HALOS malaglag ang puso ni Helen sa kaba nang dumampi sa balikat niya ang kamay. Mabuti na lang at nagsalita ang may-ari nito na kaagad niyang nakilala.
Si Nathan.
"Bakit gising ka na?" tanong ng kanyang nobyo.
"Tinakot mo ako!" sabi niya rito.
"Pasensya na... Parang may narinig kasi akong kaluskos kaya bumangon ako at lumabas. Ikaw lang pala, akala ko kung ano na."
"Nagbanyo lang ako. Brownout kasi kaya madilim."
"Wala man lang abiso ang brownout na 'yan. Bigla-bigla na lang," reklamo pa ni Nathan. "Matulog ka na ulit. Maaga pa. Pasado alas-tres pa lang. Alas-singko tayo aalis dito para maabutan natin ang unang biyahe ng bangka papuntang Isla Maranlig."
"Sige, matulog ka na rin ulit." Pumasok na si Helen sa kuwarto. Bumalik na rin si Nathan sa kanyang silid.
PAGSAPIT ng alas-singko ng umaga ay bumiyahe na sila papunta sa bayan ng Burgos. Mula roon ay magtutungo sila sa Aplaya, ang lugar kung saan sumasakay ng bangkang de-motor na maghahatid sa kanila patungo sa Isla Maranlig. Dahil maaga pa ay naging mabilis naman ang kanilang biyahe. Inihabilin ni Helen ang kanyang jeep sa isang bahay malapit sa Aplaya bago sila sumakay ng bangka papunta sa isla. May dalawampung katao rin ang pasahero ng bangkang maghahatid sa kanila sa Isla Maranlig.
Mahigit isang oras din silang naglayag sa dagat bago nila narating ang isla. Hindi makapaniwala si Helen sa ganda ng Isla Maranlig. Luntian pa ang kapaligiran dito, patunay na hindi pa napapariwara ng mga tagarito ang kalikasan. Pero bakas din ang kasimplehan ng pamumuhay rito. Wala pang bakas ng modernong sibilisasyon ang lugar. Isa itong paraiso para sa mga nature lover at isang bangungot sa mga taong nilamon na ng makabagong teknolohiya.
Pagkababa ng bangka ay nagtanong si Nathan sa isang lalaking tagaroon sa isla. "Saan po kaya rito mayroong hotel o bahay na mauupahan?"
"Naku, walang hotel dito. Kung bahay naman, mayroon doon sa ibayo. Hanapin n'yo si Iskang Isda, may pinarerentahang bahay iyon. Bahay ng kapatid niyang sa Burgos na nakatira," pagbibigay-impormasyon ng lalaki. "Ipagtanong n'yo na lang diyan kung saan ang bahay ni Iskang Isda."
"Maraming salamat po," sabi ni Helen bago sila nag-umpisang maglakad papunta sa lugar na sinabi ng lalaki.
Ramdam ni Helen ang pagdampi ng sikat ng araw sa kanyang balat pero hindi naman ito gaanong mainit. Alas-nueve pa lang naman. Hindi pa ganoon katindi ang init na dala ng sikat ng araw.
May nadaanan silang tindahan kung saan may mga lalaking nakatambay. Lumapit sa mga ito si Nathan. "Saan po ba rito ang bahay ni Iskang Isda?" magalang na tanong niya sa mga lalaki.
Isa ang sumagot kay Nathan, "Ikaapat na bahay mula rito, iyon ang bahay ni Iska."
"Salamat." Tinanguan niya ang kausap at nagpatuloy sila sa paglalakad hanggang sa marating nila ang sinasabing bahay ni Iska.
"Tao po! Tao po!" Si Helen na ang nagtawag sa kanilang hinahanap.
Isang matabang babae na siguro'y edad kuwarenta y singko ang lumabas. Kulot ang buhok nito at nakasuot ng bulaklaking duster.
"Anong kailangan n'yo?" tanong nito sa kanila sa seryosong tono at hindi man lang ngumingiti.
Saglit na nagkatinginan sina Nathan at Helen bago sumagot ang huli, "Ahh, kayo po ba si Iskang Isda? Naghahanap po kami ng mauupahang bahay. May alam po ba kayo?"
Nagpalipat-lipat ang tingin ni Iska sa tatlong kaharap na parang kinikilatis ang bawat isa. Pagkatapos ay hinarap nito si Helen. "Ako si Iska. Ayan ang pinaparentahan ko, 'yang bahay sa tapat." Itinuro nito ang isang bungalow type na bahay na may pinturang murang berde. "Dalawang libo isang buwan. May mga gamit na doon, puwede ninyong gamitin. Basta huwag n'yong sisirain. Kapag may nasira kayo o nabasag, kailangan n'yong palitan. Kukunin n'yo na ba?"
"Opo," sagot ni Helen sabay tango. Nagliwanag ang mukha ni Iska. Biglang sumaya ang itsura nito.
"Kung ganoon, halikayo. Sumunod kayo sa akin. Doon tayo mag-usap at para makita n'yo na rin ang loob ng bahay." Nauna nang naglakad ang matabang babae kasunod ang tatlo.
Maayos ang loob ng bahay. Malinis din. Puwedeng-puwede nang tirhan. Mayroon itong malaking mga bintana na nakabukas lang tuwing umaga at kung gabi ay hinaharangan lang ng sawali.
