STRANGER and ME
NAGISING si Geneva sa pakiramdam na nag-iisa na lang sa kama. Wala sa tabi niya si Robin. Napabalikwas siya at kinakabahang hinanap ng mga mata sa paligid ang lalaki. Subalit wala ito. Tinakbo niya ang banyo at binuksan iyon. Subalit wala roon si Robin bagaman may indikasyon na nanggaling doon ang lalaki. Maybe he took a quick shower at nagpalit ng damit. Langhap pa niya ang amoy ng ginamit nitong body wash at shampoo. Nasa hamper na rin ang hinubad nitong damit.
"Robin..." Hindi man niya gusto ngunit nagpa-panic siya. Hindi niya alam kung saan ito maaaring magpunta. Nahagip ng tingin niya ang wall clock. Seven ten ng umaga.
"Oh, God!" Dali-dali nang naghilamos si Geneva at nagpalit ng damit. Jogging pants at T-shirts ang suot niya, saka hinagilap ang kanyang cell phone bagaman hindi niya alam kung sino ba ang dapat unahing tawagan. Nasa ibabaw ng chest drawer ang dalawang cell phones ni Robin.
Nanginginig ang kamay na kinuha niya ang kanyang bag para hanapin si Robin. Ngunit bago pa man niya nahawakan ang door knob ay bumukas na iyon at bumungad ang pawisang lalaki.
Mabilis niyang niyakap nang mahigpit si Robin. Nangilid ang kanyang mga luha sa halo-halong emosyon sa kanyang dibdib.
"Sandali, naiinitan ako," wika nitong marahang tinanggal ang mga braso niya at walang ano mang dumeretso sa kusina.
Parang kinurot ang puso ni Geneva sa inakto ni Robin.
Naglabas ito ng tubig sa refrigerator at halatang uhaw na uhaw dahil nakatatlong baso ng tubig.
"Saan ka galing?" malumanay niyang tanong.
"Sa labas," matipid nitong sagot
"Oo, alam ko galing ka sa labas," aniyang nanulas na lang sa kanyang bibig na gusto pa sanang dugtungan ng "alangan naman galing ka sa loob" . Kinalma niya ang sarili. "Ano'ng ginawa mo sa labas?"
"Naglakad-lakad lang."
"Hindi mo ako ginising," himig nagtatampong sabi niya.
"Kailangan ba?" sagot ni Robin sa malamig na tono.
Hindi siya nakakibo. Lihim siyang nasaktan sa sinabi nito. Gayunman ay pilit niyang kinalma ang sarili. Inisip na lang niya at kinonsola ang sariling may sakit ang mahal niya kaya may kasungitan. Mood swings.
Kumuha ng malinis na T-shirt at tuwalya si Geneva. "Basang-basa ka ng pawis. Magpalit ka na muna."
"Salamat," ani Robin, may kalakip na matipid na ngiti sa mga labi. Wala ang killer smile nito. Iyong ngiting mababanaag ang kapilyuhan, ng kalokohan.
"Salamat, wifey, " Iyon ang iasam-asam niyang marinig mula rito.
Huwag kang magpaapekto. Kailangan mong unawain siya, Geneva!
Inabala na ni Geneva ang sarili sa kusina para maghanda ng almusal. Dahil hindi nagalaw ang kanin kagabi ay iyon ang kanyang isinangag na teternuhan niya ng tocino. Ipinagtimpla niya si Robin ng kape. Mayroon itong mamahaling stainless coffee maker. Alam na niyang i-operate iyon. Palibhasa, pareho silang mahilig sa cappuccino. Kaya nga alam na alam nito noon kung saan siya malimit magbabad pagkatapos ng trabaho sa bangko. Saan pa kung hindi sa Sweet for my Sweet shop ni Ciarra na hindi padadaig ang sarap ng lasa ng kape sa Starbucks. Doon ay bigla na lang itong sumusulpot. Naalala pa niya ang mga sinabi nito noon sa kanya.
"Kina-career mo talaga ang pagiging stalker," naalala niyang sabi niya kay Robin.
"Assuming ang ale. Sabi ng pampanget lang ang stalker. Admirer naman."
BINABASA MO ANG
MR.FASTERTHANABULLET (published under PHR5511-book content only chap 1 to 9 )
RomanceGeneva caught Robin in a compromising situation. Kaya mula noon ay natatak na sa isip niya ang pagiging maloko sa babae ng binata. Pagkaraan ng mahigit isang dekada ay muling nagkrus ang mga landas nila ni Robin. Hindi na siya nagtaka na nanatili it...