CHAPTER THIRTEEN

9.9K 197 35
                                    

si LUCIO

Oops! Ang larawang ito ay hindi sumusunod sa aming mga alituntunin sa nilalaman. Upang magpatuloy sa pag-publish, subukan itong alisin o mag-upload ng bago.

si LUCIO

TATLONG oras pa lang ang itinulog ni Lucio ngunit kailangan na niyang gumising. Mas mabuti na iyong maagang matapos ang gagawing special cake na dadalhin niya  mamaya sa coffee shop. Inspiradong nag-shower at nagsuot ng paboritong Captain America boxer shorts at puting sando.

Sinulyapan ni Lucio ang malaking portrait na nakasabit sa dingding. "Good morning, mother Earth," nakangiting bati niya habang tinutuyo ng tuwalya ang basang buhok. Sa ibaba niyon ay may antigong chest drawer at doon nakapatong ang sapphire pink brass urn.

"Huwag kang magseselos kung igagawa ko ng cake si Tita. Birthday niya ngayon. Natutuwa lang ako dahil pinapansin na niya ako." Natigilan siya, mayamaya ay nagbuntong-hininga. Hinaplos niya ang urn, nakaramdam ng pagbabara sa lalamunan. "Miss na miss na kita, 'nay. Next Sunday, birthday mo na.  Pareho kayo ng birth month ni Tita Wena. Ano pala'ng gusto mong kulay ng payong? Halos lahat ng kulay ng payong meron ka na."

Naalala ni Lucio ang hilig ng ina  sa payong. May koleksiyon ito ng iba't ibang klase ng payong. At kahit saan ito magpunta, maski sa malapit lang ay palagi itong may dalang payong. 

"Okay na sa 'yo itong bagong bahay, ano?   Alam kong ayaw mong nalulungkot ako. Mas gusto ko na rito kahit mag-isa, alam ko namang binabantayan mo pa rin ako.   Sana,  magustuhan ni Tita Wena ang regalo kong cake. Wala kasi akong maisip na gift. At saka, tingin ko po, 'nay,  halos meron  na siya."

Nakangiti ang mama niya sa larawan. Kuha ang larawan noong grumadwet siya sa high school. Siya ang kumuha ng larawan na iyon at pinagawa niyang portrait. Marami silang larawang mag-ina na naka-display sa loob ng kabilang kuwarto. Ang kabilang kuwarto ay naglalaman ng lahat ng alaala ng kanyang mahal na ina. Magdadalawang taon nang hindi niya kasama ang kanyang Nanay Aurora. Sa susunod na linggo ay kaarawan nito. Dahil doon ay muling dinalaw ng lungkot ang puso ni Lucio. Sobrang miss na niya ang ina. Marahil kung hindi siya naihanda sa paglisan nito sa mundo ng mga buhay ay magiging napakahirap sa kanya kung paano iyon tatanggapin. Dakila ang kanyang ina. Namatay itong pawang kapakanan at kabutihan niya ang inisip.

Ang kasalukuyang bahay na tinitirhan ni Lucio ay pag-aari ng mag-inang Rowena at Alwen Crisologo. Half-brother niya si Alwen. Si Alwen ang kumumbinsi sa kanya na tumira sa nasabing property kaysa naman nangungupahan pa raw siya. Ang gusto sana ng kapatid ay doon na rin siya sa coffee shop mamalagi kasama ng mama nito. Ngunit alam ni Lucio na hindi iyon pahihintulutan ng mama nito. Pumayag lang ang ginang na siya ang mamahala sa coffee shop dahil si Alwen ay marami nang inaasikasong mga negosyo. Negosyong iniwan ng namayapang ama nito.

Nailing si Lucio nang maalalang tatay nga rin pala niya si Mr. Allan Crisologo. Siya ang illegitimate child. Matagal na panahong itinago ng kanyang nanay ang katauhan ng kanyang ama. Lumaki siya sa paniniwalang matagal nang wala sa bansa at may sarili nang pamilya ang tatay niya. Hindi na rin siya nangulit na alamin pa kung sino o anong klaseng tao ang ama. Dahil kontento na siya sa pagmamahal at kalinga ng kanyang nanay.

MR.FASTERTHANABULLET (published under PHR5511-book content only chap 1 to 9 )Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon