PABALIK na sana siya sa tinutuluyan nilang bahay nang matawag ang pansin niya sa isang batang tumatakbo habang bitbit ang isang beach ball. Pero ang mas nakakuha ng kanyang atensyon ay ang tutang aspin na humahabol sa bata. Mukhang naglalaro ang mga ito at nakatuwaan ng bata na magpahabol sa tuta. At ngayon nga ay malayo na ito sa kanyang paningin.
"Tita Helen!"
Nilingon niya ang tumawag. Nakita niyang tumatakbo papalapit sa kanya si Kyte kasunod naman nito si Nathan.
"O, ba't nagpunta pa kayo rito, eh, pauwi na rin naman ako?"
"Nami-miss ka na raw ni Tito Nathan, eh," nakangiting sagot ng bata na nagpangiti rin sa kanya. Si Nathan naman ay sumasakay lang sa biro ng kanyang pamangkin.
"Kailangan pala nating bumili ng bumbilya. Nabasag na nga pala noong nakaraang gabi 'yong mga bumbilya sa bahay," sabi ni Nathan.
"Bibili na lang ako mamaya sa poblasyon," sabi ni Helen. "Halika na, uwi na tayo!" Inakbayan niya si Kyte. Pero bago tuluyang umalis ay muli niyang nilingon ang batang may dalang beach ball kanina ngunit hindi na niya ito matanaw. Hindi naman siguro iyong tutang humahabol sa bata ang tuta sa kanilang mga pangitain.
ANG batang tumatakbo habang bitbit ang isang beach ball at hinahabol ng isang tuta ay nakarating na sa isang cottage na nasa isang bahagi rin ng tabing dagat.
Sinalubong siya ng isang lalaki, si Danny. "Saan ka galing, Bea? Kanina pa kayo hinihintay ni Master Jaime."
"Daddy, naglaro lang po kami ng habulan ni Chichi," sabi ng limang taong gulang na bata na ang tinutukoy ay ang alaga niyang tuta.
"Halika na sa loob, para makapag-train na si Chichi." Dinampot ng lalaki ang tuta at hinawakan sa isang braso ang kanyang anak at saka sila pumasok sa loob ng bahay na nakatayo malapit lang din sa tabing dagat.
"Hello, Bea!" bati sa kanya ng lalaking naghihintay sa salas ng kanilang bahay. "Gumala na naman kayo ni Chichi, ah."
"Naghabulan lang po kabi diyan sa paligid, Master Jaime," nakangiting sagot ni Bea. "Magsisimula na po ba kayo ni Chichi?"
"Oo, kasi para makauwi ako kaagad. Marami pa kasi akong gagawin sa bahay." Hinawakan pa niya sa ulo si Bea at bahagyang ginulo ang buhok nito.
Ibinaba ni Danny sa sahig si Chichi. Kumawag-kawag ang buntot ng tuta.
"Sit, Chichi! Sit!" utos ni Master Jaime sa tuta na tila maamong tupa namang sumunod. "Good boy! Hindi mo pa rin nakalimutan ang itinuro ko sa'yo noong nakaraan. "Doon na lang kami sa labas para mas malaki ang espasyo," paalam niya kay Danny na tumango lang sa kanya. "Come here, Chichi!" Agad namang sumunod sa kanya ang tuta papalabas ng bahay. Sumunod din si Bea para panoorin ang dalawa.
Nang simulan na ni Master Jaime ang pagtuturo ng iba't-ibang tricks sa tuta ay aliw na aliw si Bea at namamangha sa tuwing makikita niyang napapasunod ni Master Jaime ang tuta sa mga ipinapagawa nito.
KATATAPOS lang mananghalian nina Helen, Nathan at Kyte. Kanina bago sila kumain ay sinilip muli ni Helen ang bahay ni Iskang Isda dahil balak sana niyang bigyan ito ng niluto niyang tinolang manok, pero sarado pa rin ito. Ibig sabihin, hindi pa rin umuuwi ang kanilang kasera.
"Bumalik tayo sa tabing-dagat mamaya para makasagap ng signal ng cellphone," sabi ni Nathan. "Maghanap rin tayo sa internet ng balita tungkol doon sa aksidente sa kotse. Mahirap lang kasi hindi naman natin alam kung anong taon nangyari at kung saan, pero mabuti na rin 'yon kaysa tumunganga lang tayo at maghintay sa sundo ng kamatayan."
"Si Didong Daga, kailangang pilitin natin siyang magsalita," deklara ni Helen. "Alam ko, marami pa siyang alam. Ayaw lang niyang sabihin, pero nararamdaman kong may itinatago siya."
"Oo, gagawin natin 'yan."
"Pupunta ako sa poblasyon mamaya, aabangan ko siya roon. Magtatanong-taong na rin ako sa mga tao roon kung may nabalitaan silang aksidente sa kotse na nangyari matagal na panahon na ang nakalipas. Ikaw naman, doon ka sa tabing-dagat para mag-search sa internet. Isama mo si Kyte."
Tumango ang lalaki.
"Pahiram nga muna ako ng rosaryo," biglang sabi niya sa nobyo.
"Anong gagawin mo?"
"Ako na lang muna ang magtatago..."
Dinukot ni Nathan sa bulsa niya ang rosaryo at iniabot kay Helen.
Nagpahinga lang sila sandali at pagkatapos ay nagtungo na sila sa mga pupuntahan nila. Magkasamang nagpunta sa tabing-dagat sina Nathan at Kyte, samantalang si Helen naman ay naglakad na patungong poblasyon.
Pinuntahan ni Helen ang lugar sa talipapa kung saan nila unang nakita si Didong Daga na nangangaral ng salita ng Diyos. Sa malas ay wala roon ang lalaki. Kailangan bang puntahan niya ulit ito sa bahay nito sa Kadawagan?
Nagpasya siyang magtanong-tanong sa mga taong naroon.
Nilapitan niya ang isang babeng nagtitinda ng mga gulay. "Ale, hindi po ba dumating si Didong Daga?"
"Ba't hinahanap mo si Didong Daga? Kahapon pa 'yon hindi nagagawi rito."
"Dito po ba siya palaging pumupuwesto para mangaral? O baka naman may iba pang lugar kung saan siya nangangaral?"
Saglit na nag-isip ang babaeng kausap niya. "Madalas dito lang siya pumupunta. Pero dati, nakita ko siya sa banda roon sa dulo nitong talipapa. Tingnan mo, baka naroon siya."
"Maraming salamat." Nginitian niya ang kausap at saka naglakad patungo sa sinabing direksyon ng babae.
Nang marating niya ang dulo ng talipapa ay iginala niya ang kanyang paningin. Mukhang wala rin dito si Didong Daga. Nakadama siya ng panlulumo. Habang natatagalan silang makuha ang mga kailangan nilang impormasyon, ay mas lumalapit sila sa hukay ng kamatayang gawa ng isinumpang rosaryo.
Paano pa ba nila mapipigilan ang sumpa kung ganitong wala silang mahanap na susi para mabuksan ang lihim ng sumpa?
Saan ba nila hahagilapin ang mga tamang tao na makapagbibigay ng buong kuwento kung paano at bakit nagkaroon ng sumpa ang rosaryong iyon?
Aalis na sana si Helen sa lugar na iyon nang makuha ang atensyon niya ng isang lalaking nakatalikod at kumakain sa isang karinderya. Ang buhok nito ay katulad ng sa buhok ni Didong Daga. At katulad ng dati ay may hood ang suot nitong damit.
Nilapitan niya ang lalaki.
"Didong Daga..."
Lumingon ito at nagitla nang makita siya. "Ikaw na naman! Ano na naman ang kailangan mo?"
"Alam mo ang kailangan ko. Kailangan ko ang tulong mo," malumanay niyang sagot. Alam niyang hindi niya makukuha sa galit ang lalaking ito. Kahit ang pagkapulis niya ay hindi niya puwedeng gamitin dito dahil wala naman itong nilalabag na batas. Pero gagamitin pa rin niya iyon kung kinakailangan.
"Hindi mo ba nakikitang kumakain ako?" malakas ang boses na sabi nito at nakatawag atensyon na sa ibang mga tao roon. Parang sinasadya nitong marining ng iba pa ang kanilang usapan.
"Pasensya na pero hindi ako aalis dito hanggang hindi ka pumapayag na tulungan ako. Sasabihin mo sa akin lahat ng nalalaman mo tungkol sa rosaryo."
Nagsimulang maglapitan sa kanila ang mga taong nakarinig sa kanilang pagtatalo. Napilitan si Helen na ilabas ang kanyang tsapa at ipinakita ito sa mga naroroon. "Police Investigator Helen Domingo! Huwag kayong makikialam kung ayaw ninyong madamay sa kaso ng lalaking ito!"
Napahinto ang mga nag-uusyoso. Ang iba'y lumayo na at nakuntento na lang na manood mula sa malayo.
Dinakma ni Helen sa kuwelyo si Didong Daga. "Isang tanong, isang sagot. Tutulungan mo ako o hindi?"
"Kahit magmakaawa ka, wala akong maitutulong sa'yo dahil wala akong alam!" nagmamatigas nitong sabi.
Dinukot niya sa bulsa ang rosaryo at ipinakita sa lalaki. "Puwes, isuot mo na lang ang rosaryong ito at maghintay ka sa kamatayan mo."
"Huwaaaggg!"
BINABASA MO ANG
Curse of the Wooden Rosary
Kinh dịWhile investigating the death of a local resident, Police Investigator Helen Domingo uncovers a legend about a supernaturally-cursed, wooden rosary circulating throughout the province. As soon as anyone touches or owns the rosary, he or she will die...