🌹 Chapter Eight 🌹
HINDI MAIWASAN NI AIREEN ANG tumawa nang makita niya ang mukha ng pumanaw na asawa ni Lola Martha sa photo album na hawak niya. Dahil malaki ang pagkakahawig nito kay Ryu. Parang pinagbiyak na bunga ang maglolo.
Sinimulan niyang ilipat ang mga pahina ng photo-album hanggang sa natapos.
Napasimangot siya dahil parang nabitin siya sa kanyang mga nakita. Kaya naman, kumuha pa siya ng isang photo album. Napansin niyang hindi naman ito masyadong kaluma kaysa sa unang photo-album na nakuha niya kanina. Aktong bubuksan na niya ito nang biglang bumukas ang pintuan. At pumasok roon si Ryu.
"Si Lola?" tanong nito.
"Nasa bakuran," nakangiting tugon niya.
Aktong lalabas na sana ulit ang binata nang bigla itong napatingin sa hawak ni Aireen.
Hindi nakawala sa paningin ni Aireen ang gulat sa mukha ni Ryu. Alam niya kung ano ang tinitignan nito kaya mabilis niyang itinago ang naturang photo-album sa kanyang likuran.
"Bakit nasa sa'yo 'yan?" tanong nito at mabilis na lumapit sa kanya.
"N-Nakita ko lang dito!" tugon niya at mabilis na siyang lumayo dahil alam niyang kukunin nito sa kanya ang naturang photo-album na 'yun.
At hindi nga siya nagkamali.
Tinangka nang agawin ni Ryu sa kanya ang naturang photo-album.
Wala namang ideya si Aireen kung anong mayroon rito, at ganoon na lang nagpupumilit si Ryu na agawin ito sa kanya.
Halos naghahabulan na silang dalawa sa loob ng kuwarto ni Lola Martha. Paikot-ikot na parang mga batang naglalaro.
"Amina na 'yan!" pag-uutos pa rin ni Ryu.
"Ayoko nga!" pang-aasar pa ni Aireen. At nagawa pa niyang tumungtong sa ibabaw ng kama ni Lola Martha. Para lang hindi siya maabot ni Ryu. Pero bigla siyang nagkamali ng hakbang at hindi niya sinasadyang madulas dahil sa sapin ng kama. Alam niyang babagsak siya. Kaya mabilis siyang napakapit sa braso ni Ryu. Pero nawalan din ito ng balanse, at kapwa sila bumagsak sa kama.
Kapwa nagkagulatan at nakatinginan ang dalawa.
Pakiramdam ni Aireen ay biglang huminto ang oras sa pagitan nila nang magtama ang kanilang mga mata ni Ryu. Halos malapit na malapit lang ang mukha nito sa mukha niya. Para pa ngang nararamdaman rin niya ang mainit na hininga nito na dumadampi sa kanyang mukha na lalong nagpalakas ng pagtibok ng kanyang puso.
"Ai..." biglang sambit nito sa kanyang pangalan.
Napalunok siya. Parang may ibang hatid sa kanyang pandinig ang boses nito. Para namang may sariling pag-iisip ang kanyang mga mata dahil kusa iyong pumikit. Tila may inaasahan siyang gagawin ni Ryu.
At hindi naman siya nabigo.
Naramdaman niya ang pagsayad ng mga labi ni Ryu sa mga labi niya. Saka niya naramdaman na para bang may mga paru-parong nagwawala sa kanyang sikmura. At wala siyang ibang naririnig sa mga sandaling iyon kungdi ang malakas na pagtibok ng puso niya. Para siyang matutunaw na ice cream, at parang lumulutang pa siya sa alapaap.
Masuyo siyang hinalikan ng binata sa kanyang mga labi hanggang namalayan na lamang niyang tumutugon na siya sa mga halik nito. Hindi na niya alam kung anong nangyayari sa kanya, at nagagawa na niyang halikan ang lalaking na itinuring na niyang pinakamatalik na kaibigan, at kapatid. Dapat ay itulak niya ito palayo sa kanya para putulin ang halik na hindi dapat nangyayari. Pero hindi niya magawa dahil ayaw na rin niya mismong gawin. Ang katawan niya, puso at kanyang isipan, pati kaluluwa...parang nagkaka-isa!
BINABASA MO ANG
AI-WIL-MARY-RYU (I WILL MARRY YOU)
Lãng mạnMATALIK NA MAGKAIBIGAN ang Pamilya Salazar at Pamilya Martinez, kaya hindi nakakapagtaka kung ipamana rin ng mga ito sa kanilang mga anak ang pagkakaibigan nila. Pero sa isang gabi ng pagkakamali, maiipit sina Ai at Ryu sa pagitan ng kanilang mga ma...