"Habang wala pang nakatira rito, sinisiguro ko lagi ang kaayusan nitong bahay. Sa kapatid ko ito, pero sa Burgos na sila nakatira ng pamilya niya kaya naiwang bakante itong bahay. Madalas, mga katulad n'yong turista ang umuupa rito, kaso bihira lang naman na may mapadpad na mga turista rito. Wala kaming kuryente rito, pero may generator naman. Wala nga rin kaming ospital dito. Kapag may emergency, namamatay na habang ibinibiyahe sa dagat ang pasyente bago pa makarating sa ospital sa Burgos," paliwanag ni Iska. "Magtatagal ba kayo rito? Dito na ba kayo titira? Sa itsura n'yo, mukhang magbabakasyon lang kayo." Maaliwalas na ang mukha ni Iska kumpara kanina na seryoso at mukhang mataray ang itsura nito.
"Magbabakasyon lang kami, mga ilang linggo lang siguro," sagot ni Nathan bago dinukot ang wallet sa likurang bulsa ng suot niyang pantalon. Kumuha siya ng pera sa wallet at iniabot kay Iska.
Mas lumawak ang ngiti ng babae pagkaabot ng pera. "Salamat. Ano nga pala ang mga pangalan n'yo?"
"Ako po si Nathan Torres. Siya naman ang girlfriend kong si Helen. At 'yung bata, pamangkin ko, si Kyte."
"Ahh, sige. Sana maging masaya ang bakasyon n'yo rito sa isla. Kapag may kailangan kayo, puntahan n'yo lang ako sa kabilang bahay."
Napatingin si Helen sa isang bahagi ng bahay at napnsin niya ang nakabalumbon na lubid sa sulok. "Bakit po may lubid doon?" Itinuro pa niya ito sa kausap.
"Ah, 'yan ba? Nag-aalaga kasi dati ng kalabaw ang kapatid ko. Baka sobrang tali lang 'yan, diyan na nailagay."
Napatango-tango na lang siya at saka muling nagtanong, "Bakit po pala Iskang Isda ang tawag sa inyo ng mga tao rito?" Umiral ang pagkaimbestigador ni Helen.
Napabunghalit ng tawa ang matabang babae. "Ah, 'yun ba? Eh, nakasanayan nang tawagin akong Iskang Isda dahil maraming tagarito ang Iska rin ang pangalan. May Iskang Pipi at Iskang Balat, dahil may malaki siyang balat sa mukha. Ako naman, Iskang Isda dahil paglalako ng isda dito sa lugar namin ang ikinabubuhay ko."
Napatango na lang si Helen. "Uso pala rito ang bansag sa mga tao."
"Naku, ganoon na nga. Para kapag nag-uusap eh, alam mo kaagad kung sino ba ang pinag-uusapan," paliwanag pa ng babae. "Sige na, iiwan ko na kayo rito para makapagpahinga kayo. Magluluto pa ako ng pananghalian para sa mga anak ko. Heto ang susi ng pinto bahay. Kayo na ang bahala rito."
Hindi na hinintay ni Iska na sumagot ang kausap. Mabilis na itong naglakad papalabas ng bahay pagkaabot ng susi kay Helen.
"Kailangan nating magsimula nang maghanap sa hooded rat na iyon. Hindi tayo dapat mag-aksaya ng panahon," sabi ni Nathan nang tuluyan nang makalabas ng bahay ang kanilang kasera.
"Naisip ko lang, kung totoong daga ang hinahanap natin, dapat isang daga na inaalagaan sa bahay. At iniisip ko rin na hindi talaga 'yung daga ang may koneksyon sa sumpa, kundi posibleng iyong taong nagmamay-ari doon sa daga," matalinong pag-aanalisa ni Helen. "Isang taong mahilig sa daga ang kailangan nating hanapin sa lugar na ito."
"Ilagay na lang natin ang mga gamit sa kuwarto at lumabas na tayo para umpisahan ang paghahanap sa daga. Pero bago iyon, kumain na muna tayo dahil medyo kumakalam na ang sikmura ko," sabi ni Nathan.
"Ako rin po, Tito Nathan, nagugutom na rin," susog naman ni Kyte.
"Akin na ang mga bag n'yo." Kinuha ni Helen ang mga gamit nila at nagtungo sa kuwarto. Binuksan niya ang aparador. Pagkabukas ay biglang tumalon sa dibdib niya ang isang daga. Napatili siya kaya nagmamadaling tumakbo papasok sa kuwarto sina Nathan at Kyte.
"Anong nangyari?" nag-aalalang tanong ni Nathan.
"May daga... May tumalon na daga, galing sa aparador. Nagulat lang ako..."
"Akala ko naman kung ano na. Pero magandang senyales 'yan. Mukhang makikita natin agad ang ating hinahanap. Ayan nga at iyong daga na mismo ang lumapit sa'yo," natatawang sabi ni Nathan.
"Sana nga... Dahil hindi ko maisip kung anong klaseng kamatayan ang naghihintay sa ating tatlo kapag hindi natin napigilan ang sumpa ng rosaryo."
BINABASA MO ANG
Curse of the Wooden Rosary
TerrorWhile investigating the death of a local resident, Police Investigator Helen Domingo uncovers a legend about a supernaturally-cursed, wooden rosary circulating throughout the province. As soon as anyone touches or owns the rosary, he or she will die...