"IT can't be..." Para siyang nakakita ng multo ng humarap ang babaing abala sa paglilinis ng pool. "...no way." halos pabulong na sabi niya.
Napaatras siya. Hindi niya makakalimutan ang mukha ng babaing kaharap. Kahit pumikit pa siya o dumaan man ang isang daan taon ay hindi niya ito malilimutan.
Bigla siyang nakaramdam ng matinding takot.
Kita niya rin sa mukha nito ang pagkagulat.
"Ma'am may problema ho ba?" untag ng babaing kasama nito. Ang babaing napagtanungan niya.
Hindi niya pinansin ito dahil napako ang mga mata niya sa kupido na akala niya ay wala na.
Nanginginig ang kamay na itinuro niya ito.
"I...ikaw.. pa.pa.paano nangyari? Hindi ba da..dapat wa..wala ka na?" nagkadautal-utal na sabi niya sa kupido.
Napatanga ito sa kanyang at mukhang nalito pa sa sinabi niya.
"Ma'am, ano hong sabi niyo?" takang tanong nito na ikinagulat muli niya.
"A..anong itinawag mo sa akin?" nanginginig labing tanong din niya.
"Ma'am ho." sagot nito.
"Imposible.." mahinang bulong niya.
Napailing-iling siya. Mataman niya itong tinitigan. Kung ibabase niya ang reaksyon nito ng makita siya nito, posibleng nakilala siya nito. Pero kung magsalita ito parang ngayon lang sila nito nagkakilala. Nalilito siya. O baka kamukha lang nito ang kupidong kilala niya.
Ewan.
Noong araw na iyon.....
Flashbacks....
Napatingin siya sa labas mula sa loob ng kotseng kinaroroonan niya. Kanina napakaganda ng sikat ng araw pero laking pagtataka niya ng bigla na lamang bumuhos ang malakas na ulan.
Napabugtong-hininga siya at tumanaw sa gusaling nasa tapat niya. Sa totoo lang wala pa siyang maisip gawin o ng plano. Ano nalang laban niya sa mga kakaibang nilalang na mga iyon?
Pero nabuhayan ang loob niya ng marinig niya ang usapan ng dalawang kakaibang nilalang o mas kilala sa tawag na kupido. Wala naman siyang magiging problema dahil ayon sa mga narinig niyang pag-uusap ng dalawa ay ikakapahamak ng kupido ang umibig sa katulad nilang tao. Ang gusto lang niya masaksihan kung paano kusang maglalaho sa mundo nila ang kupido na umakit sa mahal niya.
Bigla siyang natigilan ng makita na palabas si Edward kasama si Kristina. Mula sa kinaroroon niya ay kitang-kita niya kung paano alalayan ni Kristina si Edward.
Ayaw niyang isipin na gumagawa rin ng paraan si Kristina para makuha muli si Edward dahil hindi siya makakapayag na mangyari iyon. Naghihintay na nga lang siyang kusang mawala sa landas niya ang kupido, ay makikita pa niyang may umeepal pa.
Inalalayan ni Kristina na sumakay si Edward sa bulok nitong sasakyan. Nang magsimulang umandar ang kotse nito paalis ay agad na rin niyang binuhay ang makina ng kanyang sasakyan at mabilis na sinundan ang mga ito.
Nang huminto ang mga ito sa isang apartment ay huminto na rin siya at hinintay ang susunod na mangyayari.
Inalalayan muli ni Kristina si Edward at pumasok ang dalawa sa apartment na katapat ng mga ito.
Gusto niyang lumabas sa kanyang sasakyan at sugurin ang epal na babae pero pinigilan niya ang sarili. Kilala niya si Edward hindi ito mabilis maakit sa iba. Maliban lang sa tusong kupido na pinana siya para sa pansarili nito.