🌹 Chapter Fourteen 🌹
TULALA SI AIREEN SA BUS TERMINAL. Huminto na ang ulan ay hindi pa rin niya alam kung saan nga ba siya pupunta. Nananakit na rin ang kanyang mga mata dahil sa kakaiyak pero hindi pa rin nawawala ang bigat ng kalooban niya. Ang buong akala niya sa oras na umalis siya ay gagaan na ang kalooban niya. Pero hindi, pakiramdam niya ay may kulang sa kanya. At alam niya kung ano iyon.
Si Ryu.
Pero ayaw pa muna niyang bumalik. Natatakot siya sa posibleng sagot ni Ryu. Natatakot siya kahit alam na niya talagang napipilitan lang itong magpakasal sa kanya.
"Aireen!"
Nag-angat siya ng tingin. At ganoong lang ang gulat niya nang makita si William. Humahangos pa itong lumapit sa kanya.
"Nandito ka lang pala! Alam mo bang nag-aalala na silang lahat sa'yo! Kanina ka pa hinahanap ni Ryu!" galit nitong bungad sa kanya.
Pero hindi niya magawa pang sumagot rito. Tanging pag-iyak lang ang naging ganti niya. Alam niyang napalakas ang pag-iyak niyang iyon kaya napatingin na sa kanya ang ilang pasaherong naroroon sa terminal.
Nagulat naman si William sa kanyang pag-iyak kaya mabilis siya nitong pinatahimik.
Nang naging mahinahon na si Aireen ay saka na tumabi si William sa kanya. Ilang minuto rin ito naging tahimik na parang pinakikiramdaman pa siya.
"Lumayas ka ba sa inyo dahil sa mga sinabi ko?" nag-aalalang tanong nito.
"Hindi," tugon niya sabay ang pagsinghot, "Alam ko kasi sa simula palang na may mali na sa pagpayag namin ni Ryu sa kasal. H-Hindi ko lang talaga kayang magpakasal sa lalaking alam kong napilitan lang. Mahirap tutulan ang mga magulang namin. Hindi ko alam kung bakit gustong-gusto nila kaming maikasal ni Ryu. Wala na naman akong ibang naiisip na paraan para mahinto ang kahibangan ng mga Nanay namin kungdi ang maglayas."
"Saan ka ngayon pupunta?" tanong muli nito.
"Hindi ko pa alam," yumuko ito, "Alam kong madali lang akong mahahanap nila Mommy kapag sa kamag-anak ako tumuloy. Wala naman akong ibang kaibigan. Ewan ko ba simula noon pa ay ilag na sa akin ang iba para makipagkaibigan. Kaya heto, si Ryu na lang ang lagi kong kasama. Nagkakaroon nga ako ng mga kaibigang babae pero may secret agenda sila. Gagamitin lang nila ako para mapalapit kay Ryu."
"Ganoon rin naman si Ryu. Walang tumatagal na girlfriend niya dahil nagseselos sa'yo," dagdag ni William.
"Kaya nga, ang paglalayas ang naisip ko para makalayo na kami sa isa't isa," diin niya pero tila may kirot pa rin siyang nararamdaman sa katotoohang binibigkas ng mga bibig niya.
"Buo na ba ang pasya mong iurong ang kasal?" usisa nito.
"Gusto ko na ring tumayo sa sarili kong mga paa. Laging sinasabi sa akin ni Ryu na masyado akong isip-bata. Siguro dahil daddy's girl ako," may hinanakit niyang turan. At saka niya muling tinignan ang mukha ng kausap, "Alam kong mahihirapan ako kasi nasanay akong nasa tabi ko lagi si Ryu . Pero gusto na ring kumawala. Kasi litong-lito na ako! Ni hindi na ako makapag-isip ng maayos!"
Naramdaman niya ang pag-alo ni William sa kanya. Alam niyang hindi iyon sapat para mawala ang bigat ng nararamdaman niya. Sanay siyang si Ryu ang madalas niyang nasasandalan sa mga ganitong sitwasyon. Pero iba na ngayon.
"Tara," aya na ni William saka ito tumayo, "May kilala akong pwede mong tuluyan pansamantala."
Nag-angat siya ng tingin. Una sa mukha ni William siya tumingin, pagkaraan ay sa mga palad nitong nakalahad sa kanyang harapan.
BINABASA MO ANG
AI-WIL-MARY-RYU (I WILL MARRY YOU)
RomanceMATALIK NA MAGKAIBIGAN ang Pamilya Salazar at Pamilya Martinez, kaya hindi nakakapagtaka kung ipamana rin ng mga ito sa kanilang mga anak ang pagkakaibigan nila. Pero sa isang gabi ng pagkakamali, maiipit sina Ai at Ryu sa pagitan ng kanilang mga ma...