Magical 1

492 11 0
                                    


Nineteen years later...

NAKAYUKONG naglalakad si Andrea para maitago ang kanyang mukha sa mga taong nakakasalubong dahil tiyak magugulat ang mga ito at tutuksuin na naman siyang halimaw dahil sa malaking balat sa kanang bahagi ng kanyang katawan, kaya din may tela siyang dala para takpan ang braso niyang may itim ring balat.

Nahihiya siya sa hitsura niya dahil pinandidirihan ng lipunan. Walang nagkakagusto sa kanya, walang pumapansin at kung mayroon man ay lalaitin lamang siya, walang may gustong makipag-usap sa kanya dahil animo'y kukulamin niya ang mga ito.

Sino ba naman si 'Andeng' para pag-aksayahan ng panahon ng sinuman? Sarili nga niyang mga magulang ay iniwanan at inayawan siya. Wala nang mas sasakit pa sa kaalamang 'yon na iniwanan siya sa kumbento—kung saan siya ngayon ay naninilbihan araw-araw kasama ng mga madre at padre—ng kanyang mga magulang, at malaki ang paniniwala niya na dahil 'yon sa kanyang hitsura.

Lumaki siya kasama ng mga matatandang tagasilbi sa simbahan, si Lola Marcelina na siyang nag-alaga sa kanya hanggang sa siya'y lumaki. Bukod sa kanya ay may apat pang mga kabataan ang naroon; tatlong mas bata sa kanya ng dalawa at tatlong taon, ang isa naman ay mas matanda sa kanya ng isang taon, na katulad niya ay iniwan rin sa kumbento.

Dumating ang oras na kinailangan nang magbukas ng isang shelter—na kung tawagin ay 'Home of the angels' para sa mga batang iniiwanan ng mga magulang sa kumbento, na ngayon ay may mahigit singkuwenta na. Maraming mga mayayamang businessmen at bigating personalidad ang nag-sponsor sa pagpapatayo—nangunguna na doon ang mga Panganiban.

Sa tulong ng mga madre at padre ay napag-aaral siya ng mga ito, kasama na ng kanyang scholarship sa Saint Matthew University sa kursong BS Psychology. No'ng bata siya ay panay ang tanong niya kung nasaan ang kanyang mga magulang, dahil naiinggit siya sa mga batang laging kasama ang kani-kanilang mga magulang.

Sa edad sa siyam ay napag-alaman niyang iniwan siya ng kanyang mga magulang sa harapan ng kumbento ng Sta. Ana. Naisip niya agad na kaya siya iniwan ng kanyang mga magulang ay dahil may kinalaman ang kanyang hitsura. Ang kanyang hitsura na laging tinutukso at kinatatakutan ng mga batang kalaro at nakakasalamuha niya, hanggang sa mag-high school siya ay hindi pa rin siya nilulubayan ng mga mapanglait na mga mata ng mga tao.

At hindi na siya nagtaka nang pagtungtong niya ng kolehiyo ay mas dumami pa yata ang mga taong halimaw kung ituring siya dahil sa takot at pandidiri ng mga ito kapag nakikita siya. Wala naman siyang ginagawang masama sa kanyang kapwa kung bakit hindi matanggap ang katulad niya sa lipunan. Gayunpaman, kahit nagdurogo ang kanyang puso dahil sa pagtrato ng mga tao sa kanya na mas masahol pa sa may nakakahawang sakit, hindi niya gustong itanim sa puso niya ang galit, kahit na sa kanyang mga magulang dahil masama daw magtanim ng sama ng loob sa kapwa—ayon sa mga mababait na madre at padre na lagi niyang nakakasalamuha sa kumbento. Siguro ay labis na ang pagtatampo niya sa kanyang mga magulang ngunit hindi kailanman dumating sa punto na isinumpa niya ang mga ito.

"Andeng, hintay!" narinig ni Andeng ang pamilyar na tinig na 'yon, kaya mas lalo niyang binilisan ang paglalakad. Hindi siya maaaring maabutan ng lalaking 'yon! Ngunit bago pa siya makalayo ay may mabilis nang umakbay sa kanyang balikat na mabilis din niyang nalayuan.

"Donnie naman, e," naiiling na sabi niya.

Ngumiti ito sa kanya nang pagkatamis-tamis saka ito muling lumapit sa kanya at ginulo ang kanyang itim at mahabang buhok. "Kanina pa kita tinatawag, ang lakas ng bingi mo, ha." Natatawang sabi nito.

LBT Book 2: Andeng's Red Shoes (COMPLETED)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon