CHAPTER FIVE

8.8K 181 2
                                    


SI WIFEY


LINGGO ng umaga. Mabigat ang dibdin ni Geneva nang bumangon,. Hindi nakauwi si Robin. Sa resort na nagpalipas ng gabi ang binata  dahil kinabukasan ay kailangan nitong kausapin ang contractor para sa ginagawang spa. Bukod pa roon ay  marami rin itong lakad na may kinalaman sa exhibit. Kaysa umuwi  at bumalik kinabukasan  ay  mas praktikal na magpalipas na lang ng  gabi sa resort si Robin  para  hindi ito magahol sa mga kompromiso.

Naisip ni Geneva na magsimba at pagkatapos ay tutuloy sa palengke. Nais niyang bumili ng sariwang isda at gulay, mangangahas nang magluto. Nais niyang sopresahin si Robin pag uwi nito mamaya. Mabilis na siyang gumayak para makaabot  sa first mass. Nang nasa loob na  ng simbahan, hindi niya maiwasang isipin na sana ay kasama niya ngayon si Robin. Mataman siyang nakikinig sa homily.

"Ang Diyos ay mapagpatawad. Malawak ang puso Niya sa pagpapatawad. Pero tayong mga nilalang,  hirap magpatawad. Hirap makalimot. Ngunit ang Panginoon,  laging bukas ang kanyang puso sa pakikinig sa tuwing taimtim tayong humihingi sa Kanya ng kapatawaran sa ating mga kasalanan. Ganito ang ginagawa ng Panginoon. Lahat ng kasalanan na inihihingi natin ng kapatawaran ay itinatapon ng Panginoon sa malawak na dagat at saka Niya lalagyan ng karatulang 'no fishing'. Ibig pong sabihin, mga kapatid,  hindi na binabalikan ang mga kasalanan."

Tumimo sa isip ni Geneva ang mga kataga. Nang lumabas siya ng simbahan ay tila may nawalang bigat sa kanyang dibdib. Hindi pa man ay gusto na niyang makita si Robin, excited nang ipadama sa lalaki  kung gaano ito kahalaga sa kanya. At kung magpo-propose uli ito na magpakasal na sila, hindi na siya magdadalawang isip na sumagot ng "oo, magpapakasal na tayo."

Nang nasa bahay na si Geneva ay  tumawag siya sa mamang niya upang magpaturo kung paano magluto ng sweet and sour fish.

"Natutuwa ako sa 'yo, anak. Ang sekreto sa habambuhay na pagsasama ay iyong alam mo kung paano mo bibigyan ng kasiyahan ang asawa mo. "

Pagkatapos ilista ang mga dapat gawin ay sinubukan niyang tawagan si Robin upang malaman kung anong oras ito makakauwi. Dalawang beses niyang kinontak ang binata. Nang hindi nito sinasagot ang tawag ay tinigilan na muna niya, inisip na  marahil ay nasa meeting ito.

Pagkalipas  ng kalahating oras ay nag-ring ang kanyang cell phone. Kulang na lang ay lumundag ang kanyang puso  sa tuwa.

"Hi, wifey. Kumusta na ang maganda kong asawa?" bungad agad ni Robin. "Miss mo na ako, 'di ba?'

Nag-init ang  mukha niya. "Busy ka?" tanong niya sa halip na sagutin ang paglalambing nito.

"Kanina. Sorry, ha? Hindi ko nasagot ang tawag mo. Ka-meeting ko ang mayor ng Baras. Pero bibiyahe na ako pauwi. Bahala na sina Gannicus at Emon sa iba pang lakad."

Ganoon na lang ang tuwa ni Geneva sa narinig. Bibilang nang halos  dalawang oras bago dumating si Robin. Tamang-tama sa pananghalian nila ang kanyang lulutuin. Saglit pa ay aligaga na siya sa paglilinis ng bahay at pagkatapos ay ang pagluluto naman.

Pagkatapos nang lahat ng gawain ay  naligo siya at nagpaganda. Simpleng bestida ang pinili niyang isuot. Para hindi mainip sa paghihintay ay binuksan niya ang laptop ni Robin.

Natuwa at kinilig siya nang bumungad sa kanya ang wallpaper nito. Larawan niya ang nakalagay roon.  Noon lang niya nakita ang larawan,  na  walang dudang  stolen shot. Kuha ang larawan sa labas ng bahay ng Kuya Tobey ni Robin partikular sa hardin kung saan ay kakuwentuhan niya ang mga magulang nito.

Hindi alam ni Geneva na kinunan pala siya ng larawan ni Robin. Masyado siyang engrossed sa pagkukuwento ng mommy at daddy ng binata.  Very vocal kasi sa pagsasabing nababahala ang mga ito dahil wala pang pormal na ipinapakilalang babae si Robin sa mga magulang. Naalala pa niya ang sinabi ng daddy nito.

"Mabuti naman at sa wakas ay bubuo na ng pamilya si Robin. Hindi na makokonnsumi ang esposa ko sa bunso namin na 'yan."

Napahugot  nang malalim na hininga si Geneva. Nag-ring ang cellphone niya. Si Robin. Bumilis ang pagtahip ng kanyang dibdib.

"Siyanga pala, a-attend tayo ng birthday ni Emon. Dinner party sa isang bar sa Eastwood. Tiyak na   hahabol sina Ciarra at Miguel. Magkikita kayo ng best friend mo at tiyak na may dapat kang ipaliwanag sa kanya, " anitong tila nakikinita pa niya ang namimilyong ngiti sa mga labi.

Nanulis ang nguso ni Geneva sa pang-iinis  ni Robin. Palibhasa alam nitong bubuskahin siya  ni Ciarra. At alam niyang may kasamang sermon iyon oras na malaman nitong nakikipagbahay-bahayan siya kay Robin. Para na niyang nai-imagine ang magiging reaksiyon ni Ciarra.

"Gusto mo bang mag-shopping muna tayo pagdating ko? May time pa naman," tanong ni Robin.

"Formal ba  'yong party?"

"Hindi naman."

"Eh di  'wag na. May mapagpipilian naman ako sa mga damit ko."

"Hmm...  good idea. Sige, sa  bahay na nga lang tayo huwag nang mag-shopping. Tutal, lalabas naman tayo mamaya."

She wondered kung sino-sino pa ang makikita niya sa party maliban kina Miguel at Ciarra at sa mga kaibigan ni Robin.

Pagkaraan ng mahigit isang oras ay dumating na si Robin. Halos ayaw na siyang pakawalan nito nang magdaop ang mga labi nila sa pinto pa lang ng condo unit. Hindi na nila nakuhang  kumain ng pananghalian dahil sa kama na  sila humantong.

"Mas mabubusog ako sa 'yo, wifey..." ang pilyong sabi ni Robin kay Geneva. Kabisado na ng binata ang lahat ng mga sensitibong bahagi ng kanyang katawan...

MR.FASTERTHANABULLET (published under PHR5511-book content only chap 1 to 9 )Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon