Happy Hearts Month!"PWEDE ko na ba siyang lapitan?" malungkot na tanong niya habang nakatanaw sa lalaking mahal niya.
"Hindi muna sa ngayon Dale. Ikakapahamak mo ang paglapit mo sa kanya." Sagot ni Maru sa kanya.
"Ilang araw ko na ring naririnig 'yan."
"Dale..."
"Bumalik na ako sa pagiging kupido ko Conde. Kaya ko nang ipagtanggol ang sarili ko." Sabi niya habang hindi pa rin inaalis ang mga mata kay Edward.
Abala ang binata sa pagtratrabaho nito. May mga kausap itong banyaga.
"Dale hindi porket bumalik ka na sa dati ay pwede mo ng gawin ang gusto mo." May kasungitan na sabi ng kanyang kaibigan.
"Hindi naman Conde. Para akong mamatay kapag hindi siya nalalapitan, nahahawakan.." tumingin siya dito.
Napabugtong-hininga naman ito. Niyakap siya nito ng mahigpit at hinalikan ang kanyang noo. Dati pa ay ginagawa sa kanya iyon ng kaibigan sa tuwing nakakaramdam siya ng matinding kalungkutan.
"Dale..."
"Bro!"
Naputol ang sanang sasabihin ni Conde ng biglang sumulpot si Maru. Halos habulin nito ang hininga nito ng humarap ito sa kanila.
"Mag-iingat tayo... mag-iingat ka Dale. May nagpapanggap na tadhana ang nasa paligid lamang.."
"Tss! Sinasabi na nga ba..."
Bigla siyang naguluhan sa sinasabi ng mga ito.
"Si Flor ang totoo.. at ang nakakausap ni Suzy ay ang nagpapanggap na Tadhana.. ang isinungpang Kupido ang kausap ni Su.."
Nanlaki ang mga mata niya ng biglang bumagsak ang kaibigan niya sa lupa.
"Maru!" Sigaw niya.
Agad niyang dinaluhan ang kaibigan niya. May panang bumaon sa tagiliran nito. Nagliliyab na itim na apoy na pana ang nasa tagiliran nito. Unang beses lamang siyang nakakita ng ganitong klase ng pana kaya natatakot siyang galawin iyon.
"Ikaw..." Narinig niyang sabi ni Conde.
Nag-angat siya ng tingin. Bahagyang sunog ang kalahating mukha ng isang babae nakatayo lamang sa di kalayuan sa kanila. Nakasuot ito ng itim na damit na gaya ng sa kanila,ngunit ang kaibahan lamang ay kulay puti ang sa kanila.
"Kamatayan ang hatol sa sinumang hahadlang sa aking mga plano." Mariing sabi ng babae sa kanila.
"Si..sino ka?" Utal na tanong niya.
"Ang aking kapalaran ay naulit muli ngunit ikaw rin ay tulad kong mabibigo." mariing sabi nito at bigla na lamang naglaho na parang bula.
MATAPOS siyang makipag-usap sa isa sa mga kliyente niya ay dumiretso siya sa bagong bahay na nabili ng mama niya.
Nagpadala kanina ng mensahe ang kanyang ina at sinabi nitong mananghalian sa bahay nito. Hindi siya tumanggi dahil nasasabik din naman siyang makita ito at ang kapatid niya.