyon.  Ibayong kontrol,  pagpipigil at pagtitimpi ang ginawa niya upang huwag makagawa ng bagay na maaaring pagsisisihan niya sa bandang huli. Nagkasya na lamang siya sa pagsubaybay sa bawat kilos ni Geneva at maging sa kilos ni Lucio.

Walang dudang matindi ang pagkakagusto ni Lucio kay Geneva.  Pilit niyang pinag-aaralan ang emosyon ni Geneva. Mula sa distansiyang mga apat na hakbang, mula sa inookopa niyang mesa ay  nakikita ni Robin ang kilos ng dalawa. Nasa isang sulok ng mesa ang mga ito,  iniinom ni Geneva ang ibinigay ni Lucio na cocktail drink.  Bihirang magbuka ng bibig si Geneva,  tumatango at umiiling lang  ito sa bawat sinasabi ni Lucio. Kanina pa wala sa sarili ang babae. 

Alam ni Robin na wala na siyang karapatan kay Geneva. Wala siya sa posisyong makialam at lalo pa ang manggulo. Isa pa,  hindi   niya maatim na masira ang selebrasyon na iyon ng kanyang brad kahit para siyang nag-aalborotong bulkan na gustong-gusto  nang hilahin sa kuwelyo  si  Lucio at ihagis.   Sa ayaw at sa gusto ni Geneva, ilalayo niya ito sa lalaki.   Napabuga ng hangin si Robin.   Sunod-sunod.   Pilit niyang kinakalma ang sarili.  Kaya inisang lagok niya lang ang laman ng baso. Nagsalin uli siya ng whiskey sa baso.

Malinaw na sa kanya ang katotohanan. Mariin niyang ipinikit ang mga mata, lumitaw sa isip niya ang imahe ng isang babae.   Natitiyak na niya ngayon na ang babaeng nakatalik niya ay walang iba kundi si Geneva.  Matindi  at samu't saring  emosyon ang gumigiyas sa kanya sa isiping iyon.  Hindi niya alam kung ano ang tumatakbo sa isip ni Geneva na sa hindi sinasadyang pagkakataon ay muli silang nagkita. Nag-krus ang kanilang landas... para ano? 

Naiiling na lamang siya nang maisip na desidido siyang sundan at hanapin ang babae sa bansang Cambodia.

Confidentiality agreement, hah! Nalasahan ni Robin ang pait sa kanyang dila nang sumagi sa isip ang naging kasunduan nila  ng "misteryosong"  babae. Ano mang mangyayari sa apat na sulok ng silid na iyon ay mananatiling lihim!  One time, big fucking time!

Wala talagang lihim na hindi nabubunyag, sa loob-loob niya habang patuloy na nakamasid sa babae.

Hanggang sa nagpasya si Robin. Hindi siya  makakapayag na lilipas ang gabing iyon nang hindi sila makapagtutuos ni Geneva.  Wala siyang balak na palampasin pa ang pagkakataon iyon na abot-kamay lang niya ang babae dahil marami itong  ipaliliwanag sa kanya! Gusto niyang umamin ito.  Gusto niyang malaman ang dahilan sa likod ng pagpapanggap nito!

Inilabas niya mula sa bulsa ng suot na bomber jacket ang cell phone.   Ilang sandali ay natapos siya sa ginawang online booking. Nagdulot  ng kaunting gaan sa kanyang dibdib ang kaalamang available pa ang mismong kuwarto.

"Brad!" Eksaktong ibinulsa niya sa jacket ang cell phone, sumalampak ng upo si Alwen matapos siyang tapikin sa kanyang balikat. "Join us. Hindi iyong nagsosolo ka rito."

Sinikap niyang ngumiti kay Alwen. "Okay lang ako rito. Hindi ako magtatagal."

Naging seryoso ang anyo nito. "Brad, sorry. Hindi ko alam na-- na si Geneva pala ang sinasabi ng utol ko.  Nagulat ako. Hindi ko talaga alam. Bihira naman kasi kaming magkuwentuhan ng utol ko. Sinabi n'ya lang sa akin na ipapakilala na niya ang kanyang gf."

Walang mahagilap si Robin na maaaring sabihin kay Alwen. 

"Tutal, wala na kayo ni Gen, hindi ba?"

MR.FASTERTHANABULLET (published under PHR5511-book content only chap 1 to 9 )Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon