CHAPTER TWELVE

10.7K 202 61
                                    


SINGLE KA NA ULI

MATAGAL nang nakababad sa ilalim ng dutsa si Robin. Malamig ang tubig na patuloy na bumubuhos sa kanyang ulo. Mayamaya ay pinihit niya ang pihitan ng shower. Unti-unting naramdaman ang pagbabago ng timpla ng tubig, ang malamig ay naging maligamgam hanggang sa naging mainit.

Nagustuhan niya ang ibinibigay na init ng tubig sa kanyang ulo. Naisip na baka sa pamamagitan niyon ay maging aktibong muli ang mga cells sa loob ng kanyang utak upang makapagproseso ng mga alaala, na para bang kagaya sa "memory chip" ng isang computer na may paraan para ma-retrieve ang mga nawalang files. Kung aksidente mang na-hit ang delete button o sadyang dinelete ang file na sa pag-aakalang wala nang silbi dahil nagamit na ay maaari pa sanang maibalik dahil bago tuluyang mawala o maglaho ay mapupunta muna ang mga deleted file sa trash bin. At may pagkakataon pang kumpirmahin  na kung  dapat ngang burahin... Kung sana ay ganoon lang kasimple ang mga paraan --  para maibalik ang mga nawala— ang mga naburang alaala...

Naramdaman ni Robin na may paghahapdi na sa kanyang balikat at likod. Mainit na mainit na ang  tubig. Kapag nagtagal pa siya ay malamang malalapnos ang kanyang balat. Humihingal na isinara ang shower. Nagtatagis ang mga bagang na lumabas siya ng banyo, dere-deretso sa closet para kumuha ng bagong tuwalya. Magkasabay na binuksan ang dalawang pinto ng closet nang matigilan siya. Tumambad ang organisadong pagkakatupi ng mga damit. Maging ang mga naka-hanger na damit at jeans. Isa lang iyon sa mga napansin niya sa loob ng tinitirhang pad simula ng araw na ma-discharge siya sa ospital. Mula sa mamahaling double-sized bed, mga unan, kurtina, gamit sa kusina, ang dalawang toothbrush na magkatabi sa iisang baso...

 At ang wallpaper ng kanyang laptop ay larawan ng isang babae. Marahil kung hindi nawala ang kanyang cell phone sa nangyaring aksidente ay may makikita pa siyang mga larawan at history ng mga tawag at mensahe.

Kinuha ni Robin ang naka-hanger na uniporme at pinagmasdan. Pumikit. Pilit na pinalilitaw sa isip ang hitsura ng babae habang suot ang unipormeng hawak. Naalala niya si Geneva, ang mga araw na nagbabantay ito sa ospital, nakasama sa pag-uwi sa sa pad, nakatabi sa kama ngunit may puwang sa pagitan nila. Tila nabasa niya sa mga mata ni Geneva na gusto nitong yumakap sa kanya, sumiksik sa kanyang dibdib, subalit siya na ang naunang dumistansiya rito kung kaya nagkasya na lang ang babae sa pagyakap sa unan. Sa nagdaang mga araw ay may suyo sa bawat pag-aasikaso nito sa kanya, sa mga pagkukuwento nito nang tungkol sa kanila kaya pilit na in-absorb ng kanyang isip. Pilit na kinakapa sa kanyang dibdib subalit nanatiling blangko ang lahat sa kanya.

At ngayon habang pinakatitigan ang ternong gray na blazer at slacks, inilagay ni Robin ang kamay sa tapat ng kanyang dibdib. Nanatiling normal ang tibok ng kanyang puso. Kailan ba naging eratiko ang tibok ng kanyang puso? Ah, kapag sakay siya ng kanyang motorsiklo at ginagalugad ang mga liblib na lugar sa Rizal at Laguna. Kapag nagkakarehan silang magba-brad ng kanilang mga motorsiklo. Ang mundo niya ay umiikot sa pamamahala sa mga negosyo, sa aktibidad na kasama ang mga ka-brad, at sa babae. Si Maricar ang huling nakarelasyon niya. On and off ang kanilang relasyon. Gusto nitong gampanan niya ang pagiging perfect boyfriend. Aminado siyang wala sa karakter niya ang pagiging ideal boyfriend. Wala sa tipo niya ang naghahabol sa babae. Kaya ano itong kalokohang sinabi sa kanya ni Miguel? Isa raw siya sa tinamaan ng mahiwagang love virus. Kagaya na rin daw siya ni Gannicus at ang huli ay si Emon na nag-propose na ng kasal sa nobya. Hindi rin siya makapaniwalang ikinasal na ang amigo niyang si Miguel. Ang kasal ay ginanap sa pag-aari nilang magkaibigan na resort sa Tanay. Sa araw ng kasal nina Miguel at Ciarra, doon naman nagsimula ang sinasabing relasyon nila ni Geneva. Ang kantiyaw nga sa kanya ni Miguel, dinaan daw niya sa paspasan si Geneva, kaya napapayag na magsama na sila ng dalaga. 

MR.FASTERTHANABULLET (published under PHR5511-book content only chap 1 to 9 )Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon