Prologue

1.5K 75 21
                                    

MADILIM ang gabi. Ang kadiliman nito ay lalo pang pinadilim ng masungit na panahon. Bago pa lang kinakain ng dilim ang liwanag nang magsimulang umulan. Hindi na ito tumigil hanggang sa mga oras na ito. Kaya naman ang mga residente ng lugar na iyon ay nanatili na lang sa loob ng kanilang mga tahanan. Lahat nga yata ng mga tao sa bayang iyon ay tulog na maliban sa isang babaing balisang nakatingin sa repleksyon niya sa salamin.

Gumuhit ang matinding hilakbot sa buong pagkatao ng babae sa nakikita niyang itsura sa repleksyon niya sa salamin. Unti-unti nang kumakalat sa buo niyang braso ang kaliskis na tila balat ng ahas. At maging ang mukha niya ay unti-unti na ring nababalutan ng kaliskis at hindi niya maipaliwanag kung bakit. Noong isang araw nang magsimula niyang mapansin ang mga pagbabago sa kanyang balat. Akala niya noong una ay kung anong skin allergy lang kaya hindi niya masyadong binigyang-pansin. Pero iba na ngayon. Hindi na ito basta skin allergy lang. Bukas na bukas ay kailangan na niyang magpakonsulta sa doktor para maagapan ang kung anumang mikrobyo o sakit na kumakalat sa kanyang balat.

Muli niyang sinilip sa salamin ang kanyang repleksyon at napasigaw siya sa matinding takot. Pero walang sinumang makaririnig sa kanya dahil sa malakas na ulan sa labas. Ang tinig niya'y siguradong lalamunin lang ng nagngangalit na sama ng panahon.

Ano ba itong nangyayari sa kanya? Bakit nagkakaganito ang kanyang balat?

Mas lalo pa siyang kinabahan nang makita niyang mas mabilis nang nababalot ng tila kaliskis na iyon ang kanyang balat. Para itong ahas na gumagapang sa kanyang balat para balutin ang buo niyang katawan. Ilang sandali lang ay tuluyan nang nabalot ng kaliskis ang kanyang braso at mukha. At saka naman niya naramdamang parang may kakaiba ring nangyayari sa kanyang dibdib at likuran.

Mabilis niyang hinubad ang suot na blusa at nakumpirma niya ang kanyang hinala. Maging ang kanyang dibdib ay halos mabalot na rin ng tila makaliskis na balat ng ahas! Tumalikod siya at pilit na tiningnan ang kanyang likod. Anong panghihilakbot niya nang makitang pati ang likuran niya ay naging tila balat ng ahas na rin.

Kinakabahan man ay pinilit niyang maging kalmado. Alam niyang walang maidudulot  na maganda kung magpa-panic lang siya.

Naalala niya ang rosaryong  nasa bulsa ng kanyang palda. Dinukot niya iyon at umusal ng panalangin.

"Aba Ginoong Maria, napupuno ka ng grasya. Ang Panginoong Diyos ay sumasaiyo..." Abot-abot ang magkahalong kaba at takot sa kanyang katawan. Naglalapot na ang pawis sa kanyang mukha. "Bukod kang pinagpala sa babaing lahat, at pinagpala naman ang iyong anak na si Hesus."

Napasigaw siyang muli nang makita sa salamin na halos mabalot na rin ng balat ng ahas ang kanyang katawan. Mas napalakas ang kanyang pagdarasal.

"Aba Ginoong Maria, napupuno ka ng grasya. Ang Panginoong Diyos ay sumasaiyo... Aba Ginoong Maria, napupuno ka ng grasya. Ang Panginoong Diyos ay sumasaiyo..." Palakas nang palakas ang kanyang pagsusumamo sa Mahal na Birheng Maria. Halos nga ay sumisigaw na siya sa pagdarasal. "Aba Ginoong Maria, napupuno ka ng grasya. Ang Panginoong Diyos ay sumasaiyo!"

Bigla na lang siyang napahinto sa pagdarasal, lukob pa rin ng takot ang kanyang mukha. May sari-saring imahe ang tila pelikulang nag-flash sa kanyang isipan. Malinaw niyang nakita ang mga pamilyar na imahe. Pamilyar dahil hindi lang ito minsang gumulo sa kanyang isipan. Maraming beses na. Muli niyang nakita ang isang tuta na nagbabalanse sa isang plastic na beach ball. May nakikita rin siyang isang lumang diyaryo na may balita tungkol sa isang aksidente sa kotse. Malinaw rin niyang nakita ang isang hooded rat na nagbubunganga tungkol sa pananampalataya. At higit sa lahat, nagdala ng pagkabalisa sa kanyang isip ang isang balon ng malinis na tubig na nasa isang nakapangingilabot na kagubatan. Hanggang ngayon ay hindi niya maintindihan kung ano ang ibig sabihin ng mga nakikita niyang imahe at kung bakit ito salit-salitang gumuguhit sa kanyang isipan. Pero ang kaibahan nga lang ngayon ay may isa pang mas malinaw na imahe ang nakikita niya sa kanyang isip. Tila ba nanonood siya ng isang lumang pelikula. Pelikula nga ba ito? May nakikita siyang isang may edad na babaeng abala sa kung anong ginagawa nito. Mamaya pa ay dumating ang isang dalagita na masayang sinalubong ng may edad na babae. Mag-ina sila. Masayang nag-usap ang dalawang babae, kung ano man ang pinag-usapan ng mga ito ay hindi na niya naintindihan.

"Aray!" Bigla siyang napasigaw kasabay nito ang pagkakabitiw niya sa hawak na rosaryo. "Ang init!"

Tinitigan niya ang rosaryong bumagsak sa sahig. Nagdadalawang-isip siya kung dadamputin ba ito o hindi. 

Sa huli ay nagpasya siyang damputin ito. Dahan-dahan niyang inilapit ang kanang kamay sa rosaryo para pulutin ito.

"O, hindi naman mainit. Guni-guni ko lang ba 'yong kanina?" nagtataka niyang tanong sa sarili. "Pero mainit talaga kanina. Imposible namang basta ko na lang mabitawan ang rosaryo."

Tinitigan niya ang rosaryo na tila ba sinusuri ang bawat butil nito. Pero wala naman siyang makitang kakaiba rito. Ang kakaibang nakita niya ay ang kanyang kamay at braso na katulad na ng sa balat ng ahas ang itsura. Mukha na siyang taong ahas dahil balot na balot na ang balat niya ng balat na katulad ng sa ahas! Sa itsura niya ngayon, walang hindi magsasabing isa na siyang taong ahas!

Gimbal na gimbal ang babae sa nangyari sa kanya. Hindi na maabot ng kanyang isip ang mga kakatwang kaganapan.

"Ano 'to?" malakas niyang sigaw. "Bakit nangyayari sa akin ito?" Mabilis niyang dinampot ang hinubad na blusa at saka isinuot. Napatakbo siya sa labas pero pagbukas niya ng pinto ay  sinalubong siya ng malakas na hangin at ulan na naging dahilan para siya ay mapahinto.

Napasigaw siya na tila wala sa sariling katinuan.

Walang pag-aalinlangan niyang isinara ang pinto at saka napaluhod upang muling magdasal.

"Diyos ko! Anong nangyayari sa akin? Bakit naging ganito ang itsura ko? Bakit naging ahas ang balat ko? Tulungan mo ako, Diyos ko!!!" Ang pagsusumamo niya sa Diyos ay naging isang marubdob na pagtangis.  "Bakit nangyayari sa akin ito?" Hindi siya tumigil sa pag-iyak na para bang babalik sa dati ang itsura ng kanyang balat kapag nahugasan ng luha mula sa kanyang pag-iyak.

Muli siyang umusal ng taimtim na panalangin.

"Aba Ginoong Maria, napupuno ka ng grasya. Ang Panginoong Diyos ay sumasaiyo. Bukod kang pinagpala sa babaing lahat, at pinagpala naman ang iyong anak na si Hesus!" Kasabay ng pagbanggit niya sa pangalan ng Anak ng Diyos ay biglang tila kinapos siya ng hininga at unti-unting nangisay hanggang sa tuluyang bumagsak sa sahig ang walang buhay niyang katawan.

Curse of the Wooden RosaryTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon